Ikawalong Bahagi: Damdamin sa Likod ng Bawat Titik

190 5 0
                                    

Ika-21 ng Mayo, 2014 (7:10 — 8:05 am.)


Heto na naman ako, may natuklasan na naman kasi akong bago. Sa sobrang dami nang naisulat ko noon, 'di ko maalala kung saan ko pinaglalalagay, 'yong iba nga hindi ko alam na naisulat ko  pala. Buti na lang may pagkapaki-alamera ang kapatid ko, kung hindi may mapapalagpas na naman akong isa. Itong bahagi na ito ay naisulat ko two years ago, actually wala talaga sa loob ko ang bagay na 'to, pero noong isang araw, narinig kong nagbabasa ang kapatid ko at noong tanungin ko siya kung ano ang binabasa niya, nagulat ako sa aking nakita. Isa pala sa mga ginawa ko noon, na kahit ako hindi ko na maalala.


Tungkol saan ba ang laman nito?


Kung tungkol saan man ito, ito lang ang masasabi ko: masyado itong makapangyarihan. Maaari itong bumuo o sumira, maaari ring magbukas o magsara ng isipan o ng isang bagay.


Hindi ko na patatagalin pa, alam kong excited na rin kayong malaman kung ano ba ang laman nitong bahagi na ito.



DAMDAMIN SA LIKOD NG BAWAT TITIK



Ang tao kung minsan, takot magsalita at maghayag ng saloobin. Hindi dahil sa takot silang mapahiya, kundi dahil takot silang may masabing hindi maganda. Pagkat takot silang makapanakit ng damdamin ng iba.


May mga tao rin naman, na kung minsan ay walang preno. Go lang nang Go parang GLOBE. Walang pake sa sasabihin ng iba, maging sa mararamdaman ng kapwa. Basta ang mahalaga, nasabi nila ang gusto nila at naipahayag nila ang kanilang saloobin.


Tayong mga tao, may kani-kaniyang paraan kung paano natin maipapahayag ang ating mga saloobin. Maaaring sa kilos, pero kadalasan sa paraang pasalita o pabigkas. Pero may mga tao, na sa kabila nang pagnanais na maipahayag ang kanilang mga saloobin ay mas piniling kimkimin ito, pagkat hindi nila alam kung sa paanong paraan nila ito mailalahad o maipaparating. Minsan, may mga taong kaysa magsalita at magpaliwanag, mas ninais na lamang na manahimik o dili kaya ay isulat ang mga bagay na nais nilang ihayag: ang damdaming binigyang buhay ng bawat titik na kanilang isinusulat. Mga titik na nag-uumapaw sa damdamin, titik na nagnanais kumawala sa bibig, ngunit hindi mabigkas, hanggang sa maging isang obra sa anyong pasulat. Mga titik na lubhang makapangyarihan kapag pinagsama-sama: titik na kumakatawan sa damdaming umiiral. Mga titik na bumubuo sa damdaming hindi maipahayag, ngunit nais kumawala: titik na naglalabas ng mga ideyang naglalaro sa isipan.


Ang tao sa ngayo'y sadyang madada, ngata nang ngata ngunit kulang sa gawa.


Ang tao kung minsan sa kawalan ng masasabi, nakapagbibitaw ng masama, na kung susumahin ay hindi maganda ang labas.


May mga tao rin namang, mas gustong manahimik. Isulat ang mga bagay na nasa kanilang saloobin, dahil nang minsang balaking isatinig, tila naman tuksong dila'y naumid.


Ang taong sobra sa tiwala, lahat ay nasasabi. Ngunit ang taong may takot, mas gusto pang maghabi: isulat ang mga bagay na 'di kayang sabihin, ngunit may talinghagang nais na iparating.


Ang titik mo at titik ko ay may pagkaka-iba ang anyo, pagkat ang sa iyo ay pabitaw mong sinuyo, ang sa akin nama'y dumaan pa sa proseso, hanggang mabuo at mahabi nang tama sa huwisyo.


'Di ako makata, ngunit may kilos na parang bata, isip na pang matanda, may ugaling 'di mawari, pusong labis kung umibig, ngunit itong dila'y nauumid sa oras na tinig ay sumilip. Isip ko ay magulo, bigkas ko'y bulol-bulol, ngunit kung isusulat ko 'di mo maarok at makuro.


Sinubok kong magsalita, ngunit mali ang nabigkas: kapag daka'y napagtantong mali itong mga nabitawan. Ngunit nang ito ay aking isulat, tila mundo ay nawindang, saan ko raw napulot, iyong aking mga tinuran.


Ang papel at pluma ko ay tila pinagtagpo ng tadhana, habang itong isipan ko galit yata kay dila. Damdamin ay 'di mapahayag kung pabigkas ang pagturan, ngunit tila naman nangangampanya sa anyo nitong pasulat.


Lahat napapaisip, ang iba'y napapatunganga, saan ba nagmula mga titik kong binibitawan: titik na pag pinagsama-sama mundo'y nagkaka-isa, ngunit kung bibitawang pabigkas, baka World War III ang kauwian.


Ting inam magpahayag, gamit ang papel at pluma, kumpara sa bibig na kung minsan ay humahabi, na kung minsan sa dala ng damdamin ay nadudulas, tila ba isdang nahuli sa bibig.


Ngunit ang laging tanong ano ba ang mas mainam: ang pasulat o pabigkas? Ang tinig ba o ang titik?


Bawat isa sa atin, may kani-kaniyang paraan ng pagpapahayag ng mga saloobin. Ngunit laging tatandaan: pasulat man ito o pabigkas, laging iisipin ang maaari nitong idulot. Ang titik o ang tinig ay lubhang makapangyarihan, ito'y maaaring bumuo o maaaring sumira. Maari ring magbukas o dili kaya ay magsara ng pintuan, basta lagi mong tatandaan: THINK BEFORE YOU SPEAK, THINK BEFORE YOU WRITE.


Dito na nagtatapos ang bahaging ito, sana naman ay nagustuhan n'yo kahit medyo magulo.


Sabi nila, teka parang ako lang pala. Hindi pala sila kasali, pero malay natin, ikaw at maging sila ay ganito rin ang pananaw, "kapag magsasalita ka, gamitan mo ng isip at h'wag padadala sa damdamin, kung magsusulat ka naman gamitan mo ng puso h'wag purong kathang isip."


"I want to thank God for everything he had given on me, thanks for not giving up on me. Amen"

Aklat ng BaliwTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon