Chapter 1. Ang Pagtatapos.

21 2 0
                                    

"Lahat naman ginawa na natin. I did my best, Sophia, pero hindi na talaga tayo nagkakasundo."

"Alam ko. Kaya nga hindi ko na pinipilit. Kaya nga mabuting ibenta na natin 'tong bahay para makapag-umpisa na tayo sa mga sarili nating buhay."

Dingding lang ang pagitan ng kwarto ko at kusina kung saan nag-uusap si mama at papa. Kaya naririnig ko ang lahat. Tahimik lang ako. 'Yung parang manhid na. Sanay na. Bato na. Wala na akong nararamdaman sa tuwing magtatalo sila. Mabuti nga ngayon, kalmado na lang silang mag-usap. Hindi kagaya noon na parang hindi sila magkakilala o nagmahalan kung magsigawan at magbatuhan ng masasakit na salita. Noon, apektado ako. Sobra. Nariyan 'yung iiyak ako sa kwarto, magwawala, sisigaw, makikisigaw sa kanila na tumigil na. Nariyan 'yung sinisisi ko ang sarili ko. Nariyan 'yung halos maglayas na ako pero bigla silang titigil at pipigilan ako. Noon. Iba na kasi ngayon. Sa pagdaan ng maraming taon na halos walang araw na hindi nila sinisisi ang isa't isa sa pagbagsak ng buhay namin, unti-unti na akong nagiging bato. Dati, dadalhin ko pa hanggang sa school ang pag-iyak ko at magsusumbong sa teacher ko at tatanungin kong "bad" ba ako. Dati, pipilitin kong makitulog sa bahay ng classmate ko para maiwasan ang dadatnan sa bahay na away, sigawan, sumbatan, iyakan. Dati. Noong apektado pa ako. Pero ngayon, wala na. Manhid na. Unti-unti na akong nagiging bato.

Pakikinggan ko nalang ang lahat. Maghihintay na magkainitan na naman sila at saka lalabas kapag naramdaman kong magsasakitan na naman sila para umawat ngunit walang ekspresyon na makikita sa mukha ko kapag sasabihin kong "tama na po". Kabaliktaran sa dating ako na hahagulgol pa at sasabihing "sige, 'pag di kayo tumigil, magpapakamatay ako!"

Napagod na ako sa drama ng buhay ko. Napagod na akong magbigay ng pakealam. Napagod na akong umasa na babalik pa ang lahat sa dati. Napagod na akong magdasal na magkasundo sila ulit. Napagod na akong maging anak. Napagod na akong maghintay sa pagmamahal ng mga magulang. Pagod na ako. Nakakapagod.

Isa-isa ko nalang tinitignan ang mga medalya at tropeyo sa kwarto ko na bunga ng malikot kong isip at mga mata sa pagkuha ng mga larawan. Napapabuntong-hininga na lang ako. Si papa ang unang nagturo sa akin na gumamit ng camera. Habang si mama ang unang nagturo sa akin ng mga anggulo. Dating photographer si papa. Si mama naman, magaling sa arts lalo na sa painting. Kaya mas may alam si mama sa details at angles. Silang dalawa ang masayang nagtuturo sa akin noon. Pero ilang taon na rin noong huling beses na nagabayan nila ako. Hindi ko na maalala kung kailan nag-umpisang amag-in ang masayang larawan ng aming pamilya. Ang natatandaan ko nalang, nag-umpisa ang lahat nang isa-isang malugi ang mga negosyong naitayo nila dahil sa kapabayaan nilang dalawa.

"Paano si Nathan?" boses ni papa.

"Sa tingin mo ba sasama siya sa'yo?"

"Bakit hindi siya ang papiliin mo?"

"At kapag ikaw ang pinili? Isasama mo doon sa mga anak n'yo ni Minerva?" unti-unti nang tumataas at tumatalas ang tono ng boses ni mama.

Kailangan ko nang lumabas. Kailangan ko nang umawat dahil alam kong kaunti nalang ay magkakagulo na naman. Isa. Dalawa. Tatlo.

"Ma.. Pa.. Tama na po."

SHOOTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon