Chapter 4

1.9K 97 0
                                    

Bailey's POV

Nagising ako sa loob ng isang tahimik na k'warto. Kahit nahihilo ay pilit akong tumayo at dumiretso sa pinto. Sinubukan kong buksan 'yon pero kagaya nang inaasahan ay nakakandado ito mula sa labas.

Hindi ako tanga.

Alam ko kung ano'ng nangyari sa 'kin. Nakidnap ako at hindi ko alam kung nasaan ako ngayon.

Pinagmasdan ko ang silid. Parang ospital ang loob ng silid. Maliit lang at hugis kahon. Walang bintana dito at tanging kama lang talaga ang nasa loob.

Nanginginig kong sinubukang buksan ulit ang pinto. Gusto kong sumigaw at humingi ng tulong pero alam ko na wala ring silbi 'yon. Nanlambot na ang tuhod ko sa sobrang takot. Nasaan ako? Sino'ng dumampot sa 'kin?

Tumaas ang tingin ko sa kisame at nanlaki ang mata ko sa nakitang CCTV camera. Umiilaw ito at mukhang nakabukas. Kaya pala pakiramdam ko ay may nanonood sa 'kin.

Sinamaan ko ng tingin ang camera. Pinahid ko ang mga luha ko at tinanggal ang punda ng unan. "Putangina mo," sigaw ko sa camera at binato ng punda. Natakpan ang lens nito kaya bahagyang pumayapa ang loob ko.

Ngayon ay kailangan ko na lang mag-isip kung paa—

Click

Tumaas ang balahibo ko sa narinig na tunog. Agad akong lumayo sa pinto nang gumalaw ang doorknob. Kinuha ko ang unan sa kama. Wala akong ibang p'wedeng pangdepensa sa sarili kung hindi ito.

Pumasok sa loob ang isang singkit na lalaki.

"Gising ka na pala. Kumain ka muna," saad n'ya at nilapag ang isang tray ng pagkain sa kama. Tinutok ko sa kanya ang hawak kong unan.

"Sino ka! Nasaan ako!" naghihisterikal na tanong ko. Hindi s'ya sumagot at tinanggal lang ang punda ng unan sa CCTV camera. "Sagutin mo 'ko. Bakit mo 'ko dinakip? Ano'ng ginawa ko sa 'yo? Pakawalan mo 'ko!"

"Huwag kang maingay p'wede?" iritableng suway nito sa 'kin. Napaatras ako sa sulok nang lumapit s'ya sa 'kin. "Akin na 'yang unan na 'yan," saad n'ya na hindi ko pinansin. Mas hinigpitan ko ang kapit sa unan. Sino ang lalaking 'to? Ano'ng gagawin nila sa 'kin?

"Hindi kita sasaktan. Bawal ka sugatan kaya huwag ka na matakot sa 'kin. Ginagawa ko lang naman ang trabaho ko," sabi n'ya at pilit na inagaw sa 'kin ang unan. Agad kong niyakap ang sarili ko. Doon ko lang napagtanto na iba na ang suot ko.

Isang kulay pink na damit na may numerong nineteen. Agad nangilid ang luha ko dahil sa nakita. Ibig sabihin ay may naghubad sa 'kin.

Sinubukan kong igalaw ang pang-upo ko. Hindi naman masakit.

Hindi nila ako ni-rape.

"Kumain ka na. Parating na 'yong bibili sa 'yo mamaya kaya umayos ka."

May bakas ng pagbabanta sa boses n'ya. Pinanood ko s'yang umalis ng silid. Muli kong narinig ang pag-click ng pinto hudyat na nakakandado na ulit ito. Napatingin ako sa pagkaing dinala n'ya.

'Hindi kita sasaktan. Bawal ka sugatan kaya huwag ka na matakot sa 'kin. Ginagawa ko lang naman ang trabaho ko.'

Sold To The Devil (Devil Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon