Intro

33 2 19
                                    

Frank


Hindi mo ba siya na-mi-miss?

Kusang lumabas sa aking isipan ang mga salitang iyan. Itinigil ko ang pagbabasa ko sa hawak kong libro at tumingin sa kawalan.

Na-mi-miss? Sino naman? Natawa ako sa kaloob-looban ko. Baliw na ba ako para makipag-usap sa sarili ko?

Huwag mo nang i-deny. Alam kong alam mong iisang tao lang ang nasa isip natin.

Muli akong tumingin sa kawalan, pero sa pagkakataong ito ay nag-iisip na ako ng malalim. Ano nga ba? Na-mi-miss ko nga ba siya? Eh, bakit ba kasi kailangan ko pa siyang ma-miss? Na-mi-miss niya rin ba ako?

Napailing ako dahil pakiramdam ko’y anumang oras ay baka mas lalo pang lumalim ang pag-iisip ko. Bago pa man ako tumayo sa kinauupuan ko ay isinara ko muna ang librong binabasa ko at saka inilagay sa dating lalagyan nito rito sa Library. Nang matapos ay lumabas ako upang makapagpahangin at makapag-refresh na rin ng utak.

Sumalubong sa akin ang iba’t ibang boses na nanggagaling sa bawat estudyante sa paligid ng pasilyo ng eskwelahan. Nakakapanibago ang tunog dahil kagagaling ko lang sa Library na sobrang tahimik at ang mga naglalakasang boses kaagad ang bubungad sa ‘kin.

Iniyuko ko ang ulo ko upang makaiwas sa mga titig ng mga taong nakatambay sa paligid. Hangga’t maaari ay ayaw kong makakuha ng atensyon sa kung kanino man at ayaw ko na rin muna siyang makita.

Nang matanaw ko ang papalapit na Boy’s CR ay naisipan kong baguhin ang aking plano. Imbis na didiretso ako ng classroom ay naisip ko munang magbanyo at makapagbawas man lang kahit kaunti. Hindi naman naging mahirap ang paglalakad patungo sa banyo kaya ganoon na lamang kadali para sa akin ang makapunta. Ngunit nang nasa harapan na ako ng mismong pintuan ay kusang huminto ang aking mga paa sa nasaksihan.
G-gerard...

Hindi ko maiwasang hindi mapatitig sa taong nakatayo sa harap ng salamin. Nararamdaman ko ang malalakas na kabog sa dibdib ko. Pakiramdam ko rin ay permanente nang nakadikit ang mga paa ko sa sahig, at dahil doon ay mas lalo ko pa siyang napagmamasdan.

Bago pa ako tuluyang malunod sa sarili kong mga iniisip ay biglang pumasok sa isip ko na kailangan ko nang umalis, dahil kung hindi pa ako aalis ay masasayang ang ilang linggong pag-iwas ko sa kanya.

Pero nang tumalikod na ako ay hindi ko inaasahan ang mga sumunod na nangyari.

“Frank?”

Pakiramdam ko’y huminto sa pagtibok ang aking puso sa loob ng ilang segundo. Hindi ako makahinga at parang ilang minuto pa ay pwede na akong lunukin ng lupa.

“Frank? Ikaw ba ‘yan?”

Muli kong narinig ang kanyang boses. Hindi ko alam kung bakit kahit sa isang simpleng boses lamang niya ay kinikilabutan na ako.

Nakarinig ako ng ilang pagtunog ng sapatos at nasisiguro kong papalapit siya sa gawi ko. Anong bang gagawin ko? Haharap ba ako sa kanya o tatakbo na lang palayo? Ano ang mas convenient? Ang takasan siya o ang makipag-usap sa kanya nang pa-utal-utal dahil hindi naman ako gano’n kagaling sa pakikipag-usap lalo na sa mga taong kakilala ko lang.

“Uy!” Nag-react ang katawan ko sa biglaang paglapat ng isang kamay sa aking balikat. At nasisiguro kong hindi na talaga ako kumportable sa ganitong sitwasyon. Lalo pa nang humarap ako sa kanya at saka napansin ang kakarampot na distansya na humihiwalay sa amin.

Ngumiti ako ng pilit, “uh... H-hi!” Sinubukan kong ngumiti. Sinubukan ko. Kahit na gusto kong purihin ang mukhang nasa harapan ko ngayon ay hindi ko magawa. Mas nangingibabaw ang bawat malalakas na pagkabog ng aking dibdib at nararamdaman ko rin ang pagsikip nito.

“Kumusta? Ang tagal nating ‘di nagkita, ah? Ang akala ko nga, eh, hindi ka na rito nag-aaral. Ilang linggo na rin kasi simula nang magpasukan tapos ni anino mo, eh, ‘di ko makita.” aniya. Hindi mawala-wala sa boses niya ang pagkamasayahin. At kahit papaano ay nababawasan ang kaba ko sa tuwing maririnig ko siyang tumawa.

“Uh... Eh... K-kasi, l-late na akong nakapag-enrol kaya late na rin akong n-nakapasok.” kinakabahang sabi ko. Dahil sino nga bang tao ang hindi kakabahan sa tuwing magsisinungaling? Ang totoo niyan ay pinilit ko talagang magtago sa kanya simula pa noong unang araw ng pasukan.

“Ah, gano’n ba? Kaya pala hindi na tayo magkaklase. Sayang naman!” dismayadong aniya. Hindi ko rin naman maiwasang hindi madismaya dahil siya lang ang nag-iisa kong kaibigan. O, dapat ko bang sabihing naging kaibigan.

Ilang segundo ang lumipas at ramdam na ramdam ko ang katahimikan sa paligid. Bagaman may mga taong pumapasok at lumalabas sa banyo ay pakiramdam ko’y kami lang dalawa ni Gerard ang tao sa mundo.

“Uh... Pa’no ba ‘yan, Frank? Una na ‘ko, ah?” Binigyan niya muna ako ng isang kakaibang ngiti bago muling tapikin ang aking balikat. Pero bago pa man siya umalis ay awtomatikong natuod ako sa kinatatayuan ko dahil sa mga sunod niyang sinabi.

“Na-miss kita.”

Nothing (Frerard)Where stories live. Discover now