Chapter 5. Si Andrei.

5 1 0
                                    

Kinabukasan, magkasama kami ni mama na nagpunta sa isang grocery store. Inuumpisahan na rin niya akong i-tour sa lugar namin bago pa man din magsimula ang klase para naman daw pamilyar na ako at hindi maligaw.

"Sa makalawa pala, babalik muna ako ng Maynila. Pupuntahan ko ang tito Renan mo para ayusin 'yung mga papeles namin para sa negosyo," sabi ni mama habang nilalagay isa-isa sa counter ang mga pinamili namin.

"Sige po," tipid na sagot ko.

"Nakausap ko na rin si Andrei para kahit papano may titingin-tingin sa'yo habang wala ako."

"Andrei?"

"'Yung kapitbahay natin. Kaninang umaga kasi, nu'ng nagwawalis ako, nilapitan niya ako habang nagdidilig siya ng mga halaman nila. Kunting kwentuhan lang. Pulis pala siya?"

Kinabahan ako bigla. Hindi kaya baril 'yung pinupunasan niya kagabi?

"Ah. Hindi ko naman na po kailangan ng bantay, ma."

"Hindi naman bantay. Para lang din may makausap ka habang wala ako."

"Pulis siya? Nag-aaral o nagtra-trabaho?"

"Patapos na sa pag-aaral. Isang taon nalang daw."

"Ma? Kung ayos lang, pwede ko bang tawagan si.. si.. si papa?"

Napatigil si mama. Alam kong apektado siya pero kailangan ko rin namang makausap si papa.

"O- oo naman. Hindi naman bawal. Basta 'wag mo nalang ipilit ang hindi na dapat ipilit."

Ngumiti nalang ako ng pilit.

Marami-rami rin kaming pinamili. Ilang balot din at kahon ang naiuwi namin. Pagkababa ko ng sasakyan ay agad akong nagpunta sa likuran nito para buhatin ang iilan. Nang maipasok ko na ito sa loob ng bahay ay agad kong hinanap ang cellphone ko para matawagan si papa.

Normal na usapan lang naman. Kinu-kumusta niya ang bahay at ang paglipat namin.

"Naayos mo na ba 'yung kwarto mo?" tanong niya.

"Naasikaso na po ni mama bago pa man kami makalipat."

"Good. Anak, kung anumang problema, 'wag kang magdadalawang-isip na tumawag ha?"

"Oo naman po, pa. 'Wag po kayong mag-alala sa'min dito."

Hindi ko na rin namalayan na pababa na pala ako ulit sa sala habang kausap si papa sa kabilang linya. Tiyempo namang nakita ko si mama na may kinakausap pero natatakpan ng vase na nasa harapan ko kaya hindi ko agad napansin. Nang makababa na ako ng tuluyan ay sabay naman silang napatingin sa akin.

Biglaang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam pero bahagya akong natigilan. Parang biglang bumagal ang takbo ng oras na maririnig mo pa ang bawat segundong pumapalo sa orasan.

Isang binata. Moreno. Mukhang matangkad. Matikas. Maamo ang mukha. Naka-ngiti siya sa akin. Katamtaman ang laki ng katawan. Makapal ang kilay at mapupula ang mga labi. Ang mga mata niya, nangungusap. Mapungay at malambing tumingin. Matangos ang ilong at may magkabilang biloy sa pisngi.

"Nak? Nathan?" si mama. Hindi ko namalayan na kinakausap pala ako. Sa pinaghalong nerbyos at pagkapahiya ay sumenyas nalang ako na lalabas ako at kakausapin ko si papa. Tumango lang siya. Hindi ko na ulit nagawang tingnan kung sinuman ang lalaking yun pero alam kong si Andrei na yun. Sana. Sana nga si Andrei yun.n

SHOOTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon