Bestida

41 8 1
                                    

"Mahal oh, paborito mong pagkain." masayang sambit ng aking asawa pagkapasok niya ng bahay at niyakap ako.

"Mukhang ginabi ka ngayon ah." bulong ko sa kaniyang tainga habang kami'y magkayakap.

Naramdaman ko naman ang dahan-dahan niyang pagkalas matapos marinig iyon.

"Marami kasi ang dapat gawin sa opisina ngayon kaya palaging overtime." sagot niya at dali-daling pumunta sa kusina upang ihanda ang dala niyang pagkain.

Nakangiti akong tinitigan siya at doon ko napansin ang malaking ipinagbago niya. Tatlong buwan na siyang ginagabi sa pag-uwi dahil sa sunod-sunod na trabahong kaniyang tinatanggap.

Tatlong taon na ang lumipas mula nang kami'y ikasal at ngayon ko lang siya ulit nakitang masaya at masigla, siguro ay dahil sa unti-unti niyang pagkamit ng kaniyang pangarap. Mabuting asawa sa akin si Ivan kahit hindi naman talaga dapat na ikasal kaming dalawa.

Naalala ko pa noong gabing sinabi ko sa kaniyang pamilya na nagbunga ang nangyari sa amin ay malaking kasiyahan ang idinulot nito sa kaniyang ama. Kaya kahit na dalawampung taong gulang pa lamang ay ipinakasal na agad kami sa isa't isa. Ngunit hindi ko nakita ang kasiyahang iyon sa kaniya, at dumagdag pa sa kaniyang kalungkutan ang biglaang pagkawala ng aming unang anak.

"Kumusta ang trabaho mo?" tanong ko sa kaniya matapos naming kumain.

"Ayos naman, alam mo naman na sobrang bait ng bago naming boss kaya nagiging madali at masaya ang mga gawain." magiliw niyang sagot habang nililigpit ang pinagkainan.

"Buti naman kung gano'n, sana makilala ko agad ang boss niyong iyan para mapasalamatan ko man lang." saad ko na siyang ikinagulat naman niya. Hindi na siya sumagot at dali-daling pumanhik sa aming silid.

Nang sumapit ang umaga'y hindi ko na naabutan si Ivan sa aking tabi, hinayaan ko nalang ito at nagbihis upang mag-ehersisyo sa labas. Matapos ang isang oras ay bumalik na ako sa bahay upang magpahinga pero nakita ko ang lunchbox ni Ivan na nasa mesa kung kaya'y napagdesisyunan kong ihatid na lamang ito sa kaniya.

Narating ko ang opisina ni Ivan at agad naman akong pinapasok ng guwardiya dahil kilala ako bilang asawa niya. Napag-alaman ko rin na may sarili nang opisina si Ivan dahil sa promotion niya bilang manager ng branch na ito. Masaya akong malaman na maganda na ang kalagayan niya sa kaniyang trabaho.

Nang marating ko ang labas ng kaniyang silid ay nakarinig ako ng nagsasagutan sa loob.

"Ivan, para mo nang awa." natigil ako sa pagpasok nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.

"Puwede ba Alex, itigil mo na ito." sagot ng asawa ko, nakita ko ang nagmamakaawa niyang mukha habang kausap niya ang taong ito na likuran lamang ang aking nakikita.

"Alam nating dalawa na hindi ko 'yan kayang gawin!" saad naman nito.

"Claire?" biglang napatingin sa akin ang taong iyon nang sambitin ni Ivan ang pangalan ko. Dahil sa gulat ay bigla kong naisara ang pintuan at nagmadaling umalis sa lugar na iyon.

Naguguluhan ang isipan ko habang nagmamaneho at pilit na iwinawaksi sa aking isipan ang kaniyang hitsura. Hindi kasi dapat mangyari ito, tatlong taon siyang nawala tapos ngayon ay babalik siya? Bakit hindi ito sinabi ni Ivan sa akin?

Sa hindi malamang dahilan ay tila lumabo ang lahat sa aking paningin at tanging naabutan ko lamang ay ang puting silid na kung saan ako'y nagising. Marami ang nakapalibot sa aking doktor at mga nars na tila ang aking paggising ay isang himala.

"Mahal, nandito ako, huwag kang mag-alala."

Nagdaan muna ang ilang buwan bago ako makauwi sa aming bahay. Hindi ito nagbago ng hitsura ngunit ang pakikitungo sa akin ni Ivan ay tila naging malamig tulad nung unang araw matapos kaming ikasal.

"Kailangan nating mag-usap." isang araw ay binasag niya ang katahimikan habang kami ay kumakain.

"Simula pa noo'y alam ko na." dagdag niya.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Alam kong hindi mo talaga ako minahal. Siguro ay naging payapa ang pagsasama natin pero hindi ko kayang makita kang nalulumbay. Nandoon siya ngayon sa inyong dating tagpuan."

Gulat akong napatitig sa kaniya, "pero—"

"Mahal kita, Claire. Ngunit hindi iyon sapat na dahilan para pigilan ka. Alam ko namang hindi talaga ako ang nais mong makasama noon pa man."

Niyakap niya ako at binigay ang susi ng aking sasakyan. Walang pag-aatubili ay tumakbo ako papalabas ng bahay at nagmaneho papunta sa aming tagpuan.

At gaya ng aking inaasahan, tahimik siyang naglalakad sa dalampasigan. Maganda pa rin siya tulad ng dati at suot niya pa ang bestidang binili ko para sa kaniya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 17, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PalagiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon