Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Lumingon ako ulit. Bumalik ako. Sa huling pagkakataon tatanawin kitang muli. "Ayoko na" sabi ko sa sarili ko kaya ito na ang huling pagkakataon. Napagod na akong maghintay sa sagot mo. Hindi ako nagtatanong pero bakit humahanap ako ng sagot? Anim na taon na nagpa ikot ikot tayo hindi ko inaasahan na darating tayo sa punto na ito.
Naglakad lakad muna ako. Dinala ako ng mga paa ko dito. Dito sa puno kung saan nakaukit ang mga pangalan natin. Dito sa puno kung saan nagsimulang mabuo ang mga alaala ng nakaraan at ng ating pag iibigan. Nang aking pag ibig pala.
Naupo ako. Nagpahinga. Unti unti kong ipinikit ang aking mga mata at sinariwa ang lahat lahat. Naupo ako katulad ng dati. Wala ka na sa tabi ko ngayon. Napaka laki ng diperensya ng noon at ngayon.
Noon at Ngayon. Dalawang letra ang diperensya pero napaka laki ng pagkakaiba. Kasi noon kasama pa kita at masaya tayong dalawa. Ngayon, wala ka na at kahit gustuhin kong maging masaya, hindi ko magawa.
Wala akong magawa sa sitwasyon natin na ito kaya naghintay ako. Naghintay ako kahit na walang kasiguraduhan kasi mas mahalaga ka kaysa sa kung ano pa mang bagay dito sa mundo.
Mahalaga ka.
"Sana maging masaya ka kasi mahalaga ka sa buhay ko" Iyan ang huli mong sinabi. Hindi ko kinaya kaya nanahimik ako. At dala dala ko ang katahimikan na ito hanggang ngayon. Tatlong taon na pala mula noon nung huli kong narinig ang boses mo.
Hanggang ngayon.
Hanggan ngayon heto parin ako kahit ilang taon na ang nakalipas heto parin ako umaasa na babalik ka. Pero hindi ako nagpunta dito para diyan. Bumalik ako kasi iiwan ko na ang lahat dito sa lugar na ito kung saan nagsimula ang lahat lahat.
Muli akong umukit sa puno na naging saksi sa kwento natin at ngayon ay siyang nasasandalan ko.
"Masaya ka ba?" Iyan ang tanong ko sa'yo.
Tumalikod ako. Palubog na ang araw. Ang ganda ng kulay ng kalangitan. Nagsimula na akong humakbang palayo sa ating mga alaala. Palayo sa lugar kung saan tayo nagsimula. Hanggang sa hindi ko na matanaw. Hanggang sa wala na. Kailangan kong tanggapin na wala ka na talaga at wala na din ako na laging nandiyan para sa iyo.
Bawat kwento ay may katapusan. Kahit ano pa man ang ending, ito ay nagtatapos. Parang sa libro. Nauubos din ang mga pahina at mga salita at ang lahat ay natatapos sa tuldok at blangkong pahina.
Kailangan ko ng magpaalam. Ito na ang huling beses na tatawagin kitang "Mahal".
Sa ngayon hanggang dito na muna kahit alam ko na hanggang dito nalang talaga ang kwento nating dalawa.