Ika-anim na Bahagi: Wrong Turn, U-Turn Return

193 4 0
                                    

Ika -1 ng Enero, 2014 (8:20-11:50 pm) 


Dahil nagtitipid ako, napagdisisyunan kong maglakad na lang, tutal ay maganda naman 'yon sa katawan. Teka! Anong maglalakad? Bakit, saan ba ko pupunta? Hay nababaliw na naman ako, gabi na kasi kaya sinusumpong na naman si brain cells at sinisipag magsulat.  Itong bahagi na ito matagal ko nang naisulat, isa ito sa paborito ko, sa 'di ko maipaliwanag na dahilan. Basta isa 'to sa paborito ko, 'yon nga lang tuwing binabasa ko 'to, sa huli ay nakararamdam ako ng pagod. Buwan ng Setyembre taong 2012 nang humulagpos ang ideya na ito mula sa kaibuturan ng aking damdamin, alam mo 'yong pakiramdam na antok na antok ka na, pero hindi ka makatulog, kung anu-anong ideya ang naglalaro sa isipan ko. At dahil sa hindi ko na alam ang gagawin ko, pagkat halos limang oras na akong gumagawa ng tulog, naisipan kong kuhanin ang cellphone ko at nagsimulang mag-type. Wala kasi akong makitang papel at ballpen ng mga oras na 'yon, isa pa tulog na tulog na ang mga tao sa paligid ko, kaya 'di na ko nag-abala pang magbuhay ng ilaw. 'Yong pakiramdam na dire-diretso ko itong naisulat, siguro dahil nang mga panahong iyon, 'yon iyong nararamdaman ko. Hanggang makatulugan ko ito at muling dinugtungan kinabukasan, sa pagkakataong iyon ay sa papel ko na ito isinulat.


Tama sa papel ko nga ito isinulat, mas komportable pa rin kasi akong magsulat sa papel, dahil simula pagkabata ito na ang kakampi at kaibigan ko, ang nagsilbing hingahan ko ng sama ng loob, ang ka-kwentuhan ko tuwing nalulungkot o masaya ako. At dahil na rin sa katotohanang wala pa kong laptop ng mga panahong ito. Bago tayo maligaw, at tumahak sa ibang kalsada atin nang tunghayan ang totoong nilalaman ng bahaging ito.



WRONG TURN, U-TURN, RETURN


Tumakbo ako palayo, hanggang sa ako'y mapagod. Huminto ako sandali at pansamantalang nagpahinga, at muli pa'y tumakbo ako hanggang marating ko ang hangganan. Nagulat ako sa aking natuklasan, heto na naman ako sa lugar kung saan ako nagsimulang tumakbo palayo. Ang lugar na aking tinatakasan, ang huling lugar na naisip kong balikan. Muli pa ay tumakbo ako palayo at tumakas, tinahak ang bagong landas kaiba noong sa una, hanggang marating ko ang hangganan nito. Ngunit bigo ako, pagkat muli ko na namang natagpuan ang sarili ko, sa lugar kung saan pilit akong lumalayo, ang lugar na gusto kong takasan at ayoko nang muling balikan.            


Sa ikatlong pagkakataon muli akong tumakbo at nagpakalayu-layo. Tinahak ang bagong landas kaiba ng sa dalawang nauna. Pagod na pagod na ako. Sandali akong huminto upang magpahinga at makaipon nang sapat na lakas para sa muli kong pagtakbo palayo. Nakakatawa, takbo lang ako nang takbo ng walang tiyak na patutunguhan, ni walang tiyak na pupuntahan. Sa kabila ng pagod na aking nadarama, nagpatuloy pa rin ako sa pagtakbo dahil sa hangarin kong lumayo at tumakas mula sa lugar na aking pinagmulan.


Gusto kong tumakas, ngunit hindi ko alam kung bakit? Gusto kong lumayo, ngunit 'di ko alam kung saan ako tutungo? Basta isa lang ang alam ko, gusto kong lumayo mula sa lugar na iyon. Muli akong huminto at nagpahinga sandali, at nang makaipon nang sapat na lakas, muli ay nagpatuloy ako sa pagtahak sa landas na hindi ko alam kung saan patungo. Basta ang mahalaga ay makalayo ako! Sakabila ng pagod na aking nadarama ay nagpatuloy ako sa pagtakbo. Natatanaw ko na ang hangganan. Malapit na, konting tiis na lang at abot kamay ko na. Labis na galak na aking nadarama, puno ng pag-asam itong aking puso, na sana ay ito na nga ang lugar na aking hinahanap. Teka, ano nga ba ang hinahanap ko? Basta ang alam ko lang, gusto kong lumayo at tumakas mula sa lugar na iyon.


Sa wakas ay narating ko na rin ang hangganan, teka, bakit ganoon? Ayoko dito! Oo, hindi nga ito katulad ng lugar na pinagmulan ko—ang lugar na pilit kong tinatakasan. Pero hindi naman ito ang hinahanap ko. Hindi na ako nagtagal pa nang pananatili sa lugar na iyon. At nagsimula na nga akong maglakbay palayo mula sa lugar na iyon.

Aklat ng BaliwTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon