Mahal na mahal ko ang aking nag-iisang kapatid na si Ariana pero minsan talaga ay may mga kahilingan siyang karima-rimarim at tila hindi ko kayang pagbigyan.
Gaya ngayon, nais ng magaling kong kapatid na sumali ako sa pagsasayaw nila para sa piging na inihanda ng Lireo para sa mga bagong tagapagtanggol at para sa pagbisita ni Avria, ang hara ng Etheria.
"Ano'ng malay ko sa pagsasayaw?" naiiritang tugon niya.
Nakisali pa ang dalawang sang'gre na sina Lira at Mira sa pagkumbinsi sa akin.
"Pumayag ka na, kuya! Isasama ko rin si itay!" nakangiting turan ni Lira na ang tinutukoy ay ang rama ng Sapiro. Mukhang papayag nga ito dahil ito ang klase ng ama na tila hindi kayang humindi sa nag-iisa nitong anak.
"At isasama ko rin ang aking ina!" masiglang dugtong ni Mira.
Natigilan si Azulan sa narinig. "Sasayaw din ang sang'gre Pirena?" namimilog ang mga matang tanong niya.
Tumango si Mira at dahil doon ay napapayag siya. Sino ba ang hindi masasabik na makasayaw ang mataray na si Hara Pirena na ilang araw nang gumugulo sa kanyang isipan?
"Nakataas ang kilay at nakasimangot na naman siya sa akin."
Natatawang bulong ni Azulan sa sarili nang matitigan niya si Pirena sa pagsisimula ng sayawan. Halatang hindi nito gustong makapareha siya ngunit walang magawa dahil ayaw nitong sirain ang kasiyahan. Isa pa, mukhang gaya ng rama ng Sapiro, hindi rin magagawang tanggihan ni Pirena ang kanyang anak.
Hindi maamin ni Azulan sa sarili na masaya siya. Oo, noong una hindi talaga bukal sa loob niya ang pananatili sa palasyo ng mga diwata. Pero ngayon, may parte ng sarili niya na tila nais magpasalamat dahil nabigyan siya ng pagkakataong manirahan sa Lireo at makilala ang mga sang'gre. Lalo na ang partikular na diwatang kasayaw niya ngayon.
Napangiti si Azulan nang muli niyang mahawakan at maikulong sa mga bisig niya si Pirena. Kahit sandali lang iyon dahil mabilis na itinulak din siya ng naiiritang hara ng Hathoria, tunay namang matinding ligaya ang hatid nito sa kanya. Lubos din niyang ipinagtataka kung bakit ganoon na lamang ang pagkahumaling niya kay Pirena samantalang ito ang kabaligtaran ng isang babaeng Punjabweng kanyang nakasanayan. Nakatitiyak siyang hindi ito papayag na mapasailalim sa pamumuno ng isang lalaki ngunit parang balewala lamang iyon sa kanya.
Nang matapos ang pagsasayaw, naiiling na naglakad na lamang si Azulan papunta sa kinalalagyan ng alak nang mapahinto at mapansin niyang nag-iisa sa isang sulok si Mira. May malungkot na ngiting nakabalatay sa mukha nito habang pinagmamasdan ang pinsang si Lira na nakayakap sa ama nitong si Rama Ybrahim.
"Naaalala mo ba ang iyong ado?" tanong niya dito.
"Paano ko maiisip ang isang nilalang na hindi ko naman nakilala sa buong buhay ko?" bumuntong-hininga ang batang sang're. "Hindi ko lang maiwasang mangarap paminsan-minsan na sana ay may mapagmahal na ama rin ako gaya ni Lira. Nang sa gayon ay maranasan ko ang magkaroon ng isang kumpletong pamilya."
"Hindi ba sinabi ng Hara Pirena kung sino ang iyong ama?"
"Ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa kanya. At kilala mo naman na siguro ang aking ina, ginoong Azulan. Walang makapipilit sa kanyang gawin ang isang bagay na hindi niya ibig."
"Kung sino man ang iyong ama, tiyak na ikararangal ka niyang maging anak sang'gre Mira. Iyon na lamang ang isipin mo."
Ngumiti sa kanya ang sang'gre. "Avisala eshma, ginoong Azulan."
BINABASA MO ANG
AKO AT ANG HARA NG HATHORIA
FanficA 5-part AzPiren fanfic written from the point of view of Azulan, one of the members of the Punjabwe tribe. This is all about his fateful encounter with Pirena, the queen of Hathoria. Let me show you how their animosity develops into something deepe...