Chapter Twelve

4.8K 194 34
                                    

Chapter Twelve

MATAPOS ang halos limang oras na pagda-drive at isang oras na pagsakay sa bangka ay narating na rin nina Tanya at Joshua ang islang pupuntahan nila. Mataas na ang sikat ng araw nang marating nila ang lugar.

Pagtapak pa lang ng paa ni Tanya sa buhangin ay napanganga na siya sa ganda ng islang iyon. Maliit lamang ngunit puno ng matataas na puno ng niyog ang dalampasigan. Hindi nga lang ganoon kalinis dahil sa mga tuyong dahon sa paligid ngunit naiintindihan naman niya iyon. Alam niyang walang nagmamay-ari ng isla kaya walang nag-aalaga dito. Hindi ganoon kaputi ang buhangin ngunit pino naman.

“Ang ganda!” bulalas niya sabay tingin kay Joshua na masayang nakangiti.

“Tama ka. Napakaganda!” anito.

“Ah, kailan ko po ba kayo babalikan dito?” tanong ng matandang bangkero sa kanila.

“Sa makalawa po, manong. Pang-dalawang araw lang kasi ang pagkain na dala namin dito. May palengke naman po siguro sa bayan, 'di ba?” sagot ni Tanya.

“Meron naman po. Sige. Mauuna na ako. Mag-iingat kayo. Balikan ko na lang kayo sa makalawa ng ganitong oras din.”

Matapos iyon ay umalis na ang bangkero. Nang maiwan silang dalawa doon ay nag-set up na sila ng tent at portable comfort room. Inayos na rin nila lahat ng gamit upang makapagpahinga na rin sila kapag natapos nila iyon.

Habang inilalabas ni Tanya ang mga gamit nila mula sa isang bag ay napatingin siya sa gubat na nasa gitna ng isla. Bigla siyang nanginig sa takot nang bumalik sa alaala niya ang nangyari noon sa kanila sa Baryo Isidro. Lalo na nang masaksihan niya ang pagpatay ng pamilya ni Miyaka o Juan sa mga kaibigan niya! Dahil doon ay wala sa sarili na napasigaw siya.

Isang mahigpit na yakap ang naramdaman niya mula sa kanyang likuran. “Tanya! Bakit?!” Ang nag-aalalang boses ni Joshua ang narinig niya.

Pumihit siya paharap dito at isiniksik ang sarili sa nobyo. “J-joshua… 'Yong gubat! Natatakot ako!” Parang batang takot na takot na sambit niya.

“Oo nga pala. Gusto mo bang umalis na tayo dito?”

Oo. Gusto na niyang umalis sila sa lugar na ito pero nagdalawang-isip siya. Sayang naman ang pagod at effort nila para makapunta dito lalo na ni Joshua. Isa pa, siguro nga’y oras na para harapin niya ang mga takot niya hanggang sa masanay na siya at tuluyan nang mawala iyon. Ayaw naman niyang habangbuhay siyang mabubuhay sa kanyang nakaraan. Gusto rin naman niyang maging masaya. Tama na ang dalawang taon na nabuhay siya sa takot at pangamba. Isa pa, kung papatayin siya ni Miyaka dapat ay matagal na. Alam naman nito kung saan siya nakatira. Kung nagpapakita man ito ay tanging sa panaginip at guni-guni lamang.

Tiningala niya si Joshua at diretsong tumingin dito. “No. Hindi tayo aalis dito. I’m sorry kung napasigaw man ako. Pero ito na siguro ang tamang oras para harapin ko ang aking takot…” aniya. Muli siyang tumingin sa gubat. Kinulit na naman siya ng madudugong alaala ngunit pilit niyang pinaglabanan lahat ng iyon.

-----***-----

DAHIL walang source ng electricity sa isla, maaga pa lang ay nagluto na sina Tanya at Joshua ng pagkain nila para sa hapunan. Nang kumalat na ang dilim ay gumawa sila ng bonfire malapit sa tent upang may tanglaw sila kahit papaano. Doon na rin sila kumain dahil medyo malamig ang gabi. Matapos kumain ay magkatabi silang umupos sa harap ng apoy habang nakasandal siya sa dibdib ng kanyang nobyo. Ang kamay nito ay nakayakap sa kanya.

“Ang sarap dito, Josh… Ang tahimik. Malayo sa maingay na Manila,” aniya. Kapwa sila nakatingin sa karagatan na payapa ang pag-alon.

“Sinasabi ko naman sa iyo. Kailangan mo lang talaga ng magandang bakasyon katulad nito. Bukas ay i-explore pa natin itong isla…”

“Sige. Gusto ko 'yan!” pagsang-ayon niya.

Nang medyo makaramdam na ng antok ay pumasok na silang dalawa sa tent upang matulog. Kakahiga pa lang nila nang may marinig silang kaluskos. Para bang may nakatapak sa mga tuyong dahon sa labas. Nagkatinginan sila ni Joshua.

“May tao…” bulong niya. Sumenyas si Joshua na huwag siyang maingay. Maingat itong bumangon at may kinuhang swiss knife sa bag nito.

“Anong gagawin mo?” Kinakabahang bulong niya.

“Basta. Dito ka lang…”

“Joshua, baka--”

“Shhh… Just stay here.” Mabilis siyang hinalikan nito sa labi at lumabas na ito sa tent.

Napa-sign of the cross na lang si Tanya at nagdasal na sana ay walang masamang mangyari kay Joshua. Simula nang pumunta siya sa Baryo Isidro tila lahat na lang yata ng bagay at tao ay kinakatakutan na niya.

Hanggang sa may sumigaw. Napapitlag siya at agad na lumabas ng tent upang malaman kung ano na ang nangyari.

“Joshuaaa!!!” sigaw niya.

“Aray… Bakit mo naman ako sinaksak? Nagpapainit lang naman ako dito sa bonfire niyo…” Nakangiwing turan ng isang bakla kay Joshua. Hawak ng bakla ang balikat nito na dumudugo.

Nasabi niyang bakla ito dahil sa hitsura nito. Mahaba ang buhok nito ngunit may kaunting bigote. Nakikita niya ang mukha nito dahil sa liwanag ng apoy. Nakasuot pa talaga ito ng two-piece na swimsuit. Medyo maitim at hindi naman sa panlalait ngunit hindi ito kagandahan.

“S-sorry. Akala ko kasi ay masama kang tao,” ani Joshua sa bakla.

“Nakasuot ako ng ganito? Masamang tao?!” Tumayo na ito at ipinakita ang suot nitong swimsuit. “May magnanakaw o mamamatay-tao ba na magsusuot ng ganito? Kaloka ka! Aray ko talaga…”

Nilapitan ni Tanya si Joshua. Wala pa rin siyang maunawaan sa nangyayari kaya naman nagtanong na siya sa nobyo. Anito, nagulat daw ito nang may makita itong tao na nakaupo sa may bonfire. Nasaksak niya ito sa balikat sa sobrang pagkabigla. Hindi daw nito sinasadya.

“Teka. Kukuha lang ako ng pang-gamot sa sugat mo…” aniya.

Pumasok siyang muli sa loob ng tent at kinuha ang maliit na bag ng first-aid kit. Binalikan niya ang bakla at nilinis ang sugat nito gamit ang alcohol. Panay ang tili nito dahil sa hapdi. Matapos malinisin at umampat na ang pagdurugo ng sugat ay nilagyan niya iyon ng gamot sa sugat at nilagyan ng benda.

“Thank you sa’yo, ganda! Pero kainis 'yang kasama mo, ha! Saksakin ba naman ako?” Umirap pa ito kay Joshua.

“Pasensiya ka na. Ang akala kasi namin ay kami lang ang tao dito sa isla kaya akala siguro ng boyfriend ko ay masama kang tao. Pero, mabuti na lang at hindi malalim ang sugat mo. Ako nga pala si Tanya at siya naman si Joshua…” Pagpapakilala niya. Sa tingin naman niya ay hindi masamang tao ang bakla. Napagkamalan lang talaga ito ni Joshua.

“Tawagin niyo na lang ako sa pangalang Juliana. Nagbabakasyon lang ako dito sa isla at nauna yata ako sa inyo ng isang araw.” Hinipan-hipan nito ang sugat nito sa balikat sabay ngiwi.

“Ganoon ba? Mukha nga. Kanina lang kami dumating dito, e…” Tinignan ni Tanya si Joshua. Pinanlakihan niya ito ng mata.

“Sorry ulit… Juliana. Hindi na mauulit,” ani Joshua.

“Aba! Talagang hindi na dapat maulit. Ano ka? Killer? Kaloka, ha! Wait lang… Bakit kayo nagtent dito?”

“Wala namang hotel dito, 'di ba?” sagot ni Tanya.

“Wala ngang hotel pero merong cabin sa gitna ng isla. Doon ako tumutuloy sa ngayon. May kuryente pa. Sa’n ka pa, 'di ba?”

“Totoo ba 'yang sinasabi mo?”

“Oo. Mukha ba akong sinungaling? Saka mura lang ang bayad per day. Iyon nga lang, dadalawa ang kwarto. Ano? Gora ba kayo? Kausapin niyo 'yong may-ari?” ani Juliana.

Nagkatinginan sila ni Joshua. Mukhang mas maganda nga kung sa cabin sila mag-I-stay kesa dito sa dalampasigan…

TO BE CONTINUED…

Dead MeatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon