ENTRY #41

8 0 0
                                    

Ang hirap sumulat nang walang inspirasyon.
Hindi mo alam kung anong salita ang dapat na idudugtong.
Tipong lahat ng gawa mo'y tila ba walang kwenta,
Walang epekto sa iyong mga mambabasa.
Wala. Gawa'y hindi maganda.
Salita'y magkatugma nga subalit ang emosyong nararapat sa isinulat ay di madama.

Kaya minsan gusto ko nalang masaktan. Iwan. Maramdaman,
Ang bawat kirot na iniinda ng mga taong nagmamahal.
Gusto kong magpakatanga sa taong nagpapakatanga sa iba, umasa, magmakaawa, lumuha.
Gusto kong maranasan ang tamis ng unang pag-ibig na sa una lang masaya,
Na pagkatapos ng mga sandaling pinagsaluhan ay ibabasura.

Gusto kong maranasan ang alayan ng bulaklak,
Amuyin, langhapin ang panandaliang halimuyak,
Dahil sa susunod na araw, ito'y malalanta rin naman,
Gaya ng pag-ibig nya sayong paglalamayan.

Gusto ko ring makatikim ng tsokolateng t'wing anibersaryo,
Surpresahin sa isang lugar na punong puno ng lobo,
Sapagkat pagdaan ng isang araw o dalawang linggo,
Unti-unti siyang magsasawa at ikaw ay bibitawan—
Na gaya ng lobo, pag-ibig niya para sayo'y liliparin ng hangin patungong kawalan.

Gusto ko,
Gusto kong maging laman ng aking akda—
Ay isang pag-iibigan na kasing-ikli ng mga talata nitong tula.

The Writer's PleaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon