TULONG
“Paolo.” Marahan kong tinapik ang kanyang mukha. “Gumising ka na.”
Nanghihina na ako.
Nasa ilalim kami sa lilim ng puno. Nakahiga ang binatilyong mortal sa aking hita, habang ako ay nakaupo sa damuhan. Nararamdaman ko ang matinding epekto ng pagsara ng lagusan. Tila nanlalabo ang aking paningin at nanginginig ang aking mga kamay.
Kailan nga ba ako nalayo sa ilog?
Kailan ba ako huling umalis sa tubig ng aking bukal?
Wala. Ni minsan, hindi ko pa ito nagagawa. Simula ng nilikha ako ni Bathala, magmula ng pinalitan ko ang dating tagapagbantay hanggang sa nahimbing na ako ng ilang taon, hindi ko pa nalilisan ang lagusan.
Nakakatakot.
Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin, o ang maaaring maging bunga ng aking nagawa.
Tama ba na tulungan ko ang isang mortal? Tama ba ang pagpili ko? Ang desisyon ko?
Umihip ng malakas ang hangin at ikinurba ko ang aking katawan upang protektahan si Paolo mula sa panunudyo ni Anitun Tabu, ang tagapag-alaga ng hangin at ulan.
“Aba!” gulat na bigkas nito. May halong pait ang tono ng boses niya. “Anong ginagawa mo sa lupa, bantay?”
Hindi sya nagpapakita sa akin dahil isa sya sa mga dyosa ng mga Taga-Ilog at ako ay isa lamang hamak na diwatang hindi nararapat na masilayan ang kanyang tunay na anyo. Kahit ganoon, madalas syang magparamdam sa akin. Lagi lang siyang nanunukso, nang-iinis, na para bang may atraso ako sa kanyang hindi ko alam at nais nya akong parusahan dito.
“Na-pipi ka na ba, aking mumunting diwata?”
Naramdaman ko ang paghampas nya ng hangin na parang latigo. Kagat labi kong tiniis ang hapdi.
“Sagot!”
Hindi pa rin ako umiimik. Ayaw kong mapukaw ang kanyang interes. Sanay na ako sa kanyan inaasta. Gusto ko lang na lubayan na nya agad ako.
“Bumalik ka sa lungga mo kung saan ka nababagay. Kundi isusumbong kita kay Haraya at Isuk-il. Kapag nalaman nila na nandito ko, higit pa sa hampas ko ang matitikman mo, diwata.”
Naririnig ko ang mahina nyang tawa, ngunit maya-maya rin ay nilubayan nya ako para habulin ang nakababatang kapatid nitong si Amihan.
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi ako lumilisan sa bukal ay dahil sa mga diyos at diyosa na sa hindi malamang kadahilanan ay poot na poot sa akin. Ang tubig ng bukal ang proteksyon ko laban sa pananakit nila.
Ano nga ba ang pumasok sa isipan ko at nilisan ko ang aking tahanan?
Ang mga bata
Pagmulat ko ng mata ko, napansin ko na napakatahimik ng paligid. Hindi ito magandang senyales. Hindi ko na hihintayin pang bumalik si Anitun Tabu.
Hinila ko muli si Paolo. Bababa kami ng bundok. Kailangan ko syang iwan sa isang lugar kung saan may tao. Kung saan ligtas syang magigising at para makauwi na sya sa mga kapatid nya.
Sa bawat hakbang ko, naramdaman ko ang unti-unting pagbabago sa paghinga ni Paolo. Sinapo ko ang kanyang noo, at halos napaso ako sa init nito. Hinawakan ko ang damit nya na natuyo na sa init ng araw. Pati leeg, dibdib at braso nya mainit.
Halos maiyak na ako. “Bakit hindi ka pa rin gumigising? Ano bang nangyayari sa iyo?”
Nagawa ko na lahat ng kaya ko. Sinubukan ko na gawin lahat ng alam ko ngunit wala pa rin. Tanging isang mortal lang din siguro ang makakatulong sa kanya. Kailangan ko siyang ibaba ng bundok.
Maya-maya, may naaninag akong isang lumang bahay na yari sa nipa, kawayan at bato. May matandang babae na nagwawalis sa harap nito. May mga bata na tumatakbo, naghahabulan, sa hindi malayo.
“Tulong! Tulungan nyo kami!” paos kong sigaw. Nanginginig na ang mga tuhod ko. Halos hindi ko na maihakbang ang mga paa ko. “May sakit ang kasama ko.”
Nagitla ako ng paglagpas na paglagpas ko mula sa mga puno ay bigla kong naamoy ng masangsang na baho mula sa bahay. Lumingon sa akin ang matandang babae.
“Hala, ineng! Anong nangyari sa inyo?” nag-aalalang sabi ng matanda. Ugod-ugod itong lumapit sa amin, at hindi ko mapigilan na humakbang patalikod. “Halika! Pasok kayo! Ihiga mo sya sa loob ng matignan ko.”
Bumuka ang aking bibig ngunit walang ingay na lumabas rito.
“Ah, ah, huwag na po…”
“Huwag ka nang mahiya – “
Nanlaki ang mata ko ng makita ko na nakapako sa akin ang buong atensyon ng mga bata.
Mga batang walang mukha.
#
Hala. Kinilabutan ka ba? Tingin ka sa ilalim ng kama mo. Wala kang makikita. Silip ka sa labas ng bintana. Wala pa rin. Iikot mo ang iyong paningin. Ayos lang. Wala kang makikita. Wag ka lang titingala. Nandun sya.

BINABASA MO ANG
Invisible (Tagalog)
FantasiaIsang hiwaga ang bumabalot sa katauhan ng mahal mo. Kaya mo bang manatili sa tabi nya kahit na buhay mo na ang nasa linya? Hanggang saan ka kayang dalhin ng pag-ibig mo?