"Dilat na dilat ang mga mata nito at tila sumisigaw nang bawian ng buhay."
SAWA na sa hirap si Alicia kaya naman ipinangako niya sa sarili na mabigyan lang siya ng pagkakataong yumaman sa kahit ano pa mang paraan ay agad niyang susunggaban iyon.
Kaya nang magpakita sa kanya ng interes ang biyudong milyonaryo na si Don Alipio ay hindi na niya pinakawalan ito. Upang lalong marahuyo ito sa kanya, disimuladong nagpapa-sexy siya tuwing dadalaw ito sa kanya. Napapangiti siya nang lihim kapag nakikita niya ang titig nito sa kanya na puno ng pagnanasa.
Nang maging magkasintahan sila, lalong tinukso niya ito sa disimuladong paraan. Ngunit tuwing matatangay ito at nanaising may mangyari sa kanila ay pasimpleng dumidistansiya siya rito. Hindi siya makapapayag na maangkin nito nang hindi sila naikakasal.
At kahit pa siguro ikasal kami ay hindi ako papayag na makuha niya ako, naisip niya. Ang katawan niya ay para lang kay Orlando, ang lihim na minamahal niya. May usapan silang kapag naikasal na siya sa matanda at may karapatan na siya sa kayamanan nito ay padadaliin na niya ang buhay nito upang sa lalong madaling panahon ay magkasama na sila ni Orlando. Magpapakalayu-layo sila at mamumuhay nang masagana.
Alam niya ang kahinaan ng matanda. Astang nananabik ito ay lalong nanggigigil ito. Hinding-hindi niya pagbibigyan ito dahil baka matulad siya sa ?bang babae na inakalang pakakasalan ng matanda kapag ibinigay rito ang gusto, ngunit sa bandang huli, pagkatapos pagsawaan ay hindi rin pinakasalan.
Ikadalawang buwan nila bilang magkasintahan nang magpareserba ang matanda ng isang kuwarto sa pinakasikat na hotel sa bayan nila. Pagpasok nila roon ay hinalikan kaagad siya nito. Disimuladong umiwas siya.
"Bakit?" nagtatakang tanong nito.
"Eh, masama ang pakiramdam ko, mahal," palusot niya.
"Masama? Eh, kanina lang, ang sigla-sigla mo. Mahal, nasasabik na talaga ako sa iyo. Nahihirapan ako tuwing nakikita kitang napaka-sexy ng suot na damit. Lalaki ako at sana ay naiintindihan mo na may mga pangangailangan ako," malambing na sabi nito.
"Eh, mahal, natatakot kasi ako. B-baka mabuntis ako nang wala sa oras," pagdadahilan pa niya. Pasimpleng nagde-kuwatro pa siya para lalong mahantad ang mapuputi at makikinis na hita niya. Kandaduling ito sa pagtitig doon.
"H-huwag kang mag-alala, p-pananagutan naman kita," anito na halata sa boses ang tinitimping pananabik.
Dumukwang siya rito para masilip nito ang mayamang dibdib niya na tinatakpan lang ng manipis na lacy bra. "ibibigay ko sa iyo ang gusto mo pero pakasalan mo muna ako," nang-aakit na sabi niya rito.
ARAW ng kasal ni Alicia kay Don Alipio. Tapos na siyang ayusan ng hairstylist at nagpaiwan siya saglit dito.
Habang nasa harap ng salamin ay napapangiti siya. Hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala na kinagat ng don ang pain niya. Naalala pa niya ang gabi na itinodo niya ang pagpapasabik dito. Kunwari ay unti-unti na siyang bumibigay, ngunit nang sa tingin niya ay nasa katindihan na ito ng emosyon ay saka siya bumitaw at nag-demand ng kasal. Halos hindi siya makapaniwala na papayag kaagad ito. Mabilisan pang ipinaayos nito ang en grandeng kasal nila.
Tuwang-tuwa si Orlando nang malaman iyon. Binigyan kaagad siya nito ng sampung tableta ng Valium na kinuha nito sa pag-aari nitong botika. Ipainom daw niya iyon sa matanda sa gabi ng pulot-gata nila para siguradong patay ito. Ngayon pa lang ay binibilang na nito kung ilang sangay ng botika ang itatayo nito kapag nakuha na niya ang kayamanan ng matanda.
"Ilang sandali na lang at magiging milyonarya ka na, Alicia," pagkausap niya sa sarili. Mayamaya ay tumayo na siya para tunguhin ang naghihintay na bridal car.
BINABASA MO ANG
PInoy Horror Stories
TerrorMGA KWENTONG KABABALAGHAN KATATAKUTAN AT KAKIKILABUTAN Compilation of one shots true to life evil and fiction ghost stories. FOR THOSE WHO WANTS HORROR ! Language: Tagalog. Read At Your Own Risk. Feel free to comment po :)