Napuno ng ekis ang mga numero, ilang resibo mula sa pagche-check ng balance sa ATM ang binasa at itinapon, naka-ilang punit na din ng pahina mula sa libreng kalendaryo at nagbago na din ang ihip ng hangin, literal man o laro ng mga salita. Ganun na lang kung lumipas ang mga araw. Lalo na kung abala ka sa trabaho. O maging sa ka-trabaho. Nagpatuloy ang mga eksenang tila dinampot sa isang nilamukos na pahina ng librong love story ang timpla.
Sabay kumain. Sabay umuwi. Gala kapag weekends o sahod. Naging routine na ng dalawa ang mga ito. Pero gaya ng isang classroom na puno ng mga tagalista ng noisy at not in proper seat, hindi sila naka-lampas mula sa mga personal na tanong at pang-aasar na may bahid ng kilig. Kaso, lahat naman ay pwedeng ilagan ng matanda-pa-sa-lolo-ni-Christoper-Colombus na sagot na "Friends lang kami".
Kahit si Julius, ang mala-alamat na stalker ni Anne, ay napilitan na ding yumuko at sumuko sa akala nila'y isang ginintuang love team, kung saan maganda ang babae, habang sablay at medyo kamote ang lalake. Naging mailap nga lang ito sa mga ka-opisina at madalas makitang mag-isa sa banyo at tila nagkakabisado ng isang dasal sa wikang Latin habang iwinawagayway ang isang may-sinding lighter. Pero bumalik din siya sa normal nang i-reto ni Julian sa kaklase niyang babae noong high school na madalas saniban ng masamang espirito tuwing periodical test.
Dumating ang araw ng kanilang office christmas party, at habang nagbibihis, tumunog ang kanyang cellphone. Si Anne.
Anne: Kulay red ang isuot mo.
Julian: Bakit?
Anne: Para parehas tayo.
Julian: Christmas party. So malamang marami ding mag-pula. Pati si Julius.
Anne: Oo nga no. Hmm. Orange nalang.
Julian: Wala akong damit na orange. At hindi yun by choice. Nagmumukha lang talaga akong takas sa bilibid sa kulay na yan.
Anne: Yellow?
Julian: Baka mapagkamalan tayong supporter ng isang politiko.
Anne: Black nalang kaya?
Julian: Bakit kasi kailangan parehas tayo?
Anne: Arte mo! E di wag!
Julian: Sungit mo naman!
Anne: Talaga (sabay bagsak ng telepono)
Hindi nakatiis, paglipas lang ng ilang segundo, dial agad sa numero ni Anne ang kamoteng binata.
Anne: Ano?
Julian: (Maamo) Nakabihis na ako.
Anne: Ano naman?
Julian: Black na polo.
Anne: Siguraduhin mo lang ah. Kung hindi, yung paligid ng mata mo ang magiging black.
Julian: Yes ma'am.
Anne: (Malumanay) Ok. See you.
Julian: Ok. Bye.
Hindi ko alam kung anong tawag sa relasyon namin ni Anne. Ayoko namang magsaliksik sa library o magtanung-tanong sa mga kapitbahay kong nagkaroon ng maraming jowawers, para lang makakuha ng label at ipaskil sa kung ano man itong namamagitan sa amin. Ito lang ang sigurado, hindi "kami". Wala naman kasing nagtanong, kaya wala din sigurong nag-abalang sumagot. At ayon sa track record ko, isang malaking kamote move ang maghanap ng sagot sa tanong na "Ano ba tayo?". Nung huling beses ko kasing ginawa yun, kumidlat, lumindol, pinagsasampal ako ng ilang metrong tsunami sa mukha sabay tinadyakan ng kumukulong lava papunta sa bartolina ng usapang puso. Masaya naman ako, at sa tingin ko, masaya din siya. Bakit mo aayusin ang isang bagay na hindi naman sira? At isa pa, hindi ko rin naman sigurado kung nakalaktaw na ako sa anino ng kahapon o sadyang abala lang kaya hindi ako makalingon.
BINABASA MO ANG
KEEP TICKET FOR INFECTION
RomanceThis is not my work :) It's my idol, Jayson Benedicto who wrote this story :) Sana po mag-enjoy kayo sa kwento ni Julian Rebuelos :) Kasunod na 'to ng Full String To Stop :))))