Kabanata 73 - Reyna

842 23 0
                                    

Third Person

          "Kakaibang lason ang pumasok sa katawan ni Shizuka. Sa totoo lang ay ngayon lang namin nalaman na may ganitong lason," saad ni Hanako. Sinubukan niyang hawakan ang itaas na parte ng dibdib ni Shizuka ngunit napalayo rin siya at tila napaso na hinawakan ang kamay.

          Napalingon si Hanako kay Zoey na tulalang nakaupo sa gilid. "Sinabi mo... na isa itong lason ng kamatayan?"

          Napakurap kurap si Zoey at nilingon si Hanako.

          "O-opo."

          "At paano mo naman nasabi?"

          "Base sa itim nito at mabilis na pagkalat. Naikwento sa'kin ng aking ina na kumalat ang ganitong lason noon at maraming binabawian ng buhay dahil dito. Pinangalanan nila itong lason ng kamatayan."

          "Nasabi rin ba ng iyong ina ang tungkol sa lunas nito?"

          "Hindi, sapagkat nang magsisimula pa lamang na humanap ng lunas dito ay tumigil na ang pagkalat ng lason. Mahigit labing-walong taon na rin ang nakalipas."

          "At bumalik para kay Shizuka," saad ni Honoka at tinignan ang kaibigang nakahiga ngayon sa kanilang kama.

          Maputla ang kulay nito. Lumalabas at nakikita ang ilang ugat. Nakakaawang tignan. Mahina ang pagtibok ng puso at hindi nararamdaman o nakikita man lang ang pag-angat ng tiyan na tanda ng paghinga.

          "Sino ang iyong ina?" tanong ni Hanako.

          "Ang tapat na dama ng reyna."

          Napalingon ang lahat kay Zoey.

          Ang dama ng kanilang reyna?

          "Nasaan ang iyong ina ngayon? Maari ba namin siyang makausap?"

          "Hindi umaalis sa tabi ng reyna ang aking ina. Kasa-kasama siya sa bawat paglalakbay."

          "Sa madaling salita. Wala rito ang iyong ina," saad ni Hikari at tumango naman si Zoey.

          "Paggalang aming kamahalan. Kami'y aalis na muna upang makahanap ng paraan," paalam ni Hanako at yumuko tanda ng kanilang paggalang.

          "Sabihan niyo ang lahat ng lambana na tumulong sa paghahanap ng lunas. Huwag titigil sa loob ng limang araw," utos ni prinsipe Sheun.

          Muling nagbigay galang ang mga lambana bago umalis ng silid.

          Tatlo o apat na araw... hindi sapat ang mga araw na 'yan upang mahanap ang lunas.

          Katatapos lamang ng digmaan nang tumungo agad ang Shindae sa palasyo. Lahat ng kawal at shin ay ubos ang oras sa pag-aayos ng nagulong bayan ng Fudoshin. Kahit na katatapos lamang ng labanan ay nakatanggap agad sila ng tulong mula sa ibang kaharian.

          Sa ngayon ay nagpadala na ng sulat ang dalawang prinsipe sa ibang kaharian upang tumulong sa paghahanap ng lunas.

          Magaling na ang bawat sugat ng Shindae. Kahit isa ay walang makikitang tanda ng sugat sa kanilang katawan. Ang lakas at enerhiyang naubos nila sa pakikipaglaban ay bumalik na. Tunay na maasahan sa panggagamot ang mga lambana.

          "Kamahalan."

          Napalingon ang lahat sa pinto nang bigla itong bumukas. Ang dalawang dama ng prinsipe ay pumasok.

NirvanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon