Chapter 7

2.1K 63 31
                                    


NAGKITA kami ni Jake sa hagdan ng annex ng Augustus Hall na tambayan niya at naupo sa pangalawang baitang sa fourth floor. Dala niya ang test papers ko na isinauli niya sa akin dahil tapos na raw niyang ma-evaluate ang English grammar skills ko.

"Minsan naman nakukuha mo ang subject-verb agreement, minsan hindi, which is weird. Hindi ka nagpe-pay attention sa mga binibitiwan mong auxilliary verbs. Just because it sounds good doesn't mean tama na ang grammar nun. Madalas ka ring pumalpak sa prepositions. Mahina ka din sa pag-construct ng sentence. Hindi mo alam kung kailan gagamitin ang like at would like. At saka..."

Nakatanga lang ako habang sinasabi ni Jake ang lahat ng kahinaan ko sa English grammar at bawat salita niya at parang kutos na tumatama sa ulo ko. Hanggang sa hindi ko na makayanang pakinggan pa ang lahat ng mga sinasabi niya. Napatayo ako.

"Oo na!" singhal ko. "Shunga-shunga na ako sa English! Hindi mo na kailangang ipagduldulan pa!"

At ang magaling na lalaki, nakuha pang ngumisi. "Mahaba-habang turuan ito."

Laglag ang mga balikat na bumalik ako sa kinauupuan ko. "Pero magaling ka namang tutor, kasi nakuha ko agad ang tungkol sa paggamit ng determiners na may some at any dahil ipinaliwanag mo nang maayos. Kaya siguro kaya ko namang matuto talaga."

"I will try my best."

At nagsimula na ang tutorial lesson ni Jake sa akin. Nagsimula kami sa subject-verb agreement. 'Yong totoo, hindi ko talaga akalaing kayang-kaya ng isang tulad niya na maging ganoon kaseryoso sa pagtuturo. Akala ko, kaya siya nag-alok noon na turuan ako at pumayag na maging tutor ko ngayon ay dahil gusto niya lang akong asarin at laitin at pag-trip-an. Pero mukhang totoong gusto niya akong matuto. Nakakapagtaka dahil wala naman siyang hininging kapalit sa pagtu-tutor sa akin.

Biglang tumunog ang cellphone niya. Nang dukutin niya galing sa bulsa ang cellphone ay nakita ko sa screen ang pangalan ng tumatawag.

Melissa.

Da who si Melissa? Girlfriend niya? Wala namang balita na may girlfriend siya. Ah, baka hindi taga-SCHS ang babae. Baka taga-ibang school. Hindi naman imposible na may girlfriend siyang itinatago.

Cute naman si Jake. Ang mga ganyan ka-cute at kabango, imposibleng mawalan ng girlfriend. Oo, mabango. Eh, kasi naman, halos magkatabi kami kaya naaamoy ko ang pabango niya... pati fresh breath niya na rin.

Sa pagtataka ko, pinatay lang ni Jake ang tawag at itinago na ulit ang cellphone. Bumalik ulit siya sa sinasabi sa akin. Bakit hindi niya sinagot si Melissa? LQ ba sila?

Tumawag ulit ang babae at pinatay lang ulit ni Jake ang tawag. Napilitan na akong magtanong.

"Bakit hindi mo sagutin? Baka importante 'yon."

"Mangungulit lang 'yon."

"Hindi mo dapat ginagano'n ang girlfriend mo."

"Hindi ko girlfriend 'yon."

"Sino 'yon?"

Tinitigan ako ni Jake. "Bakit gusto mong malaman?"

"Wala lang. Curious lang. Ex mo ba siya?"

"Hindi rin."

"Eh, ano mo? Wala ka namang kapatid, 'di ba? Pinsan? 'Di ba may mga pinsan ka dito sa SCHS? Pero wala naman sa kanila ang may pangalang 'Melissa.'"

"Hindi ko siya pinsan."

Lalo akong naging curious. "Eh, sino siya?"

"Ba't ba parang masyado kang curious sa 'kin?" Kung makatingin siya sa akin, parang pinaghihinalaan niya ako. "Interesado ka na ba sa 'kin?"

Nanlaki ang mga mata ko. Iniisip ba niya na may gusto ako sa kanya? "Ha? A-Anong interesado? Hindi, ah!" Paano niya naisip na nagkakagusto na ako sa kanya?

Ngumiti si Jake. "I'm single, Alex. At wala akong nililigawan sa ngayon. Kung 'yon ang gusto mong malaman." Tumaas-baba pa ang mga kilay niya.

Pinandilatan ko siya. "Wala akong pake kung single ka!" Nag-iwas ako ng tingin sa kanya. Umisod din ako palayo nang konti sa kanya. Nagsisimula na siyang mang-asar. Hindi ko alam kung bakit kailangang mag-init ang mukha ko.

Narinig ko ang pagtawa ni Jake. "It's okay, Alex. Wala namang masama kung magka-crush ka sa 'kin. Hindi kita masisisi kung na-realize mo nang mas guwapo ako kaysa kay Mr. Natividad."

"Shuddap!" Tumayo na ako. "Ayoko na nga!" Pero nakakadalawang hakbang pa lang ako palayo nang hilahin ako ni Jake para hindi ako makalayo.

"'Wag ka ngang pikon. Parang jino-joke ka lang, eh. 'Wag ka na kasing tanong nang tanong tungkol sa 'kin para hindi kita asarin. Aral na ulit tayo."

Inasar niya lang pala ako para tumigil na ako ng pangungulit sa kanya tungkol kay Melissa. Napatingin ako sa kamay kong hawak ni Jake at nanlaki ang mga mata ko. May something akong naramdaman nang mamalayan ko ang kamay kong sakop ng kamay niya.

Juice colored.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 03, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Eh Di Sa Puso Mo (St. Catherine High series Book #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon