Hangos, punas ng pawis, mabilis na lakad. Paulit-ulit hanggang makarating sa elevator. Tumapat siya sa pinto nito at maka-ilang beses na pinindot ang "up" button. Sumilip sa relo. Nagpunas na naman ng pawis at muling bumanat ng 34 hits combo na pindot. Kung nagsasalita lang siguro ang nasabing button, malamang sumigaw na ito ng "bwaka nang ina naman pre, isang pindot lang, sapat na yun eh, palit kaya tayo, tapos ako ang sunod-sunod na dadagok sa noo mo hanggang sa bumukas yang bungo mo at nang masakyan ko paakyat sa 12th floor?".
Ito nga ang kalbaryo ng pagiging late. Lahat ng bagay ay tila pumipigil sa'yo upang makarating sa destinasyon sa tamang oras o kahit papaano ay nasa "disenteng lebel" ng pagiging huli. Pakiramdam mo, nag-conspire ang buong sangkatauhan para sadyang ma-tag kang late sa attendance sheet.
Malas, hindi tumunog ang alarm clock. Malas, mahina ang patak ng tubig sa banyo. Malas, naubusan pa ng toothpaste at kailangan tumakbo sa tindahan. Malas, nag-antay pang mapuno ang nasakyan kong jeep bago lumakad. Malas to the 2nd power, nung napuno na ang jeep at tila handa nang humarurot paalis, bigla naman itong dumerecho gasolinahan. Malas, sa sobrang siksikan sa bus, hindi ako agad nakapunta sa pinto upang bumaba. Malas with chili-mansi flavor, pagdating ko dun sa pinto, umabante na ang bus. Malas times friday the 13th, paghinto nung bus at akmang bababa na ako, pinigilan ako ng konduktor dahil "no loading" daw dun. Hindi ko alam kung anong meron sa araw na ito. Ito ba ang panahon kung saan nagtitipon-tipon ang mga itim na pusa upang maghasik ng kamalasan? Anibersaryo ba ng grupong "Asosasyon ng mga tikbalang na nagsusulong ng di kanais-nais na pangyayari" o mas kilala bilang ATIKDIPANG? May naapakan ba akong dwende kagabi ng hindi sadya kaya pilit niyang sinisira ang araw ko? Ang sarap pitasin lahat ng uri ng pagmumura sa mundo sabay ihulog sa blender kasama ng ilang pirasong ice cube at condensed milk. Tapos lagok at dura na parang si Triple H.
Paghinto ng elevator, halos sapilitan niya nang buksan ang mga bakal na harang nito, na para bang mga nag-uumpugang bundok ay siya naman si Bernardo Carpio. Ngunit paglapit sa monitor ng biometrics, isang buntong hininga na lang ang kanyang naibuga.
4 minutes late. Ayos. Nasira ang plantsado kong attendance record ng lecheng apat na minuto ng pagiging huli. Mas matagal pa dun ang pagluluto ng instant noodles. Malas talaga.
Pagpasok sa pinto ng opisina, agad niyang nakasalubong si Anne.
Anne: Bakit ngayon ka lang?
Julian: Mahabang kwento.
Anne: Kanina pa kita tinetext at tinatawagan.
Julian: Pasensya na. Hindi ko na siguro napansin dahil sa pagmamadali ko.
Anne: (Ngumiti) Ok.
Julian: Sige. Maya nalang lunch.
Anne: Teka, alam mo ba kung anong araw ngayon?
Julian: Ha?
Anne: Nakalimutan mo?
Julian: Ang alin?
Anne: Kung anong araw ngayon.
Julian: Kung may dapat mang ibansag sa araw na ito, sakto ang "Araw Ng Kamalasan".
Anne: (Sumama ang mukha) Ah ganun? Kumain ka mag-isa mo.
Mabilis na lumakad palayo ang dalaga bago pa man maihabol ni Julian ang mga linyang pambawi. Naiwan siyang gulat at parang timang na nag-tataka sa reaksyon ni Anne. Pagdating sa kanyang lamesa, may kung anong bagay ang nakapatong dito na nakabalot sa kulay pulang papel. At sa tabi nito ay isang note, na siya namang binasa agad ng binata.
BINABASA MO ANG
KEEP TICKET FOR INFECTION
RomanceThis is not my work :) It's my idol, Jayson Benedicto who wrote this story :) Sana po mag-enjoy kayo sa kwento ni Julian Rebuelos :) Kasunod na 'to ng Full String To Stop :))))