Gabi yon. Malungkot ang diwa ng buong bayan. Habang malakas ang lagitgitan ng mga patak ng tubig mula sa kalangitan.
Sasabay ang agos ng luha sa mga mata ng karamihan. Hindi ko maulinagan.
Maraming umuungol, mga hayop. Nais magpakupkop.
Oo, nabawasan nanaman ng isang tao ang kaunting populasyon ng baryo.
Sinong kriminal?
Wala.
Sila sa sarili nila, sila ang may kasalanan.
Gabi yon. Nasa bubong ako hawak ang isang sigarilyo. Sinindihan gamit ang palito, ikinaskas sa katawan ng posporo’t pinadampi sa kantuhan nito. Nang magbaga na ay hinipat ko ito ng malalim, nang napakalalim na halos ubusin na ang kabuuan.
Ibinuga ko sa hangin ang puting usok nito. Hinabol ang amoy habang patuloy ‘tong nagpatangay sa paglalayag hanggang sa maglaho na ng lubusan. Sinunog ko ang baga ng buong gabing ‘yon.
Wala akong nararamdaman. Natutuwa ako.
Gabi yon. Oo, gabing hindi talaga ako makatulog. Sa loob ng kwarto ay nag-iisa ako.
Bigla akong babangon. Pipikit muli. Maaalimpungatan. Magigising. Umiikot ang mata ko sa buong silid. Nag-iinit ang katawan. Natatawa ako.
Nagngangatngat ng kuko kasama ang malalambot na balat, pareho ko silang inihihiwalay mula sa aking mga daliri. Ang init ng hangin. Nakakahilo.
May maliliit na tunog mula sa maliliit na siwang. Nakakainis.
Hindi ko kailangang magpakilala.
Para saan? Para mahusgahan ng mga dila nyong matatalas? Para maliitin at ipamukhang wala akong silbi sa lipunan? Mahalaga pa bang malaman n’yo kung sino ako?
Marami akong tanong mula ng natutunan kong ikubli ang sarili mula sa liwanag. Mula ng inialis ng karamihan ang lamping humahaplos sa akin sa twina.
Nakaupo na lang ako ngayon. Walang payapa ang sahig na pinaghihimlayan ko.
Malamig, magulo, nakakatulirong gabi. Patulugin n’yo ako. Nababalot na ng maiitim na linya ang mukha ko, naunahan pa ng kailaliman ng saluhan ng mga mata ko ang paglubog ng araw patungong kanluran.
Habang ako, walang patutunguhan.
Humingang malalim, dinadama ko ang katiwasayan habang pinatataas nito ang aking mga balahibo. Lumapit sa kabilang dingding at kinatok ito. Dahan-dahang pinatunog ang kahoy na malapit nang sakupin ng mga anay.
May nagsasalita. Oo, nag-iingay sila.
Maliliit na boses. Nasa kanila ang mga ungol.
Pinagtatawanan nila ako. Lagi na lang akong katawa-tawa.
Lumayo ako sa dingding at kumaripas pabalik sa higaan. Sa nakakapangatog na matigas na sahig. Malamig na pawis. Biglaang hinagpis.
Punyeta pakiusap! Patulugin nyo ako!
![](https://img.wattpad.com/cover/14802404-288-k297245.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Saykopat
Horror“Wala akong problema, yung taong nasa loob ko. Siya! Siya ang may sakit!” Babasahin mo ‘to dahil sadista ka sa sarili mo. Babasahin mo ito dahil gusto mong madepress at ma-stress. Babasahin mo ng buong puso. Kung mapagtantong hindi kanais-nais, ay...