Chapter Eleven
PINAGPAPAWISAN ng malamig at hindi mapakali si Tanya sa kanyang pagkakatulog. May mumunting ungol na parang natatakot ang lumalabas sa kanyang bibig. Pabaling-baling ang ulo niya sa kaliwa’t kanan. Nagkikiskisan ang mga paa niya.
Dinadalaw na naman siya ng masamang panaginip na iyon. Ah, hindi pala panaginip kundi bangungot. Bangungot na dalawang taon na siyang hindi tinatantanan.
Nasa gubat daw siya at tumatakbo. Hinahabol siya ng isang babae na deformed at sunog ang mukha. Malakas itong tumatawa habang iwinawasiwas ang hawak na itak sa hangin. Takot na takot siya. Wala siyang makitang lugar na pwedeng pagtaguan. Madadapa siya at maaabutan ng naturang babae. Kapag akmang tatagain na siya nito ay saka na siya magigising.
“'Waaag!!!” sigaw ni Tanya nang sa wakas ay magising na siya.
Humihingal siya at may luha sa gilid ng kanyang mga mata.
Nagulat siya nang bumukas ang pinto ng kanyang kwarto. Nakahinga siya ng maluwag nang makita niyang pumasok doon ang kanyang nobyo na si Joshua. Sampung buwan na ang kanilang relasyon.
“J-joshua!” Bumaba ng kama si Tanya at agad na yumakap kay Joshua. Nakaramdam siya ng kaligtasan nang ikulong siya ng nobyo sa mga bisig nito.
Masuyo nitong hinaplos ang likod ng kanyang ulo. “Shhh… Don’t worry, nandito na ako…” Pagpapakalma nito sa kanya.
“Napanaginipan ko na naman siya…” Nanginginig na turan niya.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang nakakatakot na nangyari sa kanila ng kanyang mga kaibigan sa Baryo Isidro. Marahil ay habangbuhay na ang mga alaala na iyon sa kanya. Hindi na rin siya mapalagay dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli si Miyaka o Juan. Nangangamba siya na baka balikan siya nito at patayin gaya ng ginawa ng pamilya nito sa kanyang mga kaibigan. Maging ang pamilya nito ay hindi na rin nakita pa ng mga pulis. Walang nakakaalam kung saan na ang kinaroroonan ng mga ito.
Dalawang taon na siyang nabubuhay sa takot. Halos ayaw na niyang lumabas ng bahay dahil doon. Kaya naman umuwi muna siya sa pamilya niya matapos ang pangyayaring iyon. Ilang buwan din siyang ginamot ng psychiatrist para magsalita muli. Labis siyang na-trauma kaya naman hindi na siya nakapagsalita. Mabuti na lang at kahit papaano ay naka-recover siya. Bumalik siya sa Manila upang magtrabaho. Doon na niya nakilala si Joshua hanggang sa maging magkasintahan sila. Sa iisang call center company sila nagtatrabaho. Team leader siya habang supervisor naman ito. Alam nito ang nakakatakot na nakaraan niya kaya naiintindihan nito kapag minsan ay nakatulala siya o nagigising sa gitna ng gabi at takot na takot.
Maswerte siya na dumating si Joshua sa buhay niya. Hindi niya nararamdaman na mag-isa siya dahil dito lalo na’t magkasama sila sa iisang apartment na inuupuhan nilang dalawa.
“Sige, dito na ako tutulog sa tabi mo para hindi ka na managinip ulit. Sandali lang at ikukuha kita ng tubig.”
“S-salamat…”
Umupo si Tanya sa gilid ng kama pagkaalis ni Joshua. Napatingin siya sa nakabukas na bintana at nagulat siya nang may makita siyang babaeng nakatayo doon. Madilim ang mukha nito kaya hindi niya makilala kung sino ito. Ngunit sa kabila ng kadiliman ay tila umiilaw ang mata nitong nakatingin sa kanya nang masama. Dahil doon ay nagsisigaw siya habang tinatawag ang pangalan ng kasintahan.
Humahangos na dumating si Joshua na may dalang isang basong tubig. “Anong nangyari? Bakit ka sumisigaw?!” Nag-aalalang tanong nito.
Itinuro niya ang bintana. “May babae, Joshua! Si Miyaka!” Hindi man siya sigurado pero ang pangalang iyon ang kanyang nasambit.
“Wala naman, a.” Tumayo pa si Joshua at sumisilip sa bintana. Isinara nito iyon at binalikan siya. Mahigpit nitong hinawakan ang dalawa niyang kamay. “Tanya, namamalik-mata ka lang. Nasa second floor itong apartment unit natin kaya imposible ang sinasabi mo…”
“Pero…” Natigilan siya sabay iling. Tama naman ito. Imposible na magkaroon ng babae sa labas ng bintana nila. “I’m sorry. Hindi lang talaga maalis sa isip ko ang nakaraan ko kaya kung anu-ano na ang nakikita ko. Sorry…”
“Tanya, hindi mo kailangang mag-sorry. Nandito ako to protect you. At naiintindihan ko ang pinagdadaanan mo. Kahit siguro ako ay magiging ganiyan ka-paranoid kung naranasan ko ang naranasan ko. Basta, I will always here for you no matter what. Tandaan mo 'yan.”
