SCENE 15

5.4K 121 0
                                    


"PUWEDENG pakihinaan 'yang volume ng pagngatngat mo ng sitsirya mo? Nangingilo tuloy ako, eh. 'Tapos hindi ko pa marinig 'yong pinapanood ko," reklamo kay Sheye ng katabi niya sa sofang si Queenie na nasa bahay nang gabing iyon dahil off din nito sa trabaho katulad niya.

Lumabi lang si Sheye, hindi pinansin ang reklamo nito. Ipinagpatuloy pa rin niya ang malakas na pagnguya ng fish crackers habang nakatitig sa television screen kung saan kasalukuyang ipinapalabas ang DVD na isinalang niya. Nasa pelikulang pinanonood ang paningin niya pero wala naman doon ang atensiyon niya kundi nasa bago at napakaimposibleng acting job na hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya mapaniwalaan.

Doña Alejandra offered her a three million-peso "movie project" to be shot for an indefinite period of time. Isang napakaimposibleng trabaho na ilang araw nang nagpapagulo ng isip niya.

Naaawa si Sheye sa doña at sa kapatid nito. Ang totoo, noong nag-usap sila ay nadama niya ang pagnanais na tulungan ito. Pero talagang napakahirap ng ipinagagawa ng doña. Manloloko siya ng may-sakit. Paniniwalain niya ang taong iyon sa isang kasinungalingan sa mahabang panahon kapalit ng nakakalulang halaga.

Hindi niya iyon kaya. Isipin pa lang ay nagi-guilty na siya, paano pa kaya kung nandoon na siya at ginagawa na ang trabahong iyon? Hindi por que magaling siyang umarte at magpaikot ng tao ay kakayanin na niya ang lahat ng uri ng panloloko.

Nagulat na lang siya nang agawin ni Queenie ang supot ng fish crackers niya.

"Ano'ng iniisip mo? A, si Xander o B, ang newest movie offer mo?" tanong nito habang nilalantakan ang sitsirya niya.

Sandaling nakalimutan ni Sheye si Xander at ang atraso niya rito dahil sa kapoproblema sa trabahong patuloy na iniaalok ni Doña Alejandra. Mabuti na lang, ipinaalala ni Queenie si Xander. Nadagdagan tuloy ang rason niya kung bakit hindi niya dapat tanggapin ang alok ng doña. Ipinaalala ng pinakahuling trabaho niya ang leksiyon tungkol sa maling pagtanggap ng acting job. Posible niyang ikapahamak ang basta-basta na lang pagpayag sa mga alok na trabaho sa kanya.

Inagaw niya ang sitsirya mula kay Queenie at ipinagpatuloy ang pagngata.

"A, 'no?" Sinagi pa ni Queenie ang siko niya.

"A ka diyan." Sheye pouted. Muling nag-flash sa isip niya ang maiinit na eksena sa motel room at muli, nakaramdam siya ng pinagsunod-sunod na kilig, panghihinayang, lungkot, at pag-aalala. Hindi na niya nakita pa si Xander mula noong pagtaguan niya ito sa bar counter. Dapat siguro ay ikatuwa niya iyon dahil mukhang tumigil na ito sa pangha-hunting sa kanya pero nami-miss niya ito.

"Uuuy... Kunsabagay, hindi kita masisisi. He's really hot. Marami ngang Eve na nainggit sa 'yo noong bigyan ka niya ng offer na one hundred thousand pesos, mailabas ka lang. Grabe. Kahit siguro hindi niya ako bigyan ng kahit isang kusing, sasama pa rin ako sa kanya," kinikilig na sabi ni Queenie na hindi niya mawari kung totoo o biro lang nito. "Ano ba talaga'ng nangyari sa inyo sa motel, ha? Aminin mo na kasi sa 'kin. Nagkaro'n ba kayo ng bed scenes?"

"Wala, 'no!" Wall scenes and tea table scenes lang. Nagasgas na yata ang tape sa kaka-playback sa isip niya.

"Tingnan mo 'to. Para ano pa at naging manager mo ako. Dapat, alam ko kung ano'ng mga nangyayari sa 'talent' ko."

"Ikinuwento ko na sa 'yo ang lahat ng nangyari, bru..." Minus the love scenes. "Ano pa ba ang gusto mong malaman?"

"Hmp! Ang galing mo talagang magsinungaling," pagmamaktol ni Queenie at muling ibinalik ang atensiyon sa panonood.

Napangiti si Sheye. "Precisely why I have this kind of job." Tumingin siya sa kaibigan at ipinaling ang ulo nito paharap sa kanya. "Bru, ano ba'ng gagawin ko? Nahihirapan akong magdesisyon tungkol sa iniaalok ni Doña Alejandra."

"Dahil sa napakalaking TF mo?"

"Isa na siguro iyon sa nagpapagulo sa isip ko pero mas nahihirapan akong kalabanin itong pagkamaawain ko. Naaawa ako sa doña dahil wala naman siyang hinahangad kundi ang mapasaya ang kapatid kaya niya iniaalok sa akin ang trabahong 'yon. Pero naaawa rin ako sa kapatid niya dahil lolokohin ko 'yong tao. May sakit pa naman siya at baka malapit na siyang—"

"Exactly. May sakit siya at baka malapit na siyang... kaya dapat pasayahin mo na siya sa mga huling sandali ng buhay niya."

Napatingin uli si Sheye sa TV screen. "Pero titira ako sa mansiyon niya sa loob ng mga panahong buhay pa siya. Minu-minuto ng buhay ko, aarte ako at magpapanggap. Naiintindihan mo ba? Wala na akong magiging panahon para maging totoong ako. Mabuti kung isang buwan lang ang gagawin kong pagpapanggap. Paano kung hindi na nila makita ang tunay na anak? Habang-buhay akong magpapanggap? Imposible iyon."

"How about if you think about your lola? Ang lupa n'yong nakasanla? Ang magandang buhay na naghihintay sa inyo sa oras na tanggapin mo ang trabahong iyon at makuha ang kabayaran ng pagpapakapagod mo nang matagal? Isipin mo na lang na hindi madaling kumita ng ganoon kalaking halaga. Natural na paghirapan mo iyon. Kahit siguro buong buhay akong maging Eve, hindi ko kikitain ang ganoon kalaking pera. 'Tapos, isipin mo rin ang taong iyon. Mamamatay na lang ba siyang malungkot? Hindi na ba niya mararanasang maging masaya bago man lang siya mawala sa mundo? Alam mo 'yong white lies? Iyon ang gagawin mo. Hindi ka manloloko ng tao in the brutal sense of the word. Gagawin mo lang iyon para sa ikabubuti ng taong iyon at ng kapatid niya, ng lola mo at ng lahat. Naiintindihan mo ba?"

Napatitig siya kay Queenie. May punto ang kaibigan niya. Somehow, her friend made her see some things she had failed to consider. Pero hindi pa rin buo ang pagtanggap ng buong sistema niya sa pagpapanggap na gagawin.

Sasagot sana siya nang tumunog ang cell phone niya. "Tiyang, bakit po kayo napatawag?"

"Ang lola mo, Sherina. Nasa ospital siya. Inatake."

Pinanginigan siya ng buong katawan.

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon