ARTCOMAG❤8: Unexpected Guest

1.3K 69 10
                                    

DEDICATED TO:
abegailalday

DEDICATED TO: abegailalday

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Chapter Eight

Sarvy Jap Alfonza

Mula nang lumabas kami sa kwarto ng abnormal kong kaibigan ay hindi ako tinigilan nitong tatlo sa panenermon dahil sa pagpatol ko kay Trenth. Alam kong naiintindihan nila kung bakit ko nagawa 'yon pero kaya kahit kanina pa rin ako naiinis sa kanila ay nananatili na lang akong tahimik.

"Pero siguro nga, tama lang 'yong nangyari. Kasi siguradong kaya na niyang harapin ang sitwasyon ngayon," ani Calby sabay abot ng tinapay na nilagyan niya ng palaman.

Gumagawa kami ngayon ng miryendang ihahain sa mga bisitang nakikiramay. Wala naman kasing ibang gagawa nito dahil si tita na lang ang kasama niya sa buhay, at dahil nga wala pa sa wisyo ang isip ni Trenth kaya minabuti namin na kami na lang ang gumawa. Kahit sa ganitong paraan na lang namin siya matulungan.

"Kaya nga lang kasi, ginalingan naman masiyado nitong si Sarvy. Sukat ba namang saktan pa 'yong taong nasasaktan na. Tsk! Multuhin ka sana ni tita."

Palihim na lang akong natawa sa sinabi ni Joz.

Kung nasa maayos lang ang sistema namin ngayon, malamang nabatukan ko na siya kanina pa. Siguro nga nagagawa pa naming magbiruan ngayon pero alam kong gaya ko ay oinipilit lang din nilang maging matatag para sa kaibigan namin. Sa totoo lang ay hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko kay Trenth. Mas gugustuhin kong  saktan siya ng paulit-ulit para mahimasmasan kesa sa kung anong kabulastugan ang pumasok sa utak niya at siya mismo ang manakit sa sarili niya.

Sigurado akong ito rin ang gagawin ni tita kung nabubuhay pa siya.

"Teka! Ayos lang ba na iwan natin siyang mag-isa roon?" tanong ni Aldrin na halata sa mukha ang pag-aalala.
Maraming oras na rin kasi ang lumipas mula nang iwan namin siya sa silid niya at hanggang ngayong ala-sais na ng gabi ay hindi pa rin siya lumalabas. Gayunpaman, hindi na ako nag-aalala gaya ng kanina. Kilala ko ang lalaking 'yon. Sa nangyari kanina, panatag na ang loob ko ngayon na hindi na siya gagawa ng kung anong kabaliwan.

"Tss! Wala ka bang tiwala ka Trenth, pare?" Lihim ulit akong napangiti sa tinuran ni Calby. Kahit naman ganito kaming lima ay hindi pa rin talaga mawawala ang tiwala namin sa isa't-isa.

"Eh, pero, hindi pa ba talaga siya lalabas? Dumarami na ang mga tao, oh! Tapos mga hindi naman natin kilala, hindi ko tuloy alam kung paano ko kakausapin, eh." Napailing na lang kaming tatlo sa pagmamaktol ni Joz. Kahit kailan talaga, napakareklamador ng isang 'to.

Parami na ng parami kasi ang dumarating na taong nakikiramay. Halos lahat ay mga taga rito lang din sa subdivision namin at 'yong iba naman ay mga katrabaho ni tita. Mabuti na nga lang at nandito rin ang mga magulang namin kaya kahit papaano ay sila ang humaharap sa mga bisita.

ACADEMIA ROYALLE: The Chamber of Maid and Gentleman|☑ Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon