KABANATA 10: Pagsasapilit

203 6 4
                                    

Nais kong makaramdam ng payapa, at takasan ang pait ng daigdaig. Magtago, tumakbo sa likod ng pinto o simpleng maglaho. Tapusin ang kwento, at ang mga pagsasatitik na ito.

Umaga noon nang masilayan ko na may sinisibak si ama sa bakuran. Datapwat walang mga kahoy ay nagngitngit ang lagatok ng mga nasasaktang katigasan. Malakas ang hampasan, may galit ang bawat pagdampi ng itak sa nabibiyak. At tama, may paghingal sa bawat pagwasak.

Tila ba isang pagpipinta sa lugar ang naturang mga pagtalsik. At s’yang naghahasik ay wala man lamang kaimik-imik. Tahimik s’yang gumagawa ng ingay at ang lahat ng makatunghay ay kabilib-bilib na nawawalan ng lumbay. Umaapaw ang kantyawan upang ang isang instrumento ay maging manhid, nawawalan ng moral sapagkat ang kasiyaha’y bumabahid.

At ang isang paslit ay pilit na naglulumpasay, pilit na may ipinipilit. Ngunit kulang ang pagbabayad ng kalinga sapagkat wala s’yang kakampi. Tuluyan s’yang nagapi. Walang tigil ang pag-agos ng hapdi habang patuloy na hinihila ang paahan ng manlulupi.

“Tama na Pre, warak na oh! Tadtad na tadtad na si Miranda” mungkahi ng una mong tagasalin motibasyon. Nasagi ng labis na pagkasuka at pinapitigil kana nila sa pansamantala mong pasyon. Lunud na lunod kayo sa bisyo at balewalang iniwang durog ang naging sakripisyo. Upang maipantawid-ngitngit ay humagip ka ng isang inosenteng yagit.

“Tama lang sa kanya ‘yan, wala rin namang silbi edi patayin na lang!” sambit mo ng walang pag-aalinlangan habang may labis na nasasaktan. Pinulot mo ang kapiranggot na laman at itinapon sa ‘di-kalayuan, agad itong tinakbo ng mga takam.

“Kita n’yo na? Wala rin namang masiyadong nasasaktan sa pagkawala n’ya. Agad lang din s’yang mawawala sa isipan ng karamihanhabang patuloy s’yang nginangata ng mga hayop na ‘yan!” At hindi alam ng paslit ang kanyang isasakilos sapagkat sa sampung taong nakadungaw lamang ay nag-iisa s’yang may isinisigaw. Oo, meron talaga s’yang ipinipilit at lubusan n’ya itong ipinipilit.

Dinadabog n’ya ang sahig ng marubdob, habang walang humpay sa pagnguya ang mga hayop. Sa bawat dagundong ay ang pag-asa ng pagtigil, ang pag-aakala na may pipigil, at ang ugat ng sukdulang pagkagigil. Lalong pumutok ang mga baril at pinaspasang linisin ang tintang nagkalat. Wala na ang lahat, malinis na at payak.

At patuloy akong nagmasid sa kapanglawan, tiniis ang mga nasilayan. Alam kong mali, alam kong hindi sasang-ayon ang madla sapagkat nauukol sa prinsipyo ng sansinukob na sadyang makabuluhan ang buhay sa anumang bagay. Wala namang kumaila ngunit kusang tumupad sa damdamin ang mga palad ng isang ginoo, at nakipagtuos ma’y biglaan ding naparam. Tinangka n’yang gapiin ang damdaming nasakop ng pagkataranta’t kabalisahan.

Mainam na rason, ipagtatanggol n’ya ang kanyang anak. Mainam na rason, anuman ang dumanak ay sasabak. Mainam na rason ay ayaw ka n’yang nasusugatan o maski nadadaplisan. Mainam na rason ay ang labis n’yang pagliliyag. At kung pupunan ang isang mundo ng rason ay kakayanin n’yang sagutin sapagkat ang katotohanang rason, ay ama s’ya.

“Bakit mo ba kasi pinatay, pre? Pampulutan ba talaga natin o malapit na talagang mamatay si Miranda?” paglalantad ng isang kahilingang nais mabigyan kalinawan. Iniangat mo ang isang baso bilang pag-anyaya ng maligayang pagsasalo, at walang pagkakaiba ay sabay-sabay n’yong pinaalon ang espiritu hanggang kalamnan.

“Kinagat n’ya kasi si Asul, natatakot akong kapag nakatikim na ng dugo ay makaulit pa ng disgrasya. Kaya ayan, habang maaga pa lang ay pinutol ko na ang posibilidad ng muling pagsasagawa.”

Ganap na makatwiran o isang palaisipan. Ang isang pangil na bumaon na ay mahirap nang makalimot sapagkat sa paglasap ay ang pag-usbong lalo ng panibagong pagkauhaw. Subalit kung hindi man masusuotin waring mga katulusin ay ang tunay ngang katabangan at paghahanap-ilaw.  Tumungo man sa katinua’y pilit na hahabulin ng hindi makasarinlang kaluluwa, at sa patuloy na pagwawaksi ay ang kabaliktaran sapagkat mas lalo ito natutuwa. Nawawala ang muwang, tinatanggal ang hadlang.

“Tama na! masakit!” dinig na dinig mula sa kalayuan habang patuloy ako sa aking pagtawid sa nakaraan.  Ang umuungol ay palapit ng palapit. Naririnig ko ang sakit ngunit ang mga tusok ay umiiwas lamang sa aking pag-iinit.

Sino s’yang nasasaktan at dumadaing? Sino s’yang nasakluban nanaman ng isang programang makatwiran o palaisipan?

 O ang taong walang tigil sa pag-aaklas mula sa kailaliman ko ang lumilikha ng mga hugong na nakayayamot. Sa aki’y bumabalot ang pagtatakha na ang mga kaliitang talsik ay dumadampi sa aking katawan at nang aking iangat ay ang mahabang pagsakop ng hanging maramot.

Subalit ayon sa prinsipyo ng madugong pangil ay hindi marapat ang suwail kung kaya’t hindi man ninais ay mas bumigat ang aking mga palad. Sa paulit-ulit na pagbagsak nito ay ang paliit ng paliit na pagpapakawala ng ingay ng nilalang na nawalan ng karapatang maglahad.

Muling gumaan ang aking kinauupuan at tinabihan ang mamaya’y nasa estado na ng kalamigan.

Ang SaykopatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon