Nagkikislapan ang mga mata ni Cindy habang tinatanaw sa labas ng bintana ng sasakyan ang malalaking punong namumulaklak na kanilang nadadaraanan. Sobra ang pagkamangha niya sa paligid na ngayon niya lang nakita sa labing-siyam na taong pamamalagi niya sa mundo kaya hindi siya nakatiis at binuksan ang katabing bintana.
Malamig na simoy ng hangin ang pumasok sa loob ng sasakyan kahit na medyo mataas na rin ang sikat ng araw. Dulot na rin ito ng malalagong sanga ng mga puno sa paligid at hindi makapasok ang mainit na sinag ng araw.
Bahagyang napaangat ang ilong niya upang singhutin ang mabangong amoy ng mga bulaklak.
"Papa, ang ganda rito. Ang sarap sa pakiramdam," masigla niyang sambit sa amang nagmamaneho.
"Mabuti naman at nagustuhan mo rito. Pansamantala ka munang mananatili sa bahay ng lola mo habang inaayos pa namin ang bagong bahay natin. Ngayong bakasyon lang naman ito," paliwanag nito at saka nilingon siya. "At higit sa lahat, mag-enjoy ka rito kasama ang lola mo. Miss ka na rin no'n." Isang ngiti ang pinakawalan nito.
"Opo." Isang pilit na ngiti ang ibinalik niya.
Hindi niya alam kung ikatutuwa niya ba ito dahil maganda ang lugar o malulungkot kasi malayo sa sibilisasyon ito kaya paniguradong mababagot lang siya. Ngunit alam naman niyang wala siyang magagawa ukol dito.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya nang mapansin ang isang puting bulaklak na nahuhulog at papasok sa loob ng sasakyan.
Sinalo niya ito sa pamamagitan ng kanyang mga palad at pinagmasdan.
"Isarado mo na ang bintana. Medyo malakas ang hangin sa labas," utos ng kanyang ama.
Sinunod niya naman ito.
Tahimik niyang pinagmamasdan ang luntiang paligid sa labas ng bintana.
Ilang sandali pa ay huminto ang sasakyan sa tapat ng isang malaking bahay. Malawak ang paligid. Walang kapitbahay na makikita maliban sa malalaking puno. Tanging ang antigong bahay lang at ang mga halaman sa paligid nito ang kanyang natatanaw mula sa labas ng gate.
Bumusina ang sasakyan at kusang bumukas ang bakal na gate. Dumiretso ito sa garahe at sinalubong sila ng tatlong katulong.
"Welcome back, Sir Matt," bati ng mga ito sa ama niya. "Maligayang pagdating din, Ma'am Cindy." Ngumiti ang mga ito kaya nginitian din niya ang mga ito pabalik.
"Nasaan pala si Mama?" tanong ng ama niya habang binababa ang mga bagahe nilang dala.
"Nasa loob po ng bahay. May inaayos pa po. Sinabi niyang samahan po namin kayo sa loob," sagot ng isa sa mga ito.
"Ano pa ang hinihintay natin?" nakangiting sambit ng ama niya.
"Sige po, Sir." Kinuha ng mga ito ang ilan sa bagahe at sumunod sa mag-ama sa pagpasok.
BINABASA MO ANG
Fairy Tale Next Door
Fantasy"We keep on searching for our own fairy tale stories not knowing it is just there...next door." Samahan si Cindy sa kanyang paglalakbay sa isang mahiwang lugar at subaybayan ang mga pagsubok na kanyang kakaharapin upang maging isang ganap na dalaga...