Hindi alam ni Cindy kung saan siya dadalhin ng mga paa sa mahiwang lugar na ito subalit mas hindi niya alam kung hanggang saan siya kakaladkarin ng lalaking tumulong sa kanya.
Kanina pa siya hila-hila nito na hindi man lang siya nililingon. Hindi tuloy namamalayan nito na naiwan iyong isang suot na sapatos niya dahil sa biglaang pagtakbo nila.
Habang palayo sila nang palayo, nakaramdam na rin siya ng bahagyang paghapdi dahil sa mga daplis ng mga bato sa paa niya na walang sapin.
Napasigaw na lang siya nang makaapak ng matulis na bato kaya natigil at napalingon sa kanya ang binata.
Agad niyang hinipan-hipan ang nagkasugat niyang paa habang nakaupo sa mabatong daan.
Napansin ni Arkus ang namumulang kaliwang paa niya kaya nilapitan siya nito upang tingnan ito.
"Kanina pa ito? Ba't hindi ka nagsabi?" sunod-sunod na tanong nito sa kanya.
"Hayaan mo na. Daplis lang 'to," matapang na sagot niya habang hinahagod ang mga binti upang tumayo na.
Subalit, bago pa siya tuluyang makatayo, pinisil ni Arkus ang bandang namumula dahilan ng wala sa oras na pagsigaw niya ulit dahil sa sakit.
"Aray ko po!" mangiyak-iyak na sambit niya pagkatapos bumagsak sa lupa ang pwet.
Walang imik na lumapit si Arkus sa kanya kaya napatigil siya sa pagwawala. Bigla siyang nakaramdam ng kaba nang isang dangkal na lang ang pagitan ng mukha nito sa kanya. Walang salitang lumabas sa bibig niya. Napatitig lang siya sa asul na mata ng binata. Parang kilala niya ito.
"Babae ka ba? Bakit ang bigat-bigat mo?" pagrereklamo ni Arkus habang karga siya.
Hindi niya namalayan agad na pasan na siya ng binata kung hindi lang ito nagsalita.
"Kumapit ka," kalmadong utos nito sa kanya.
Nag-aalinlangan siyang kumapit sa leegan ng binata subalit pansin niya na nahihirapan ito sa pagkarga sa kanya kaya sinunod na lang din niya.
Napatitig siya sa mukha ng binata. Gwapo naman pala ito. Ang ganda ng hugis ng mukha nito. Idagdag pa ang jawline nito na dagdag sa assets nito.
'Di nagtagal, habang pinagmamasdan ang mukha ni Arkus, hindi niya namalayan na nakatulog na siya sa sobrang pagod.
Medyo malabo ang paningin niya nang idilat niya ang mga mata subalit may naaaninag siyang mga kulay na nakapalibot sa kanya.
BINABASA MO ANG
Fairy Tale Next Door
Fantasy"We keep on searching for our own fairy tale stories not knowing it is just there...next door." Samahan si Cindy sa kanyang paglalakbay sa isang mahiwang lugar at subaybayan ang mga pagsubok na kanyang kakaharapin upang maging isang ganap na dalaga...