"Hoy! Buloy! Tingnan mo't tatakbuhan mo na naman ako," may pagkainis kong sabi sa kanya.
Ilang linggo na niya akong iniiwasan. Hindi niya ako babatiin kapag magkikita kami, ang dami niyang dahilan kapag yayayain ko siyang kakain kahit libre ko.
Alam kong may problema lalo na't sa mga palusot niyang hindi ko maintindihan at hindi kapani-paniwala.
Laging nagpapaalam na may gagawin pang iba kahit alam kong wala naman. Hindi ko alam kung anong problema niya at hindi ako natutuwa sa pag-iwas niyang 'yon.
Napahinto siya nang tawagin ko siya pero nakayuko. P.E na'min ngayon at sabay ang isked na'min kaya ito na ang pagkakataon para tanungin siya kung anong problema. "Alam kong may problema, sabihin mo na."
"Wala, Kiko," nanatili parin siyang nakayuko.
"Buloy naman, ang tagal na na'ting magkaibigan ngayon ka pa mahihiyang sabihin 'yang problema mo? Tulungan tayo 'di ba?" sabi ko sa kanya.
Patuloy parin siyang nakayuko. Napatangis ako ng bagang dahil sa inis, nakakapikon.
"Wala nga, Kiko. 'Wag kang mag-alala ayos—"
"E, bakit mo ko iniiwasan?! Tang ina naman Buloy, e!" hindi ko maiwasang hindi sumigaw, naiinis ako e.
Ayoko sa lahat 'yung mga taong pagmumukhain akong tanga, ipaparamdam sa'kin na may nagawa akong masama.
Ayoko 'yung mga taong bigla-biglang lalayo, iiwas ng walang dahilan. At sa lahat pa ng taong naiisip ko, hindi ko aakalaing si Buloy pa.
"Hindi mo naman maiintindihan," malumanay parin ang boses niya.
"Paano ko maiintindihan kung hindi mo sasabihin?" sabi ko. "Ipaintindi mo sa'kin! Nakikinig naman ako ah?!"
Nakita ko siyang napangisi tapos napailing. Hindi ko alam kung maiinis ako o maaawa e.
Isang pekeng pagngisi, kita ko 'yung Buloy na nakita ko no'ng nag-inuman kami.
Kaya alam kong may problema, alam kong may nangyaring hindi maganda sa pagitan na'ming dalawa. Dahil kung bakit kasi sa tagal na na'ming nagtutulungan ngayon niya pa sasarilihin? Kaya alam kong meron siyang problema sa'kin.
"Hindi mo naman maiintindihan e," pag-uulit niya saka siya biglang tumalikod at nalunod sa kumpulan ng mga kaklase niya.
"Bahala ka sa buhay mo, gago!" sigaw ko. Nangibabaw 'yun sa loob ng himnasyo.
Alam kong maraming nakapansin dahil nanahimik bigla ang mga tao pero wala akong pakialam bahala siya sa buhay niya. Nakakapikon, nakakaasar.
Tutal ayaw niya naman sabihin kung anong problema niya. Magkanya-kanya na kami. 'Wag na 'wag na siyang lalapit sa'kin kahit kailan.
BINABASA MO ANG
Buloy | Watty's 2018 Award Winner - The Changemakers
NouvellesMatagal-tagal na rin pala nang bigla kang nawala. // • "This thing is a masterpiece." • squanderedlife s h o r t. s t o r y | parengtofu • (c) 2018 #1 in Literature | Watty's 2018 winner! | #TanggolWika