SCENE 44

4.6K 112 1
                                    


"TANGGAPIN mo ang tsekeng ito."

Nalula si Sheye sa nakasulat na halaga sa tsekeng iniabot ni Doña Alejandra sa kanya. Nagkasundo silang mag-uusap sa library kung saan sila parating nag-uusap. Soundproof ang silid na iyon at walang makakarinig ng mapag-uusapan nila mula sa labas.

"Alam kong kailangang-kailangan mo 'yan sa mga panahong ito."

Napatitig si Sheye sa doña. Paano nito nalamang kailangan niya ng halos isang milyon para matubos ang maliit na lupain nila sa probinsiyang malapit nang mailit ng pinagkakasanlaan? Pero napagpasyahan na niyang isuko na lang ang pagtubos dito. Hindi kasi niya maatim na gawin ang mga naunang plano. Nang tanggapin niya ang trabahong inialok ni Doña Alejandra ay inisip niyang magagamit niya ang perang makukuha para maipantubos doon. Pero nagbago ang plano niya nang makasama ang don at si Xander. Hindi niya maatim na muling tumanggap ng malaking pera sa panloloko sa mga ito. Naisip niyang hindi na siya tatanggap ng pera mula sa pagpapanggap. Ikinonsidera na lang niyang tulong sa don ang nagagawa niya bilang isang anak nito dahil sa huli ay sasaktan lang din niya ang loob ng don kapag nalaman nang niloko lang niya ito.

Napailing-iling si Sheye. Ibinalik niya kay Doña Alejandra ang tseke. "Hindi ko po matatanggap 'yan."

Kumunot ang noo ng doña. "Ha? Bakit? Hija, bayad ito sa trabaho mo. Noong isang buwan, tinanggihan mo ang tsekeng ibinigay ko sa 'yo at sinabi mong saka na lang kapag nangailangan ka na. Kaya heto na ang tseke mo para sa buwang ito dahil alam kong nangangailangan ka ngayon. Pasensiya ka na sa panghihimasok ko sa buhay mo pero nalaman kong maiilit na ang lupa n'yo sa probinsiya. Tanggapin mo na ito at tubusin ang lupa n'yo."

"Hindi ko po kayang tubusin ang lupa namin sa perang galing sa masama."

"Masama? Hindi kita maintindihan. Pinagtrabahuhan mo ang perang ito."

"Hindi. Hindi 'trabaho' ang tawag dito. 'Panloloko.'"

Hinawakan ng doña ang kamay niya. "Hija, hindi 'panloloko' ang tawag dito kundi 'pagtulong.' Pagtulong sa isang taong nangangailangan. Pagtulong na mapasaya ang isang taong kailangan ng pag-asa."

"Kung gano'n, ang pagtulong ay walang hinihinging kapalit. Kaya hindi ko na po matatanggap 'yan. Iisipin ko na lang na pagtulong naman sa parte n'yo ang pagbibigay ng pera sa akin noong kailangang operahan ng lola ko."

"Hija..." Lumarawan ang pagkabahala sa mukha ng matanda.

"Hindi ko na kayang magpanggap, Doña Alejandra. Sobrang nagi-guilty na ako. Sobrang bait ni Don Manuel, pati si Xander. Hindi ko na sila kayang lokohin. Kung hindi lang talaga kailangang operahan ang lola ko noon, hindi ko tatanggapin ang trabahong ito."

"Hija..."

"I'm sorry, Doña Alejandra. Gusto ko nang mag-back out..."

"No!"

"Hindi ako puwedeng magpanggap pa nang matagal. Unti-unti nang lumalabas ang totoong pagkatao ko at hindi malayong mabuking na ako. Kanina, nakita ako ni Roy at ng asawa niya. Ako talaga ang babaeng tinutukoy nila. Pagkatapos, nakita ko naman si Liz. Bumalik na siya. At alam kong malabong mangyaring hindi siya magsalita tungkol sa tunay kong pagkatao kapag nalaman niyang dito na ako nakatira sa mansiyon n'yo bilang anak ni Don Manuel. Alam kong iisipin niyang nagpapanggap lang ako dahil alam niyang iyon ang klase ng trabaho ko." Napayuko si Sheye para itago ang pangingilid ng mga luha niya. "Natatakot akong madiskubre nila ang ginagawa ko. Nahihiya ako sa kanila. Gusto ko na pong umalis. Kayo na lang po ang bahalang magpaliwanag sa kanila tungkol sa—"

Naramdaman ni Sheye ang pagpisil ng doña sa kamay niya. "Hindi mo kailangang gawin iyan. Pasensiya ka na kung nahirapan ang loob mo dahil sa akin. Wala ka naman talagang kasalanan. Ako ang may pakana ng lahat ng ito. Kung mayroon mang dapat sisihin ay ako lang. Alam kong napilitan ka lang sa ipinagawa ko. And I'm sorry for putting you to all these troubles. Hindi ko akalaing mahihirapan ka nang ganito. Hindi ko dapat ginawa ito in the first place. Kung hindi lang ako nag-aalala na baka mauwi sa wala ang lahat ng ipinaghintay namin at masaktan lang si Manuel, hindi ko ito gagawin sa 'yo."

Nag-angat ng tingin si Sheye. Hindi niya naunawaan ang huling pangungusap na binitiwan ng doña pero wala na siyang panahon para magtanong pa. Nakapagdesisyon na siya. Kailangan na niyang umalis bago pa man maging mas komplikado ang lahat.

Nagpaparamdam na kasi ang don na gusto na nitong makausap ang lola niya para pormal na hingin siya rito. Gusto na ng don na maging isa siyang legal na Olivar. Gusto na ng don na maghanda ng isang salusalo para sa pagpapakilala sa kanya sa publiko bilang anak nito. Hindi na dapat makarating sa puntong iyon ang lahat ng kasinungalingan nila ni Doña Alejandra.

"I'm sorry, Doña Alejandra. Ayoko na talaga. Kung puwede, ayoko nang makita ang mga reaksiyon nila kapag nalamang impostor lang ako. Hindi ko kaya. Pag-usapan na natin kung paano ako makakaalis ng bahay na ito nang—"

"Sheye, sa tingin ko, kailangan mo na sigurong malaman ito." Mababakas sa mukha ng matanda ang pagsisisi.

Nakarinig sila ng katok mula sa pintong ini-lock ng doña. Bumuntong-hininga ito, saka tinungo ang pinto. Narinig niya ang tinig ni Manang Lucing na nagsasabing ipinatatawag ang doña ng kapatid nito.

"Let'stalk later, Sheye, in three days' time. Sa pagbalik namin ng kapatid ko from abusiness trip. Mahalaga ang sasabihin ko sa 'yo at kailangan ng sapat na oraspara doon."    

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon