Chapter 1
Ang Simula ng Ungas, Multo-Wannabe at Mga Millennials
___________________
Sex, sex at sex.
Gamit ang masusing pagtatanong sa mga eksperto ukol sa paunang linyang makakuha ng atensiyon ng mambabasa, iisa lang ang kanilang naging tugon: Simulan mo sa bed scene, lumalagablab at nakakagising na bed scene.
Pagkatapos ng ilang segundong deliberasyon, napagdesisyunang gamitin ang salitang nabasa sa itaaas.
Sex, sex at sex. Ingles at walang kinalaman sa unang kabanata, pero epektibo hindi ba? Umabot ka sa ikawalong linya dahil sa naunang impresyon ng kahalayan. Sa kasamaang palad, hindi magsisismula ang kwento sa isang bababe at lalakeng nasa ibabaw ng kama, hubad, pawisan at tumitirik ang mata.Magsisismula tayo sa isang madilim na silid-aralan, laman ang ating bidang si Pierromencio, na bagama't humihingal, hindi libog ang dahilan.
Pasuray-suray at palapit sa kanya ang babaeng may mahabang buhok na tumatakip sa mukha, nakasuot ng puting bestidang may manggas at lagpas tuhod ang laylayan.Hindi si Pier naniniwala sa multo at higit sa lahat, hindi matatakutin. Galing siya sa matatapang na angkan ng mga Alpha, pinaniniwalaang mas naunang naging bantog kay Asiong Salonga. Pero dahil ang tanging liwanag ay mula sa bilog na buwan, nakakadagdag iyon sa misteryo at gimbal.
Minura niya ang sarili. Kung umuwi sana siya ng maaga imbes umidlip, malamang ay 'di naabutan ng gabi sa eskwelahan.
Sinubukan niyang tumayo, pero mas lalong kumirot ang paa. Kung bakit ba kasi siya nagulat at tumakbo nang nagising sa haplos ng malalamig na kamay, kaya ngayon ay 'di makabangon sa iniindang sakit. Kung kaya lang niyang tumayo, sana'y naghamon na ng suntukan.
Napakatahimik ng gabi. Napakalamig, kahit malayo pa ang buwan ng Merry Christmas, Happy New Year at My Valentine. Maliban sa dagundong ng puso niya, ang tanging naririnig ay ang mga mababagal na yabag ng babaeng parang pasuray-suray sa hangin at paos na umuusal.
"Dugo..."
Nanigas ang mga braso ni Pier, nagsimulang manginig. Nasa tagiliran na niya ang babae, dahan-dahang lumuhod at hinaplos ang pisngi niya. Lalo siyang natulos sa kinahihigaan. Sa likod ng itim at tuwid na buhok, siguradong may mulagat na pares ng mga matang pinagmamasdan ang kanyang anyo.
'Kamatayan ko na,' isip ni Pier. Hindi relihiyoso, pero kung mamatay man, papanaw siyang kinakusap ang Diyos. Pumikit siya ng mariin at nagsimula. "A-Ama namin, sumasalangit ka... s-sambahin... ang ngalan mo..."
"Gusto ko ng dugo..."
Hindi siya nagpatinag. "...bigyan niyo po kami ng makakain sa araw... a-at... sa araw-araw... sa araw..."
Nakalimutan pa ang sunod dahil sa taranta. Hanggang sa sumuko at dumiretso sa dulo. "Sa ngalan ng Ama... ng 'w-wag po... 'wag..."
Lumapat ang hininga ng babae sa tenga niya at bumulong, "Dugo... dinuguan at puto...." pagkatapos ay isang malakas na tunog ang bumalot.
Natigilan si Pier, tinanong ang sarili, 'Teka, may multo bang kumakalam ang sikmura?' at tuluyang nawalan ng ulirat._______________
Hello. Ayon sa publisher, nakapila na daw po ang kuwentong ito para sa ipa-publish nila. Baka within this year daw. Abangan niyo sana :)
Ellena Odde ♥
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig Ay Isang Horror Story (PUBLISHED UNDER BOOKWARE)
RandomAng pag-ibig ay isang horror story.