"HI," NAKANGITING bati ni Sheye nang makitang pumasok si Xander sa office suite ng ina nito kung saan nandoon siya. Kagagaling lang ni Sheye sa opisina ni Don Manuel at tumuloy siya kay Doña Alejandra para magtanong tungkol sa developments ng paghahanap nito sa tunay na anak. Napag-alaman niyang may linaw na ang posibleng pagkakahanap dito. She was happy and sad at the same time.
Masaya si Sheye para sa don at magiging totoo na ang katuparan ng pangarap nitong makita ang tunay na anak. matatapos na rin ang paghihirap niya sa pagpapanggap at maipapahinga na rin ang konsiyensiya niya sa panloloko rito. Pero nalulungkot siya na hindi na niya makakasama pa uli ito. Masakit sa kanya na hindi na niya makikita pa uli ang don dahil napamahal na ito sa kanya sa napakaikling panahon lang. Babaunin pa niya sa paglayo ang galit nito dahil sa panlolokong ginawa niya kapalit ng malaking halaga. At pati na rin ang galit ni Xander. Hindi yata niya kayang tanggapin ang galit ng binata sa kanya kapag napatunayan nito ang naunang hinala na isa siyang peke. Pagkatapos niyon ay hindi na rin niya makikita pa uli ito.
"Hi. Ba't nandito ka?" Ibinigay ni Xander ang hawak na mga folders sa ina. "'Ma, 'eto na 'yong mga hinihingi mo."
"Bakit ikaw pa ang nagdala?" tanong ng ina nito na nagsimula nang buklatin ang folder.
"May iniutos ako kay Rhea." Hinarap siya ni Xander at ngumiti. "Bakit nandito ka?"
"Napadaan lang. Binisita ko si Papa."
Pinagmasdan ni Xander ang kabuuan niya. "Napadaan? Ibig sabihin, may pinuntahan ka na kanina? Saan ka galing? Sino'ng kasama mo?"
Napalabi si Sheye. "There you go again. Akala ko, since hindi ka na pumupunta sa bahay, nag-retire ka na sa pagiging guwardiya sibil mo sa 'kin. Nagbakasyon ka lang pala." Sa totoo lang, na-miss niya ang binata nang sobra at mas gusto niya ang ginuguwardiyahan siya nito kaysa sa hindi na ito makasama. Simula nang yakapin siya nito dala ng kalasingan ay hindi na uli nagpakita pa ang binata sa kanya. Naisip niyang tama lang marahil ang lumayo na muna ito para hindi siya masyadong mahulog dito pero hindi iyon ang gusto ng traidor niyang puso.
"Naging busy lang ako masyado sa work. Pero hindi ibig sabihin na dahil hindi na tayo gaanong nagkikita, puwede ka nang lumabas kasama si Dom."
"Busy sa work o sa pambababae? Siguro, nagkabalikan na kayo ni Claudette," she teased, secretly probing. Gusto niyang marinig mula rito na walang katotohanan ang hinala niya.
Ngumisi ito. "Mamaya, uuwi ako sa bahay. Ihanda mo 'yong mga cheesy chick flicks mo."
Lihim na na-excite si Sheye sa ibig tukuyin ni Xander. Manonood na naman sila sa TV room. Kung tutuusin ay hindi naman talaga sila nanonood tuwing nandoon sila. Matatapos ang palabas na nakasalang na hindi nila kapwa alam kung ano ang istorya dahil sa pagkukuwentuhan. Alam niyang hindi ang manood ng pelikulang hindi nito gusto ang genre o ang kumain ng sitsirya ang dahilan kung bakit nanonood itong kasama niya. He might simply want to be with her. At kinikilig siya sa isiping iyon.
"Ma'am, nandito na si Mr. Rolando Macaraig with his wife." Tinig ng sekretarya ng doña mula sa intercom.
"Papasukin mo na, Rose."
"Naku, may bisita ka pala, Auntie. Aalis na po ako." Tumayo na si Sheye at binitbit ang clutch bag pero nakapasok na ang mga bisita. Muntik na niyang mabitiwang muli ang bag sa nakita. Kilala niya ang lalaki at ang babae.
"Hi, everybody!" bati ng lalaki sa kanila.
"Roy, pare, kumusta?" bati ni Xander na kumumpirma ng hinala niya.
Ito si Roy, ang lalaking nanloko kay Queenie at ang ginantihan niya sa isang palabas para hiwalayan ng fiancée nitong asawa na nito ngayon. Kung ganoon, hindi pala sila nagtagumpay ni Queenie sa ginawa nilang palabas. Hindi pala nagkahiwalay ang dalawa nang dahil sa ginawa niyang pagpapanggap.
Nakagat ni Sheye ang ibabang labi habang nakatingin sa pagbebeso-beso ng doña at ng mga ito. Sana nakalimutan na ng mga ito ang insidenteng iyon at pati na rin ang mukha niya. Kung bakit naman kasi talagang napakaliit ng mundo. At bakit kasi hindi pa siya marunong mag-disguise nang mga panahong iyon.
"Siyanga pala, I'd like you to meet my niece Sheye," pagpapakilala ng doña sa kanya. "Sheye, this is Roy and this is Alice. Inaanak ko sila sa kasal."
Tumingin ang dalawa sa kanya.
Napilitan siyang ngumiti. "Hi."
"Hi, Sheye. 'Nice to meet you," bati ni Roy.
Nakita ni Sheye ang bahagyang pangungunot ng noo ng babae. Nagsimula na siyang kabahan nang lumapit ito sa kanya at titigan ang mukha niya. Pinanatili pa rin niya ang ngiti.
"Hey, hey, huwag mong titigan nang ganyan si Sheye. Ang sabi, malakas daw makausog ang mga buntis," naaaliw na sabi ni Xander.
"Baka gustong paglihihan ni Alice si Sheye," ani Roy. "Hey, hon, baka naiilang na si Sheye sa 'yo."
"Kilala kita," sabi ni Alice sa mapanganib na tinig.
Nalintikan na! Pinigil ni Sheye ang mapasinghap. Kunwari, nalito siya sa sinabi ng babae. "Ha?"
"Hon, naaalala mo ba siya?" baling ni Alice sa asawa. Nakita niya ang pagkunot ng noo ni Roy habang tinititigan siya. "Siya 'yong babaeng nanggulo sa atin sa isang restaurant noon. Siya 'yong nagpakilala at nagpanggap na girlfriend mo para guluhin tayo."
Nagliwanag ang mukha ni Roy. Halatang naalala na rin siya, pero wala itong sinabi.
"Nagkakamali kayo. Hindi ko kayo kilala at saka hindi ko alam ang mga sinasabi mo," pagkakaila ni Sheye.
"Pero ikaw 'yon, eh. Hindi ako puwedeng magkamali. Tandang-tanda ko ang mukha mo," sabi ni Alice.
"Sorry, pero hindi ko talaga alam ang sinasabi mo." Napatingin si Sheye kay Xander. Nakita niya ang malalim na kunot sa noo nito. Si Doña Alejandra ay mukhang nagulat sa nagaganap.
"Baka kahawig lang iyon ni Sheye, Alice," pagtulong sa kanya ng doña.
"Oo nga naman, hon. Baka kamukha lang. At saka, bakit naman gagawin ng pamangkin ni Ninang ang ganoong bagay?" segunda naman ni Roy.
Para namang bumalik na si Alice sa tamang kaisipan. Nawala ang pananalim ng tingin nito at ngumiti na. "Sorry, napagkamalan pa kita."
Ibinalik ni Sheye ang ngiti kasabay ng pagluwag ng dibdib. "Okay lang 'yon." Nang tingnan niya si Xander ay hindi pa rin nawawala ang pagkakakunot ng noo nito. Nag-alinlangan tuloy siya. Naalala na naman ba nito ang pagkakahawig niya kay Debbie?
Huwag naman sana.
BINABASA MO ANG
Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)
Romance*Love Is Only In The Movies is a novel turned TV series on ABS-CBN last 2010. It was starred by Zanjoe Marudo and Mariel Rodriguez. *Already published in print book and ebook format.