PAGSISISIHAN
“Anong ngalan mo?” bulong ko sa binata na nakahiga sa aking hita. Pinadaanan ko ng daliri ang kanyang itim na itim na buhok, at narinig ko ang malalim nyang paghinga sa bawat pagsuklay ko. “Anong itatawag ko sa iyo?”
Hindi sya sumagot. Hindi naman kasi sya makakasagot. Ang isang mortal ay mapapagaling ng tubig mula sa aking bukal, ngunit ikamamatay niya ito kapag nagising sya at nainom nya ang mahiwagang tubig. Iyon ang sabi sa akin ng dating tagapagbantay ng bukal.
Ayos lang. Hindi ko sya hahayaang magising.
Dito lang sya. Kasama ko. Matutulog ng mahimbing.
Hinaplos ko ang kanyang pisngi. Nawala na ang malaking hiwa rito. Makinis na ang kayumanggi nyang balat. Buti naman. Sayang ang hitsura nya kung masisira lamang ito ng isang peklat.
Mahahaba ang kanyang pilik mata. Nakakakiliti sa daliri. Nakakatuwa. Pati hugis ng kilay nya, ang sarap sundan ng daliri.
Matangos ang kanyang ilong, at tila inukit na obra ang hugis ng kanyang mukha. Mayroon syang kamukha, pero kahit na anong pilit ko, hindi ko maalala kung sino. Nakakapagtaka.
Ano kaya ang dahilan ni Bathala at hinayaan nyang mapadpad ang mortal na ito sa parteng ito ng kabundukan? Bakit sya sinasaktan ng kapwa mortal nya? Bakit ako nagising sa tawag niya? Hindi ko maintindihan, pero malamang may dahilan ang mga bagay.
Nakatadhana na iligtas ko ang binatang mortal mula sa tiyak na kamatayan.
Ginising ba ako ni Bathala para lang pagalingin sya? Naawa kaya ang Bathala sa nangyari sa kanya? Ngunit hindi naman nagdasal ang binata.
Kung gayon, anong mayroon? Dahil kaya ito sa matinding pagmamahal nya sa kanyang mga kapatid? Kailangan nyang bumalik para sa mga batang iyon. Ito ba ang nais ni Bathala?
Malungkot kong pinagmasdan ang mabilis na paggaling ng kanyang mga sugat.
Kapag pinalaya ko sya, maiiwan na naman ako rito mag-isa. Mahihimbing na naman ba ako? Ilang taon na ba akong tulog? Hindi ko alam, pero matagal rin ito base sa pananamit ng mga kalalakihang nanakit sa binata.
“Di ba pwedeng dito ka na muna?” bulong ko habang mariing pinipisil ang kanyang kanang kamay. Unang beses ko makahawak ng kamay ng isang buhay na mortal. Malaki ito. Mainit. “Samahan mo muna ako,” pagsusumamo ko. “Huwag mo akong iwan. Malulungkot ako.”
Ayos lang naman siguro. Dito ka na muna hanggang sa kabilugan ng buwan. Isang linggo. Ibabalik kita sa mundong ibabaw pagkalipas ng isang linggo.
Huwag nyo silang sasaktan!
Nagulat ako sa matinding kirot na naramdaman ko sa aking dibdib. Napadilat ako, at nakita ko ang paglubog ng araw.
Ako na lang! Wag niyo na sila idamay!
Hindi ako makahinga. Ang sikip ng dibdib ko. Parang pinupunit ang puso ko. Ang sakit! Ang sakit-sakit!
Allie! Derek! Tumakbo kayo! Rin! Sandra! Takbo! Umalis na kayo! Ayos lang ako. Babalik rin ako. Sige na, umalis na kayo!
“T-Tama na,” sabi ko habang naghahabol ng hininga. “Masakit. Tumigil ka na.”
Derek! Magtago na kayo! Ayos lang ako! Dalian nyo!
Inabot ko ang kanyang kamay para pakalmahin ang kanyang ispiritu, ngunit sa pagtama ng aming mga kamay, lalong lumala ang sakit. Kasama ng nakakasunog na init, nakita ko ang mga mukha nila.
Si Allie. Si Derek. Si Rin. Si Sandra.
Mula sa alaala ng binata, nakita ko ang mga mukha nilang balot ng takot . . .
Wala nang oras!
Bago ko pa man maintindihan ang dapat kong gawin, umahon na ako mula sa ilog kasama ang binata. Hila-hila ko sya habang lumalangoy ako papalapit sa lupa.
Magaling na sya. Ang ilang oras na pananatili nya sa bukal ko ay sapat na upang mailigtas ang kanyang buhay. Panahon na para bumalik na sya sa kanyang mundo. Malungkot ako sa aking pag-iisa pero hindi ko sya kailangan.
Ang mga bata sa kanyang alaala, oo.
“Gumising ka!” Hinampas-hampas ko ang kanyang mukha pagkarating namin sa pampang. “Gumising ka! Paolo, gising!”
Paolo. Iyon ang pangalan na itinawag sa kanya ng mga bata sa kanyang alaala.
“Ano ba? Gumising ka!” sigaw ko. “Kapag hindi ka pa gumising, mapapahamak ang mga kapatid mo! Paolo, gising!”
Bakit ayaw nyang gumising? Hindi ba ito ang gusto nya, ang balikan ang mga kapatid nya? Hindi ba ito ang dahilan kung bakit nararamdaman ko ang galit at takot nya?
“Gumising ka na sabi!”
Anong nangyayari? Bakit hindi sya kumikilos?
May nalimutan ba ako?
May mali ba ako?
Ang tubig!
Hindi nya magawang gumising dahil nasa tubig pa rin sya. Kailangan nyang lumayo sa bukal. Kailangan nyang lumayo sa ilog. Pero . . . pero . . .
Hindi ako maaring umalis sa bukal. Ako ang tagapagbantay nito. Kailangan laging nandito lang ako sa tubig. Hindi ko ito maaring iwan. Parte ito ng pagkatao ko. kapag umalis ako, kahit sandal lang . . .
Ngunit maaatim ko bang mapahamak ang mga bata? Kapag hindi nagising si Paolo, sino ang magliligtas sa kanila? Wala silang maaasahan. Hahayaan ko na lang bang mapahamak sila?
Muling nakita ko ang mga imahe ng takot na mukha ng mga kapatid ni Paolo, at biglang naisip ko.
Aling desisyon ba ang pinakapagsisisihan ko?
Pumikit ako at huminga ng malalim.
“Bahala na.”
Isang hakbang. Dalawa. Hawak ko ang mga braso ni Paolo at hinila ko sya palayo sa ilog. Sa tubig.
Hindi na ulit ako lumingon pa ng naramdaman kong nagsara ang tanging pinto papunta sa aking mundo.
![](https://img.wattpad.com/cover/10373143-288-k817599.jpg)
BINABASA MO ANG
Invisible (Tagalog)
FantasyIsang hiwaga ang bumabalot sa katauhan ng mahal mo. Kaya mo bang manatili sa tabi nya kahit na buhay mo na ang nasa linya? Hanggang saan ka kayang dalhin ng pag-ibig mo?