Si Allan ang matiyagang choir master na nagtuturo sa mga kabataang miyembro ng choir. Sa isang parokya iyon sa Meycauayan Bulacan. Sa mismong simbahan ginaganap ang practice ng mga choir members. Three times a week iyon kung gawin ni Allan.
Sa pag-eensayo, alam ng lahat kung gaano kaistrikto si Sir Allan, tawag dito ng mga kabataan. Hanggang hindi nape-perpekto ay sadyang hindi tinitigilan ni Allan ang practice.
Kailangang mangyari ang gusto ng choir master. Ang pulido nitong marinig ang mga kantang ineensayo nila. Kung hindi ay hindi rin ito titigil ng pagpapaulit-ulit ng pagpapakanta sa mga kabataan.
Minsan pang pumalatak si Allan. Ibig sabihin ay hindi pa rin ito kuntento.
"Ulit...ulit...sa chorus part. Piano.. .go.. .one.. .two.. .sing..."
Muling pumailanlang ang boses ng mga kabataan. Isang kantang pangsimbahan ang noo'y ineensayo nila.
Yumuko pa si Allan at matamang pinakinggan ang bawat timbre ng boses ng mga kumakantang kabataan. Pagkuwa'y kumumpas ang isang kamay ni Allan. Hudyat ng pagpapatigil sa mga kumakanta.
"Ano ba kayo? Ano ba'ng pinagkakain ninyo at ganyan ang mga boses ninyo ha?"
Walang imik ang lahat. Marahil ay nahalata na iba na ang timpla ng boses ng kanilang tagapagturo. Kapag ganoon na ang mood ni Allan, mas malamang kaysa hindi na may sitahin ito.
"Ulitinn'yo ngaulit...mulasaumpisa. Piano... go...one... two...sing..."
Muling inumpisahan ang pagkanta. Tahimik na pinakinggan ni Allan ang timbre ng mga boses.
Noo'y paparating ang Kura paroko na si Monsi, kung tawagin nila. Short for Monsignor.
Sa 'di kalayuan ay pumuwesto ng upo ang Kura paroko. Pinanood ang mga nagsisikanta.
Kung pagmamasdang mabuti ang pari ay waring iniisa-isa nito sa tingin ang mga nakahi lerang kabataan. Ang mga batang ito'y naging malapit na rin sa pari, magmula ng maging miyembro ng choir ng simbahan.
Muling kumumpas ang isang kamay ni Allan.
"Mero'n pa rin, e. Mero'n pa ring sintunado sa inyo. Mahuli ko lang kung sino sa inyo ang sintunado.. .tatanggalin ko talaga!"
Iritado na ang boses ni Allan. Mula sa kinauupuan ng Kura paroko ay napapangiti na ito.
"Ulitinn'yo sa chorus part.. .one.. .two.. .sing..."
Ngunit bago pa matapos ang chorus ay kumumpas na naman ng pagpapatigil si Allan. Nakasimangot na ito.
"Kung nandito lang sana si Dexter.. .hindi na 'ko mahihirapang ma-trace kung sino sa inyo ang sintunado, e. Tiyak na siya 'yon. Lintik naman, e! Sino ba kasi ang balikuko ang boses sa inyo? Hanggang hindi ninyo inaayos ang kanta n'yo hindi kayo makakauwi hanggang bukas!"
"Sir, easy lang," sambot ni Monsignor. Pangiti-ngiti.
"Pag-aaalisin ko na 'tong mga 'to, Monsi. Puro boses palaka! Mukhang nagsasayang lang ako ng oras ko, e."
"Pagbutihin n'yo kasi. Sige magagalit sa inyo n'yan si Sir Allan," sabi pa ni Monsignor.
Muling pinaulit ni Allan ang kanta. Ngunit nakakailang linya pa lang ay halos magmura na ito. Pinigil lang ituloy dahil naroroon marahil ang pari.
"Punyeta! Isang laksa kayong sintunado!"
Tuluyang tumayo mula sa kinauupuan ang pari at lumapit sa puwesto ng koro.
"Ayaw bang umamin sa iyo kung sino ang sintunado ha? Puwes ako ang magsasabi kung sino."
Napalingon sa pari si Allan. Bahagyang nakakunot-noo.
"Sir, kasi 'ala namang diprensiya ang mga estudyante mong buhay. Hindi sila ang sintunado. Iyon ang totoo.".
Lalong napakunot-noo si Allan. Ngunit hindi nito magawang ngumiti sa tinuran ng pari na alam ng lahat na mahilig sa pagbibiro.
"Kasi ang sintunado ay iyong dati pa rin.. .ang paborito mong estudyante na bagamat sintunado ay hindi mo magawa-gawang tanggalin sa grupo."
Saglit pa munang waring in-absorb ng lahat ang tinuran ng pari. Pagkuwa'y nagtilian na ang ilang kababaihan.
"Monsi ha! Nananakot naman kayo d'yan, e!"
"Ako.. .nananakot? Hindi, a."
Hindi nagkomento ni umimik si Allan. Ngunit nakatutok ang tingin nito sa pari. Seryoso ang anyo ni Allan.
"Aber.. .sino ba sa akala ninyo ang tinutukoy kong sintunado? Hulaan n'yo nga?"
"Si Dexter!" halos sabay-sabay na sigaw ng lahat.
"Korek kayo r'yan! At 'and'yan siya ngayon sa tabi ninyo."
Nagtiliang muli ang mga babae. Nagsialis sa puwesto.
"Sir, hindi ako nagbibiro.. .nakiki-practice sa inyo ang paborito mong estudyante ngayon."
Hindi na napigil ang mga bata na tuluyang tumakbo palayo sa lugar ng koro. Habang sigaw nang sigaw at tili nang tili sa takot.
Si Dexter ay dating choir member. Ngunit last year lang ay hindi na ito nakasali pa. Naaksidente si Dexter. Sakay ito ng motorsiklo nang mabundol ng isang humahagibis na truck. Dead on the spot si Dexter.
Totoo ang sinabi ni Monsignor. Paboritong estudyante ni Allan si Dexter. Paboritong pagalitan dahil kay hirap itama ng sintunado nitong tono.
Walang sisintunado pa sa boses ni Dexter. Kung bakit hilig nito ang maging miyembro ng choir.
Totoo pa rin ang sinabi ni Monsignor na nakiki-practice noon si Dexter. Si Monsignor ay isa sa piling tao na nagtataglay ng tinatawag na third eye kaya nakikita niya maging ang mga nilalang na hindi na nabibilang sa ating mundo.
Ang Wakas
BINABASA MO ANG
PInoy Horror Stories
HorrorMGA KWENTONG KABABALAGHAN KATATAKUTAN AT KAKIKILABUTAN Compilation of one shots true to life evil and fiction ghost stories. FOR THOSE WHO WANTS HORROR ! Language: Tagalog. Read At Your Own Risk. Feel free to comment po :)