Pt. 1

50.9K 865 65
                                    

CUTE ang totoy na doktor.

Iyon ang unang naisip ni Dahlia Almar, 'Dahl' for short. Nasa ER sila ng kapatid niya dahil sa vaginal bleeding. Eleven weeks itong buntis at nagkaroon ng spotting three days ago na hindi agad nito pinansin dahil may mga matatandang nagpayo na 'pamawas' lang daw iyon, hanggang sa may discharge nang fresh blood at tipak-tipak na clots. Kutob ni Dahl, baby na iyong lumabas na malalaking tipak pero ayaw niyang takutin ang kapatid. Nang sumakit ang puson nito, dali-dali na niya itong isinugod sa ospital.

Napansin agad niya pagpasok pa lang sa ER ang cutie pie na iyon. Nagtama ang tingin nila at medyo kamuntik pa siyang matapilok sa kalituhan.

"Ano ba naman," reklamo ni Sampaguita, 'Sam' for short, nang mapahawak siya rito para kumuha ng suporta.

"S-sorry."

Pumunta na sila sa front desk at in-interview ng nurse. Sa peripheral vision ni Dahl, nakita niyang pumasok sa isang pinto ang cute na lalaking nakatinginan niya kanina. Medyo nabawasan ang tensiyon niya.

Nagulat sa naisip. Bakit ako nate-tense?

"Vaginal bleeding, Doc. Eleven weeks pregnant," sabi ng nurse nang bumalik si cutie pie.

So, doctor pala ang lalaki.

"Sino po ang pasyente?"

"Siya," mabilis na sagot ni Dahl, sabay turo kay Sam.

Lumawak ang ngiti ng lalaki at binalingan ang pasyente. "Pang-ilang baby po?" tanong nito. Cute talaga ito. Ang kinis. Parang walang pores sa mukha. Medyo maliit nga lang pero talagang cute--tipong Ryan Agoncillo ang peg. May hawig din nga ito sa asawa ni Juday. Sa tingin ni Dahl, kapag nag-heels siya ay mas mataas pa siya rito.

Hindi siya nagkaka-crush sa mga pandak. Hindi man super-pandak na matatawag, medyo short pa rin ito sa height. Matatangkad kasi sila sa pamilya. Sa kanilang magkakapatid, siya pa ang pinakapandak. Six-footer ang kuya niya. Si Sam at ang Ate Rose nila, parehong five-seven. Five-four ang height niya. Sa tingin niya, one inch lang ang taas sa kanya ni Doc.

"First," sagot ni Sam. Mas bata ito ng eleven months kay Dahlia. Same year sila ipinanganak; January nga lang siya at December ito.

"Kailan po ang last period?"

"September eight," sagot ni Sam.

May ilan pang itinanong dito si Doc bago inakay ng nurse patungo sa isang kama roon, pinahiga at isinara ang mga kurtina. Narinig ni Dahl na sinabihan ito ng nurse na hubarin ang suot na pang-ibaba. Itse-check daw ang fetal heartbeat.

"Hindi ma-detect, Ma'am," sabi ng nurse.

"Ano'ng ibig sabihin n'on?" Kabado na ang boses ni Sam.

"Kailangang ma-ultrasound, Ma'am."

"Dahl?" tawag sa kanya ng kapatid nang umalis ang nurse.

Sumilip si Dahl sa pagitan ng dalawang kurtina. Nakabilot na sa kamay nito ang dark pink na yoga pants at flesh-colored panties, halatang tensiyonada.

"Kumapit ka, baby," sabi nito sa tiyan.

Sasagot pa sana siya pero nag-anunsiyo na ang nurse na itse-check na ni Doc si Sam.

"'Yong lalaki ang magfi-finger sa 'kin?" bulong ng kapatid niya.

"Excited ka?"

Humagikgik ito. "Aw, nakaka-shy naman kay Doc."

"'Yaan mo na, cute naman." Pagkasabi niyon ay napalingon siya sa pinag-uusapan. Mukhang narinig nito ang sinabi niya at ngiting-ngiti ito sa kanya. Bumalik siya sa silyang inuupuan kanina. Napansin niyang nakatingin pa rin ito sa kanya pero nagpatay-malisya nang magtama ang mga mata nila.

"The Good Samaritan" by Kumi Kahlo [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon