Pagbukas niyang refrigerator upang kumuha ng malamig na tubig ay napahiyaw siya. Parang mababaliw siya sa takot pagkakita sa pugot na ulo ng tao.
NAGTITILI si Audree nang mabuksan niya ang refrigerator. Parang babaligtad ang kanyang sikmura sa nakita niya sa loob niyon. Agad naman siyang dinaluhan ng asawang si Marco.
"Napaano ka?" ang nag-aalalang tanong nito.
Hindi agad siya makasagot. Parang kinakapos siya ng hininga sa tindi ng pagkasindak na nadarama. "M-may ulo ng tao sa... sa ref."
Namilog ang mga mata nito.
"T-totoo. Tingnan mo." Humagulhol siya ng iyak para mailabas ang matinding takot.
Tiningnan nito ang loob ng refrigerator. Pagkatapos ay pumapalatak na bumaling ito sa kanya. "Audree, walang ulo ng tao rito." Iniharap pa nito ang mukha niya sa loob ng refrigerator. "Hayan, o. Tingnan mong mabuti. Nasaan ang ulo ng taong sinasabi mo?"
Napatitig siya rito. "Pero kanina lang ay kitang-kita ko. Ulo ng lalaki, Marco. Dilat na dilat pa nga ang mga mata niya at nakanganga kaya kita ko ang dila. Nakakatakot talaga." Niyakap niya ang sarili.
"Imahinasyon mo lang iyon, Audree." Niyakap siya nito at hinalikan sa noo.
Kalilipat lamang nila sa bahay na iyon na regalo ng mga magulang nito. Noong nakaraang buwan lang sila ikinasal at ang honeymoon nila ay ginawa nila sa Hong Kong. Kararating lang nila nang nagdaang araw.
"Pagod ka pa sa biyahe, Audree, kaya nagkaka-ganyan ka. Ang mabuti pa'y magpahinga ka muna." Inihatid siya nito sa kanilang silid, inihiga sa kama, at kinumutan pa hanggang dibdib.
"Dito ka lang. Huwag kang umalis sa tabi ko," hiling niya. Hindi makatkat sa kanyang isip ang ulo ng taong nakita niya sa loob ng refrigerator.
"Oo, hindi ako aalis," malumanay na wika nito. "Sige, matulog ka na." Kinantahan pa siya nito hanggang sa makatulog siya.
Paggising niya ay tulog na tulog ito sa tabi niya. Nauhaw siya kaya lumabas siya ng silid at nagtungo sa kusina. Pagbukas niya ng refrigerator upang kumuha ng malamig na tubig ay napahiyaw siya. Naroon na naman ang ulo ng tao dilat na dilat ang mga mata at nakabuka ang bibig kaya nakita niya ang sugatang dila. Tumutulo pa ang sariwang dugo mula roon. Bumagsak siya sa sahig sa tindi ng takot. Marahil ay narinig ni Marco ang malakas na sigaw niya kaya mabilis siyang dinaluhan nito.
"Umalis na tayo sa bahay na ito," humahagulhol na sabi niya. "'Andiyan na naman ang ulo ng tao. Nasa loob ng ref." Nangunyapit siya sa magkabilang braso nito.
Tiningnan uli nito ang loob ng refrigerator. "Walang ulo ng tao rito, Audree. Ano ka ba naman? Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa iyo." May matinding pag-aalala sa mukha nito.
"May multo rito, Marco. Umalis na tayo." Iyak siya nang iyak.
Hindi ito nagsalita, niyakap lang siya nang mahigpit.
"Please, Marco, umalis na tayo rito. Ngayon na," paulit-ulit na pakiusap niya.
"Sige, sige," wika nito. Halatang napipilitan lamang itong pumayag sa gusto niya. "Doon muna tayo sa amin."
"Kahit saan mo ako dalhin basta makaalis lang tayo rito."
Nang mga sumunod na sandali ay nag-empake sila ng mga personal na gamit. Ang sabi nito ay pansamantala silang makikipisan sa mga magulang nito. Pabebendisyunan daw nito ang kanilang bahay at pagkatapos ay babalik din sila roon. Hindi siya tumutol pero hindi rin sumang-ayon. Walang ibang laman ang isip niya nang mga sandaling iyon kundi makaalis agad sa bahay na iyon.

BINABASA MO ANG
PInoy Horror Stories
TerrorMGA KWENTONG KABABALAGHAN KATATAKUTAN AT KAKIKILABUTAN Compilation of one shots true to life evil and fiction ghost stories. FOR THOSE WHO WANTS HORROR ! Language: Tagalog. Read At Your Own Risk. Feel free to comment po :)