Umagang nakabalik ang lahat sa dapat, ang kama'y may kaunting pagkagusot at nakabalot na muli sa akin ang kumot. Masakit ang mata, mahapdi ang pagitan ng mga hita at nanatili sa tela ang tinta.
Totoo ang kahapon o ang lahat ay nasa isip nanaman? Isang ilusyon, o nalunod ako sa hagupit ng temptasyon? Hindi ko mawari ngunit wala na ang kaluluwang yumurak sa katauhan ng isang paslit, datapwat madaling nagligpit ay hindi ito mabubura sa pilit.
Nakawawalang balanse ang hampas ng kahapon, at nang inihakbang ko ang isang tungkura'y bumibigay ang aking kabuuan. Tangina, paano mo ba ako pinasaya? Nalilimutan ko sa bawat hakbang ang ligaya, nalilimutan ko't bumabalik lamang ang mga hablutan ng tela. Kung paano mo isinubsob ang kainosentehan ng sanggol hanggang sa nangiyak ito nang tuluyan ng nahulog at nabasag ang kanyang botelya. Tangina, paano mo ba ako sinira?
At pagsapit ko sa baba'y andiyan kana, nakabihis ng natural. Umaasal ng natural. Sadya ngang hinayaan ko ang sarili kong pumasok sa sirko't makipaglaro sa katulad mong payaso. Nakakapaso.
Nangangatog kong tinatahak ang hapag, tila ba napakalayong paglalakbay upang makasabay. At ngingitian mo ako. Ngiting natural. Ngiting madalas mong ipinamimigay sa kung kanino man. Ngiting hindi natatangi para sa nilalang na nasa iyong harapan.
"Oh, luto ito ng kuya Eliser mo, tumama raw s'ya sa lotto kagabi kaya ayan pagkagising namin ay nagluluto na." pagpapataas kilay ni inay. Tunay ngang isang sugarol ka't ang tinamaan mo'y walang kadaplis-daplis na kagamitan. Bagong-bago, sariwa, walang lamat, mapapakinabang.
"Asan po ba si Asul?" hanap ng mga mata't labi mo. Iniikot mo sa paligid ang 'yong masid at pilit na iniiiwas ang pagbagsak ng mga ito sa akin. Tinutukso tayo ng usok, at inialok ko sa'yo ang isang paglapit.
"Mukhang masarap nga kuya, patikim naman" at ang dati mong matipunong mga tindig ay napalitan ng pagkalumo nang madama mo ang pagdampi ng mga hangin sa 'yong tenga. Inilapit ko, napakalapit na halos hukayin natin pabalik ang kahapon. Kung gaano ka kabangis, kung paano mo ibinaon ang mga pangil mo sa malalambot kong balat, kung paano mo ako sinugatan... kung paano ko isinagawa ang 'di sumigaw.
Inilayo mo ang sarili't tumungo na sa mesa at gaya ng dati, magsasalo-salo nanaman tayo. Ngunit 'di tulad ng mga pang-aakit mo't panunukso ng 'yong mga mata, kitang-kita ko ang kabang pilit mong ikinukubli. Saan nga ba tayo magtatama?
Bumaba na s'yang hinihinting mo, may malaking ngiti sa mga labi't kumikinang ang mga mata. Nakabihis ng madalas mong pagkatuyo, nakabihis ng mga puting telang kawangis ng mga pinaglaruan mo. Mabigat, mabigat ang mga pagbagsak ng dibdib at hininga habang nilalaro ka ng mga paa ko sa ilalim. Nakakapula ng mga pisngi kung iisipin, nang binigyan mo ako ng isang nagmamakaawang tingin.
"Aba, ano nanaman 'to Eliser? Minsan iisipin kong may mga ginagawa kang kakaiba kaya ka nagpapabango ng ganito" ani ate ng may galak. Biglaan, tumaas ang 'yong mga balahibo't tumakbo mula uluhan ang malalamig na tubig at pumatak.
"Ha? Ano ba namang pinagsasasabi mo d'yan, mahal ko. Marapat lamang na pagsilbihan kayong mga prinsesa, at ikaw na magiging reyna ng ating bubuuing pamilya" panlapat mo sa mga malapit ng mabigyang realidad na mga kataga n'ya. Tumayo kana't inihain ang mainit na usok sa mga mapupusok, at sino nga ba ako upang pumiyok.
Patuloy ang pagsubo, patuloy ang paglunok. Sa patagal na patagal nating pagsusulyapa'y kusang gumapang ang aking mga kailaliman patungo sa 'yong nanlalamig na mga balat.
At agaran kang tumayo, pakitang-taong kumuha ng baso't inilatag sa mesa. Pakitang-taong walang dinuduga. Sino nga naman bang magpipinta ng mga pagkakasala kung hindi ikaw rin lamang na mapanlamang.
"Oo nga pala kuya, nasa loob po ng aking silid ang 'yong pantaas na damit kagabi. Hindi mo naisama nang napadaan ka doo't biglaan lang din umalis. Pasensya kana't pagod na pagod ako kaya hindi ko na naihabol sa'yo" nangangatog kong pahayag sa iyo at nagkaroon ng maraming katanungan ang himpapawid.
"Bakit nasa kwarto n'ya ang damit mo, Eliser?" pangingilatis ng aking munting kadugo. Naiwan sa kaulapan ang galak at hinila pababa ng payak na panghahamak. Nagbago ang tabas, nagbago ang mga mata't tumalas.
Humihingi ng tulong ang 'yong mga titig, at 'di na ako nanaisin pang magpalawig. Pipilitin kong iiwas ang nakangisi kong kalooban sa mga kaganapan at tuluyan na akong pumanik sa aking malinis na paligid.
"Anong ginawa mo sa kapatid ko, Eliser?!" malalalim ang hininga, dumadagundong ang isa sa mga hiyaw na tumama sa aking dingding nang dumayo sa 'di kalayuan ang init ng mga basag na tinig. Kasabay ng marami pang pagkabasag na naganap at pagkabuo ng bagong daigdig. Nakanginginig.
Maling-mali ang laro. Maling-mali ang kalaro.
-
A/N: Muling nangangapa. Pasensya na, ang sarap langhapin ng hangin sa labas ng bahay. Magandang gabi.-Plums
![](https://img.wattpad.com/cover/14802404-288-k297245.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Saykopat
Terror“Wala akong problema, yung taong nasa loob ko. Siya! Siya ang may sakit!” Babasahin mo ‘to dahil sadista ka sa sarili mo. Babasahin mo ito dahil gusto mong madepress at ma-stress. Babasahin mo ng buong puso. Kung mapagtantong hindi kanais-nais, ay...