"Mahabaging Emre, nawa'y ito na ang huling digmaang kailangang pagdaanan ng Encantadia."
Iyan ang panalanging aking inusal bago nagsimula ang labanan. Iyan din ang paulit-ulit kong ibinubulong ngayong tapos na ang sigalot at kami ang nanaig. Tagumpay na may kaakibat na sakit lalo pa't marami ang nagbuwis ng buhay mula sa parehong panig. Isa na diyan ang pinakamamahal kong kapatid na si Arianna. Tahimik ang aking pagluha habang yakap siya sa huling pagkakataon.
"Azulan..."
Napapikit ako nang maramdaman ang paglapit at pagdamay sa akin ni Pirena.
"Tunay na kahanga-hanga ang iyong kapatid. Hanggang sa huli ay ginampanan ni Arianna ang kanyang tungkulin bilang bagong tagapangalaga. Hindi nakapagtatakang siya ang pinili ni Emre na maging sarkosi ni Amihan. Pareho silang taglay ang puso ng isang bayani."
Tumango ako. Hinaplos ko ang mukha ng aking kapatid na lubos kong ipinagmamalaki.
"Sana'y matagpuan mo ang kaligayahang nararapat para sa iyo sa Devas, Arianna." bulong ko.
Matapos ipagluksa ang mga nasawi naming kasamahan sa digmaan, unti-unting bumangon ang Encantadia mula sa madilim na kabanatang iyon ng aming buhay. Sa pamumuno ng mga sang'gre at ng rama ng Sapiro na si Ybrahim, muling pinagtibay ang mga kaharian. Malaking tulong din ang patuloy na paggabay ni Emre at ng bagong bathalumang si Cassiopeia sa kanilang nasasakupan.
Ako man ay naghahangad din ng isang bagong simula. Ilang araw ko na ring pinag-iisipan ang desisyong aking napili at ngayon nga ay handa na akong harapin ang pinakamahalagang pagsubok ng aking buhay.
Tiyak ang mga hakbang na pumasok ako sa silid ng pinakamamahal kong sang'gre.
Mula sa binabasang kasulatan ay agad na nag-angat ng tingin si Pirena nang makita ako.
"Ano't naririto ka na naman sa aking silid, Punjabwe?" kunwari'y naiiritang tanong nito.
Hindi ko napigilang matawa. Kahit ano pang pagsusungit ang gawin ni Pirena ay hindi na maitatago pa ng diwata ang tunay niyang nararamdaman. Hindi matatakpan ng kahit gaano pa karaming matatapang na salita ang kislap ng tuwa sa mga mata nito pagkakita pa lang sa akin.
"Wala naman. Naramdaman ko lang na tila nasasabik kang masilayang muli ang aking kakisigan."
"Ashtadi!"
"Makisig na ashtadi. Iyan dapat ang tawag mo sa akin, mahal ko." Pang-aasar ko pa sa sang'gre na lalong nagpataas sa kanyang mga kilay.
"Nagtungo ka lang ba dito para inisin ako?"
"Oo na, magseseryoso na po mahal na hara." Napapailing na sagot ko. "Ang totoo niyan, napakaimportante ng nais kong sabihin sa'yo."
Sumeryoso na rin ang ekspresyon ni Pirena gaya ko.
"Tungkol saan ang pag-uusapan natin?"
Inabot ko ang mga kamay ni Pirena at masuyong hinaplos iyon. "Ikaw na lang ang natitirang dahilan ko upang mabuhay, Pirena. Iniisip ko pa lang ang isang bukas na wala ka sa aking tabi ay parang di ko na kakayanin."
"Ganoon din naman ako. Hindi ko naisip dati na darating ang panahong magmamahal ako ng isang engkantado ngunit heto ka, Azulan. Isang regalong ipinagkaloob ni Emre para sa akin." nakangiting tugon ni Pirena.
"Masaya akong pareho tayo ng nararamdaman. Pero mas magiging masaya ako kung sasagot ka ng 'oo' sa sunod kong katanungan."
"A-ano'ng ibig mong sabihin, Azulan?" tila kinakabahang tanong ng sang'gre.
Huminga ako ng malalim at tinitigan ang diwatang bumihag sa aking puso at buong pagkatao.
"Papayag ka bang magpakasal sa akin, Pirena? Matatanggap mo ba ang isang ashtading gaya ko bilang iyong asawa? Isang makisig na ashtading walang ibang maiaalay sa'yo kundi tunay na pag-ibig at lubos na katapatan."
Natutop ni Pirena ang bibig sa sobrang pagkabigla. Agad nangilid ang luha sa kanyang mga mata kasabay ng pagguhit ng matamis na ngiti sa mga labi niya.
"Oo, Azulan! Tinatanggap kong maging iyong kabiyak. E corre diu, ashtadi kong Punjabwe!"
"Mahal na mahal din kita, aking Hara!"
Niyakap ko nang mahigpit si Pirena. Yakap na sana ay mauuwi sa isang halik kung hindi lang dahil sa isang impit na tiling nagpahinto sa aming dalawa.
Tiling nagmumula sa dalawang pasaway na sang'greng nagtatago malapit sa bukana ng silid at kanina pa pala nakikinig sa aming usapan.
"OMG! Engaged na din ang nanay mo, bessy! Pareho na silang ikakasal ni Ashti Danaya!" nagtatatalon pang bulalas ni Lira. "May double wedding sa Lireo! Bongga!"
Agad namang lumapit sa kanila si Mira. Nagniningning ang mata nito sa tuwa. "Binabati ko po kayo! Masaya ako para sa inyo, aking ina, g-ginoong Azulan."
Nginitian ko ang nakababatang sang'gre. "Ginoong Azulan? Ganyan ba ang tamang pagtawag sa iyong ama?"
Mabilis na nangilid ang luha ni Mira at yumakap sa amin ng kanyang ina.
"Ado!"
Ako man ay muntik mapaiyak dahil sa napakasayang sandaling iyon. Lubos akong nagpapasalamat sa bathalang Emre dahil sa pagkakataong ipinagkaloob sa akin na makasama sina Pirena at Mira.
"Puwede na pong sumali sa group hug?"
Todo-ngiting lumapit sa kanila si Lira at nakiyakap na rin.
Isang matapang na asawa, isang mapagmahal na anak at isang makulit na hadiya. Ako na yata ang pinakamapalad na Punjabwe dahil pagkatapos ng lahat ng pagdurusa ay isang bagong pamilya ang dumating sa aking buhay. Pamilyang aking pangangalagaan at mamahalin habambuhay.
BINABASA MO ANG
AKO AT ANG HARA NG HATHORIA
FanfictionA 5-part AzPiren fanfic written from the point of view of Azulan, one of the members of the Punjabwe tribe. This is all about his fateful encounter with Pirena, the queen of Hathoria. Let me show you how their animosity develops into something deepe...