Sa isang sanga na puno ng mangga
mababa ito at abot tanaw ko pa
ilang araw din dito'y aking nakikita
ginawang pugad nitong ibong maya
Sa isang pugad may tatlong inakay
sisiyap-siyap at wala pang malay
inaheng maya ay aking nasaksihan
dito sa inakay kanyang pagmamahal
Sa isipan ko'y 'di naiwasang magtanong
nag-iisa siyang aruga ay ginugugol
dito sa mga inakay sa buong maghapon
walang katuwang dapat niyang katulong
Tuwina sa kanya aking namamasid
pag-lingap sa inakay 'di ipinagkakait
sandaling lalayo sa kanyang pag-balik
pag-kain ang dalang sa inakay ihahatid
Kanilang amang ibon mula ng iluwal
liwanag ay namasdan nitong mga inakay
lumayo na ito at sila ay iniwanan
itong inang maya kasama araw-araw
Sadyang ganito ang damdamin ng ina
aruga sa anak ay kanyang ipadadama
dahil ng magsilang kasabihang talaga
nakabaon sa hukay ang isang paa niya
Dito sa tulaing ngayo'y aking kinatha
ano ka mang ina'ymagandang halimbawa
sa mundong ito higit siyang mag-papala
dito sa mga anak ang ipadama ay tuwa
Ito ay isang tunay na pag-hahambing
sa ibon at taong iisa ang damdamin
itong mga inang nagsilang sa atin
walang kapantay sa ating paningin.