Chapter 4

902 69 6
                                    

Ako? Mai-inlove sa kaniya? Kay Calvin? Posible kung wala akong pinagdaraanan. Pwede sana kung hindi lang ulit ako takot na magtiwala at masaktan.

So I must say, never.

Huwag na niyang hangarin pa kasi siya lang din naman ang masasaktan bandang huli. Nangako ako sa sarili ko; ako muna, bubuuin ko muna ang nagkapira-pirasong puso ko. Kung magmamahal man ulit ako, baka sa next life ko na iyon.

Napabuntong hininga ako bago bumaba sa pagkakaangkas sa likuran ni Calvin. Ako ang may buhat ng mga plastic bag dahil siya ang nag-drive, kaya nauna na rin akong pumanhik sa loob ng munisipyo.

Malapit nang mag-alas sais, sobra na iyong oras mula sa tamang out ko sa trabaho. Kaya naman matapos kong ibigay kay Ma'am Darlene ang mga plastic bag, sukli at resibo ay deretso na akong nagpaalam.

Kinuha ko lang ang bag at cardigan ko na naroon sa lobby, kapagkuwan ay lumabas din. Hindi na ako nagulat nang makita si Calvin na nananatiling nakasakay sa motor ko. Animo'y balak pa niya akong ihatid.

"Hindi mo ba dala ang sasakyan mo?" takang pagtatanong ko.

"Ihahatid kita, saka ako babalik dito para balikan ang kotse ko," aniya at saglit pa kaming nagkatitigan.

Talaga bang seryoso siya sa ganitong usapin? Gusto niya ba ako? Halos matawa ako. Bakit naman ako gugustuhin ng isang Calvin Frias? Nagayuma ko ba siya noong gabing iyon? Masyado ko bang ginalingan?

Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Kasabay nang pamumula ng pisngi ko. Madali rin akong nag-iwas ng tingin nang hindi makayanan ang paninitig sa akin ni Calvin. Hindi ko alam, pero apektado ako.

Hindi ko rin mawari kung bakit sa kabila nang pagkadurog ng puso ko ay nagagawa pa nitong tumibok sa mas matinding paraan. Normal pa ba akong tao?

Tahimik akong umangkas sa motor. Hinayaan ko na rin si Calvin sa gusto niyang mangyari dahil aminado naman ako na hindi ako mananalo sa kaniya. Sa titig pa lang niya ay nanghihina na ako.

"Kumapit ka nang mabuti," paalala ni Calvin nang mapansin niyang wala ako sa sarili.

Mayamaya nang mapasinghap ako nang kunin niya ang dalawang kamay ko at saka nito iyon ipinulupot sa kaniyang baywang. Nanlaki ang mga mata ko. Akmang aalma ako nang bigla rin niyang paandarin ang motor.

Rason din iyon para kusang humigpit ang pagkakayakap ko sa katawan niya. Mariin akong napapikit nang sumubsob din ang mukha ko sa matigas niyang likod. Narinig ko ang pagtawa niya.

"Calvin!" suway ko rito, kasabay nang pagkurot ko sa tagiliran niya.

Mas lalo lang siyang natawa dahilan para mas lalo rin akong mainis. Ngunit imbes na pag-aksayahan pa siya ng oras ay hindi na ako kumibo. Katulad nga ng sinabi ko, hindi ko kayang makipagmatigasan kay Calvin.

Bago magdilim ay saktong huminto ang motor sa tapat ng bahay na inuupahan ko sa murang halaga. Maliit lang kasi iyon, tama lang para sa single na kagaya ko.

Mabilis akong bumaba sa pagkakaangkas, sumunod din si Calvin. Matapos niyang patayin ang ignition ng motor ay kaagad niyang inilahad sa akin ang susi nito. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya.

Ang mukha niya ay animo'y itsura ng kuntento. May maliit na ngiti sa labi habang ang mga mata ay malalalim at naninimbang. Malakas akong tumikhim bago padarag na kinuha ang susi sa kaniyang kamay.

"Salamat..." muntik nang maging bulong ang sinabi kong iyon, mukha narinig naman niya dahil gumuhit ang mas malawak na ngiti sa kaniya. "Mag-ingat... ka... sa daan..."

Sa kahihiyan ay dinaig ko pa si The Flash nang walang sabi-sabing tumalikod ako. Malalaki ang bawat hakbang ko. Nagmamadali akong pumasok ng bahay at madali ring ini-lock ang pinto.

Nights Of PleasureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon