Episode 3

317 1 0
                                    

Ang malamig at tila makating pakiramdam sa kanyang likod ang gumising kay Julian. Pagmulat ng kanyang mata dun niya napagtanto na nahulog na pala siya sa sofa at kasalukuyang idinuduyan ng mapagmahal na sahig. Agad siyang bumangon, lumingon-lingon sa paligid gamit ang kanyang mga matang ayaw pang dumilat. Naalala niya bigla ang bisitang nakitulog. Marahan siyang lumapit sa kwarto at kumatok. Walang sumagot. Inulit niya pa ito ng ilang beses pero ganun parin ang resulta.

Pucha, binangungot ata si Anne. Paano ‘to? Wala pa man ding kamag-anak niya ang nakaka-alam na dito siya nagpalipas ng gabi. Naku, life sentence ang aabutin ko nito pag nagkataon. Wala naman sigurong husgado ang maniniwalang kusang loob na sumama sa akin ang magandang babae na ito, nang walang kasamang pwersa at pamimilit. Inosente po ako. INOSENTE!!!

Dahan dahan niyang binuksan ang pinto habang nakapikit ang mata, upang maiwasang makita ang hindi dapat malatayan ng paningin. Maka-ilang beses niyang sinambit ang pangalan ng dalaga pero tulad ng sa text messaging, no reply. Idinilat niya ang kanang mata, para kung sakaling may maaninag na bawal, e kalahating kasalanan lang. Kaso isang bakanteng kama ang tumambad. Wala na rin ang damit na suot niya nang dumating sa bahay kahapon.

Maya-maya pa, nabaling ang kanyang atensyon sa labas ng kwarto ng marinig ang pagbukas ng pinto kasabay ng dalawang tinig ng babae. Laking gulat niya nang maabutan ang kanyang nanay at  si Anne na magkasamang dumating at abalang inihahain ang dalang almusal sa lamesa.

Julian: Oh, Ma! Akala ko ba sa Martes pa ang uwi mo.

Ermats: Akala ko nga din. Kaso nabalitaan kong may sakit ka.

Julian: Paano?

Ermats: Ibinulong sa akin ng hangin at ikinuwento ng huni ng mga ibon.

Anne: (Tumawa) Mahimbing na ang tulog mo kagabi, hindi mo na ata namalayan yung paulit-ulit na pagtunog ng cellphone mo. Nung tignan ko, nakasulat, Mama, kaya sinagot ko na.

Ermats: Kaya yun, nagmadali akong bumyahe pabalik dito. Alam mo namang hindi kita matitiis, anak.

Julian: Ok na po ako, Ma.

Ermats: So anong gusto mong palabasin, bumalik ulit ako sa Pangasinan dahil magaling kana? Now na?

Julian: Hindi po.

Anne: (Nakangiti kay Julian) Kumain ka muna.

Sabay na kumain ang tatlo ng almusal. Tahimik na nag-kape si Julian, habang ginawa namang palaman sa pandesal ng kanyang nanay at ni Anne ang mga nakakatawang istorya mula sa pagkabata ng binata. Mula sa hindi malilimutang eksena sa circumcision clinic hanggang sa unang sabak sa upuan ng dentista, namumulang nakinig si Julian ng walang kalaban-laban sa bawat eksena ng nakaraan na buong ka-kwelahang isinasabuhay ng kanyang nanay.

Napatingin siya kay Anne. Panay ang tawa nito. At halata namang bukal sa loob ang inilalabas nitong halakhak at hindi tipong “tawa ng pag-galang”. Tumitig lang siya sa dalaga, kasabay ng pag-higop ng kape. Hindi na niya alintana ang mga kwento ng kanyang nanay.

KEEP TICKET FOR INFECTIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon