Chapter One

17.8K 475 63
                                    

Chapter One

TAONG 2003, sa Baryo Isidro…

Nakita ni Ruben na nabitiwan ng kabiyak niyang si Gilda ang hawak nitong mga pinggan. Nabasag ang mga iyon at nagkapira-piraso. Tatanungin pa sana niya ito kung bakit ito nakatulala habang nakatingin sa nakabukas nilang bintana, pero hindi na niya ginawa dahil alam na niya ang sagot. Isang kumpol ng taong-bayan ang papalapit sa kanilang kubo sa gitna ng gubat. May mga dala ang mga iyon na sulo o kawayang may apoy sa dulo. Habang ang iba naman ay may itak at sibat na tangan.

Nag-aalalang nagkatinginan sila ni Gilda.

“R-ruben… A-anong gagawin natin? Mukhang wala na tayong magagawa para paniwalain sila na hindi tayo ang pumapatay sa-”

“Ako ang haharap sa kanila. Itakas mo si inay at ang mga bata sa likod ng bahay habang kinakausap ko sila.” Matapang na turan ni Ruben.

Malaki ang katawan ni Ruben. Resulta iyon ng trabaho niya bilang matador sa palengke. Kilo-kilong karne ng baboy ang araw-araw niyang binubuhat kaya naman banat na banat ang buto at muscle niya sa mabibigat na gawain.

“Pero…”

“Sundin mo na lang ako!” Sumigaw na siya para mapilitang sumunod ang asawa niya. Kilala kasi siya nito na iba siya kapag nagagalit.

Muli niyang tiningnan ang mga taong-bayan na malapit na sa kubo nila. Panay ang mga sigaw ng mga ito. Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi nito dahil samu’t sari ang mga pinagsasabi ng mga ito.

“Ruben! Lumabas ka diyan! Alam na namin na kayo ang pumapatay sa mga tao dito sa baryo natin!” sigaw ni Kapitan.

“At hindi niyo lang pinapatay, kinakain niyo pa!” sigaw naman ng isang lalaki.

Nag-ipon ng laway si Ruben sa loob ng bibig at marahas iyong dinura. Ginagawa niya iyon kapag nakakaramdam siya ng matinding emosyon katulad ng tensiyon o galit.

Kinuha niya ang kanyang itak at isinuksok iyon sa likod ng kanyang pantalon upang hindi makita ng mga taong-bayan. Kailangan niya iyon sa mga ganitong pagkakataon.

Matapang na lumabas ng kubo niya si Ruben at hinarap ang taong-bayan na galit na galit.

Mamamatay-tao, kanibal, aswang at kung anu-ano pa ang tinatawag ng mga iyon sa kanya.

“Anong atin, kapitan?” Pilit na nagpakamahinahon si Ruben.

“Alam na namin na kayo ang pumapatay, Ruben! Ikaw at ang pamilya mo!”

“Wala kayong ebidensiya, kapitan. Nananahimik kami dito ng pamilya ko-- Ahhh!!!” Malakas na napasigaw si Ruben nang walang babala na suntukin siya ni kapitan sa mukha.

Sa lakas ng suntok nito ay natumba siya. Sinamantala iyon ng mga taong-bayan para batuhin siya ng mga bato. Hindi na siya makatayo dahil sa pag-ulan ng mga bato. May tumama sa kanyang ulo, likod at kung saan-saan pa. Ginawa na lang niyang pananggala ang dalawang braso upang kahit paano ay hindi siya masaktan.

“Tama na mga kabaryo!” Awat ni kapitan.

Matapang pa rin siyang tumayo kahit duguan na ang ulo. Nanlilisik ang mga mata na tiningnan niya ang bawat isa na naroon.

“Patayin na 'yan!” sigaw ng isa.

“Patayin! Patayin! Patayin!” sigaw na ng lahat.

“Ano, Ruben?! Umalis na kayo dito bago ka mamatay!!!”

Nang duruin siya ni kapitan ay nagdilim na ang paningin ni Ruben. Mabilis niyang hinugot ang itak sa kanyang likuran at tinagpas ang kamay ni kapitan. Nahihindik na napasigaw si kapitan nang humiwalay ang kamay nito sa braso.

Dead MeatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon