Hindi na niya nakuhang sumigaw nang biglang lumitaw ang mabalahibo at mabagsik na taong lobo sa kanyang harap at mabilis siyang dinaluhong.
"HUWAG mong ilabas 'yang winawalis mo, Adela," puna ni Simon sa asawa niya habang nagwawalis ito sa loob ng kanilang kubo. Abala siya sa pagkalikot ng sirang radyo nila pero napansin niya ang ginagawa. ng kanyang kabiyak.
Tumingin ito sa kanya. "Bakit na naman? Ano'ng masama?" nakakunot-noong usisa nito.
"Parang itinataboy mo ang grasya palayo sa atin."
"Eh, ano'ng gusto mo? Ipunin ang dumi sa loob ng bahay?"
"Hindi sa gano'n. Puwede namang papunta rito sa loob ang pagwawalis. Dakutin mo na lang, saka mo dalhin sa labas."
"Naku, talaga 'yang mga pamahiin mong iyan... Doble-trabaho, eh."
"Wala namang mawawala kung maniniwala tayo. Mabuti na 'yong sumusunod tayo sa sinasabi ng mga matatanda."
Hindi na ito kumibo. Ginawa na lang nito ang sinabi niya. Alam nito kung gaano kalaki ang paniniwala niya sa mga pamahiin na sinabi sa kanya ng kanyang namayapang lolo't lola.
"Siyanga pala, 'yong susulsihan mong pantalon ko, gawin mo na ngayong umaga. Masamang magtahi ng damit'pag gabi. Para kang nag-iimbita ng mangkukulam," sabi pa niya.
Napailing na lang ito habang dinadakot ang mga dumi sasahig.
BALE-WALA kay Marife kung madilim ang daan nang gabing iyon. Sinagasa niya ang kasukalan at ilang na lugar na nayuyungyungan ng maraming puno. Ang importante sa kanya ay marating ang bahay ng nag-iisang modista sa nayon nila.
Bukas na ang kasal niya. Nang isukat niya ang trahe de boda ay natuklasan niyang masikip iyon. Kailangang maremedyuhan iyon ngayong gabi dahil gipit na sa panahon. May kung ano kasing nag-udyok sa kanya kanina na isukat ang damit-pangkasal sa kabila ng mahigpit na bilin sa kanya ng nanay niya na huwag na huwag isusukat iyon dahil bawal daw. Sa halip na makasama ay nakabuti pa nga iyon dahil nalaman niyang masikip pala sa kanya iyon.
Gusto siyang samahan ng nanay niya pero hindi siya pumayag dahil mahina na at mabagal maglakad ito. Kung nabubuhay lamang ang ama niya ay hindi ito papayag na lumabas siya ng bahay nang walang kasama. Magpapasama sana siya sa mapapangasawa niya ngunit mas malayo ang bahay ng mga ito sa bahay nila at sa bahay ng modista.
Ang totoo ay matindi ang kaba niya. Malikot ang mga mata niya sa mga nadaraanang malalaking puno. Nililibang lamang niya ang sarili sa pag-iisip ng magandang pangyayaring magaganap sa buhay niya. Napapangiti siya kapag naiisip niyang magsasama na sila sa iisang bubong ng pinakamamahal niyang lalaki.
Bigla siyang napahinto nang may mapansin siyang pigura na nakaharang sa daraanan niya. Hindi niya maaninag kung ano iyon. Mabilis na nilukuban siya ng kaba at nanindig ang mga balahibo niya.
"S-sino 'yan?" garalgal ang tinig na tanong niya.
Walang tumugon.
Huli na nang mapagtanto niya ang nakaambang panganib. Hindi na niya nakuhang sumigaw nang biglang lumitaw ang mabalahibo at mabagsik na taong-lobo sa harap niya at mabilis siyang dinaluhong. Sumirit ang pulang likido mula sa leeg niya nang bumaon doon ang matatalim na pangil ng taong-lobo. Nabahiran ng sariwang dugo ang puting trahe de boda.
HUMAHANGOS na lumapit kay Simon ang asawa niya habang nagsisibak siya ng kahoy sa bakuran nila nang umagang iyon. Namalengke ito sa bayan.
"Patay na si Marife! Nilapa siya ng pinaghihinalaang taong-lobo kagabi!" nanginginig ang boses na sabi nito habang inilalapag nito ang mga pinamili. "Kawawa naman. Ngayon pa naman sana ang kasal nila ni Alfred."
BINABASA MO ANG
PInoy Horror Stories
HorrorMGA KWENTONG KABABALAGHAN KATATAKUTAN AT KAKIKILABUTAN Compilation of one shots true to life evil and fiction ghost stories. FOR THOSE WHO WANTS HORROR ! Language: Tagalog. Read At Your Own Risk. Feel free to comment po :)