Napangiti siya sa sinabing iyon ni Joshua. “'Wag mo akong iiwan, Josh… Please?”
Umiling ito. “I won’t…” anito sabay yakap sa kanya. “Kung gusto mo, mag-leave tayo ng one week para naman makapagbakasyon tayo. Unwind… Gusto mo ba?”
“Papayagan kaya tayo ng boss natin?”
“Ako ang bahala. Bukas na bukas din ay magpa-file na ako ng leave nating dalawa.”
-----***-----
TINUPAD ni Joshua ang pangako nito sa kanya. Kinabukasan ay nag-file na ito ng leave na tatagal ng isang linggo. Mabait naman ang kanilang boss kaya naman pinayagan sila. Pagkauwi nila galing trabaho ay nag-search na agad sila sa internet ng magandang lugar na puntahan. Nagkasundo sila na sa isang tahimik na beach resort sila magpunta at nakakita sila sa probinsiya ng Quezon. Isa iyong isla na walang masyadong tao dahil hindi ganoon kasikat ngunit napakaganda naman.
Naghanda na agad ang dalawa sa pagpunta nila doon. Bukas na kasi ang alis nila at kailangang makapag-prepare na sila ngayon pa lang. Namili na sila ng mga kailangan nila para sa one-week vacation. Mula sa lotions, sunblock, outfit at mga pagkain ay bumili na sila. Pati na rin tent dahil ayon sa blog kung saan nila nakita ang isla ay walang hotel doon. Wala rin naman daw entrance fee. Ang babayaran lang nila ay ang bangkero na maghahatid sa kanila doon.
“Do you think ganito pa rin ang islang ito?” tanong ni Tanya kay Joshua.
Nakahiga na sila sa kama at magkatabi. Tapos na sila sa pag-aayos ng mga gamit nila. Bina-browse niya lang ulit ang blog at ang pictures ng isla doon.
“Bakit mo naman natanong iyan?”
“Look, three years ago pa kasi itong post na ito sa blog na ito. Baka kasi crowded na iyong isla or hindi na ganito kaganda. Sa tingin mo?”
“Hindi naman siguro… Kung ganoon man, may back-up plan naman ako. May isa pa akong island na nakita online. Sa Quezon din. Pwede tayong lumipat doon kung hindi na maganda diyan. May sasakyan naman tayo kaya okay lang na bumyahe.”
“'Buti naman kung ganoon. Ang mabuti pa siguro ay matulog na tayo.”
“Mabuti pa nga kasi maaga din ang alis natin later.”
“Good night, Joshua. I love you.”
“I love you, too. Good night!” Isang mabilis na halik ang iginawad ni Joshua sa kanya. Magkayakap silang natulog ng gabing iyon.
-----***-----
ALAS-TRES ng madaling araw ay nagising na silang dalawa. Inilagay na nila lahat ng dadalhin nila sa kotse at matapos iyon ay bumyahe na sila papunta sa Quezon Province.
Sa biyahe ay tahimik lang si Tanya. Nakatanaw lang siya sa dinadaanan nila.
Sana lang talaga ay makatulong kahit papaano ang bakasyon nilan ito ni Joshua para makalimutan na niya ang nangyari sa kanya sa Baryo Isidro.
Para sa kanya, napakahirap kalimutan niyon. Sa tuwing ipipikit niya ang kanyang mata ay ang nakakahindik na mukha ng anak nina Gilda at Ruben ang nakikita niya, nakikita niya rin ang pagpatay ng mga ito sa mga kaibigan niya at ang dinanas niya sa kamay ng mga ito.
“Ang tahimik mo. May iniisip ka ba?” puna ni Joshua sa kanya.
Lumingon siya dito. “Wala naman. Iniisip ko lang na sana after ng bakasyon na ito ay makalimutan ko na ang mga dapat makalimutan.”
“You will, Tanya. Gagawin nating memorable ang bakasyon na ito. Happy memories lang at sisiguruhin kong mag-eenjoy talaga tayo sa isla.”
“Okay. Sige, sabi mo 'yan, ha,” aniya sabay tawa.
“Oo naman. Wala ka bang tiwala sa akin?”
“Hmm… Slight!” Natatawa niyang biro sa kanyang nobyo.
TO BE CONTINUED…
BINABASA MO ANG
Dead Meat
HorrorThree different but connected horror and gore stories in one book... When you get caught, you're a one dead meat! Part 01: Bloody Forest Part 02: Couple Trouble Part 03: Killer Quake