Bahagyang natigil ang kasiyahan dahil sa naganap na kaguluhan. Matapos ang pag-alis ng napagbintangang impostor ni Prinsesa Mona, unti-unti namang sumigla ulit ang paligid.
Bago umalis sa kinatatayuan, napadako ng tingin si Prinsipe Arkus sa bakas na iniwan ng dalagang kanina lang ay kanyang nakasayaw. Simula pa noong dumating ito sa palasyo, nakaramdam na siya ng kakaiba rito. Pakiramdam niya kilala niya ito ngunit hindi niya matukoy kung sino dahil sa panlabas na ayos nito. Hindi man niya masabi kung sino ito, kinikilala naman ito ng pagtibok ng kanyang puso.
Subalit, alam niyang hindi na niya mararamdaman pa ang tunay na pag-ibig. Bilang isang prinsipe, nararapat lamang na unahin ang kapakanan ng kaharian bago ang sariling kaligayahan.
"Prinsipe Arkus?" Isang matinis na tinig mula kay Prinsesa Mona ang nagpalingon sa kanya. Natapilok ito nang lumapit sa kanya. "Maaari mo ba akong tulungan sa pagsuot ng aking sapatos?" Inangat nito nang bahagya ang kanang paa.
"Aking karangalan," magalang na sagot niya at yumuko upang itiklop ang mga tuhod upang abutin ito.
Maingat niyang hinawakan ang kanang paa ng prinsesa at isinuot ang sapatos na natanggal.
Nang akmang tatayo na sana siya, napansin niya ang kumikinang na bagay sa damuhan na katabi lang ng inaapakan ng prinsesa.
"May problema?" pag-uusisa nito nang matagalan siya.
"Wala." Pinulot niya ito at agad ipinasok sa bulsa ng kanyang suot na terno nang makatayo. "Mas mabuting sa loob tayo ng palasyo mag-usap." Inialok niya ang kanyang kaliwang braso upang alalayan ang prinsesa sa paglalakad.
Nakamasid lamang ang inang reyna sa bukana ng palasyo habang naglalakad sila papasok. Tila sinusuri nito ang bawat kilos ng prinsipe. Hindi nagtagal ay umalis din ito sa kinatatayuan.
Kahit labag sa kalooban ng prinsipe ang kasunduan sa pagitan ng kaharian ng Hitopia at ng kanilang kaharian-ang Arkania-pinipilit niyang gawin ang kanyang tungkulin para na rin sa amang hari.
Ang alyansa sa pagitan ng dalawang kaharian ay mapagtitibay lamang ng isang kasalan kaya narito ngayon ang kanyang magiging kabiyak sa hinaharap na si Prinsesa Mona.
Nang makarating sa loob ng palasyo, sumalubong sa kanila ang mga tagapagdala ng inumin at pagkain. Inilapag naman ng mga ito ang dala sa maliit na mesa na yari sa pilak.
Inalalayan naman ng prinsipe ang prinsesa na makaupo sa malambot na sofa na may disenyo ng simbolo ng kaharian- isang agila sa likod ng pasikat na araw na ang ibig sabihin ay sumisibol na katapangan.
Nang masiguro na maayos ang lagay ng prinsesa, umupo naman siya sa upuan na kaharap nito sabay abot ng inumin.
"Totoo ngang isang makisig ang prinsipe ng Arkania. Paniguradong magiging kasing gwapo mo rin ang magiging anak natin." Kinikilig pa ito habang iniisip ang mga sinabi.
BINABASA MO ANG
Fairy Tale Next Door
Fantasy"We keep on searching for our own fairy tale stories not knowing it is just there...next door." Samahan si Cindy sa kanyang paglalakbay sa isang mahiwang lugar at subaybayan ang mga pagsubok na kanyang kakaharapin upang maging isang ganap na dalaga...