Kapag hindi ka mahal ng taong mahal mo, sana ganon lang kadaling tanggapin.
Sana ganon lang tapos makakalimutan mo na.
Sana ganon lang kadaling intindihin.At sana hindi sobrang sakit. Sana parang kagat lang ng langgam. Sa una lang tapos maya maya hindi na masakit. Pantal lang yung naiiwan tapos mawawala din hindi sugat na kahit ang tagal tagal na hindi parin gumagaling at mag iiwan ng marka.
Para kapag sinabi kong "Okay lang, ganon talaga", hindi kasing sakit ng pakiramdam noong sinabi mo na "Sorry. Wala akong masabi, paano ba?"
Sana ganon ka lang kadaling talikuran.
Sana para kang libro na kapag tapos na isasara na.
Parang singkong butas na kapag nahulog, hahayaan nalang na para bang wala ng halaga.
Sana ganon ka lang kadaling iwanan.Pero hindi.
Para kang traffic na sinusuong ko sa araw araw. Wala akong magawa kasi nandiyan na. Wala akong magawa kung hindi ang maghintay, umaasa na makakarating din ako sa aking paroroonan kahit gaano man katagal. Para kang yung paborito kong palabas na kahit ilang beses ko ng pinapanuod ay hindi ako nagsasawa. Kahit ilang taon na ang nakalipas ay aking binabalik balikan kahit alam ko na sa huli, ako ay iiyak na naman.
Para kang bagyo. Panandaliang dadaan at mag iiwan ng destruksyon sa puso ko. Nakakapagod nang antayin ang pagdating mo dahil sa huli aalis ka rin naman at babalik lang kapag gusto mo.
Wala naman akong magagawa kung hindi ako ang iyong gusto pero mahal, sana sabihin mo para hindi tayo naghuhulaan kung ano ba ang tamang sagot. Para masabi ko na rin sa sarili ko na "Ang storya natin ay nagtapos na."
Ang tagal na nating naghabulan at ang tagal ko naring nagtatago. Ayokong lumabas at sumilip dahil naniniwala ako na naligaw ka lang pero patuloy mo parin akong hinahanap.
Ayokong lumabas at sumilip dahil natatakot ako na tanggapin na kaya ako ay nagtatago parin ay dahil wala ng naghahanap sa akin.
Mahal, gusto ko nang magpaalam sa istorya natin na hindi ko alam kung nagsimula ba talaga. Sana masabi mo na para tayo ay hindi na nag papaikot ikot pa. Tao tayo at hindi bola.