Kabanata 3 Nae Sarang

35 2 0
                                    

Kabanata 3. Nae Sarang

Ang aga ko nagising. Sabado ngayon, wala akong pasok, pero kapag sinuswerte ka nga naman gigisingin ka sa pagkakahimbing mong tulog ng lechugas mong body clock.

Tapos kahit anong pag-ikot ikot mo sa kama hindi ka na ulit makatulog.

Puyat pa naman ako kagabi kakakuwento ko sa inyo ng mapait kong buhay pagibig. Kasalanan ninyo to e! Hmp.

Bumangon na ako sa pagkakahiga, sayang oras kung hindi pa ako kikilos. Pumunta ako agad sa kusina para maghanap ng pwede kong almusalin. Walang hila-hilamos, walang sipi-sipilyo. Walang pakialaman.

Pagkabukas ko sa aking maliit na ref, nakakita akong ilang isda at gulay. Yung gulay medyo bulok na. Ang tagal na kasi ng mga ito, akalain mong buhay pa. Hindi kasi ako mahilig magluto at kahit gustuhin ko man magluto, kadalasan kasumpa-sumpa ang kinalalabasan.

Sa mga karinderya, fastfood o restaurant ako madalas kumakain. Sa maghapon kasi dalawang beses lang ang meal ko. Hindi ako nag-aalmusal, sanay na ang sikmura ko sa isang tasang kape sa umaga. Sa gabi naman noodles at itlog lang ay solve na ako. Hindi rin ako maselan sa pagkain.

Naalala ko nga yung sabi ng doktor ko na masama raw sa kalusugan ang noodles, nakakakanser raw.

Pinayuhan pa nga niya akong panatilihin ang pagnunoodles tuwing umaga para raw mainitan ang sikmura ko. Ang sweet 'di ba?

At bilang mabait at masunuring pasyente, ginawa ko naman ang sinabi niya. Madalas sa gabi nga lang.

At habang sinasabi ko ito, napagpasyahan kong magpiprito ako ng isda. Itinapon ko na yung gulay. Pwede ko pa nga sanang pagtiyagaang lutuin yun kaso tinatamad ako. Next time na lang.

Kinuha ko yung isda, saka nilinis at hinugasan sa lababo. Nagsalang na ako ng kawaling may mantika, maya maya'y nagsimula na akong magprito.

Hindi ako takot sa tilansik ng mantika, kaya naman nakakapagtakang kahit tutok na tutok ako sa pagluluto ay nakuha pang madurog nung isda!

Buhay nga naman, hindi patas. Tsk.

Alas diyes y medya na ako natapos magprito at magsaing. Mabagal talaga akong kumilos wag kayong magreklamo.

Naghain na ako at nang makakain na ako habang mainit pa yung ginisa kong isda. Mukha na kasi siyang sauted fish.

Pagkatapos kong kumain ay nanuod ako ng telebisyon.

America's Next Top Model ang palabas.

Ewan kung bakit gustung-gusto ko ito. Siguro dahil pangarap ko talagang maging modelo. Kung minsan kasi napapagtanto kong nasasayang ang kagandahan ko sa loob ng masukal kong opisina.

Ha-ha.Kahit ako di natawa sa sarili kong joke.

Nang matapos na ang pinapanuod ko ay nahiga ako sa couch. ( Susyal may couch! :D)

Pinagmasdan ko ang kabuuan ng apartment ko. Hindi siya kalakihan, tamang tama lang para sa iisang tao. May isang kwarto, kusina, dining area at maliit na tanggapan ng bisita. May isang banyo sa tabi ng kwarto na mabuting balita para sa akin dahil kung sakaling may biglaang panauhin man ako hindi na nila kailangang pumasok pa sa kwarto ko para lang makigamit ng banyo.

Gustong gusto ko itong bahay na 'to. Hindi nakakapagod, lahat magkakalapit. Mga dalawang taon pa siguro ay mapapasaakin na 'to. Rent to own kasi siya.

Mga ilang sandali pa nakaramdam na ako ng inip.

Ang hirap mag-isa. Wala kang makausap. Nakakalungkot. Susubukan ko sanang tumawag sa amin kaya lang baka lalo ko silang mamiss at maiyak lang ako. Ayoko pa naman ng umiiyak ako lalo na at maririnig ako ng tatay ko. Paniguradong kukulitin ako nun na umuwi na sa amin at iwan na ang bahay bahayan ko.

Ay buhay!

Nakakapagod mag-isa. Ayoko nang maging single! Hahaha.

Para akong baliw, natatawa ako sa mga kagagahan ko.

Pumikit ako at nang malapit na akong makatulog ay bigla namang may kumatok sa pintuan ko.

Ganitong ganito ang ayaw ko, yung nandun na tapos biglang mauudlot.

"Eda?" Boses ng isang lalaki. Manliligaw ko na naman ata. ( Yabang! )

Sinilip ko pa muna sa bintana kung sino.

Ah.. Siya na naman! May dala pang bulaklak at isang kahon ng ewan.

Dali-dali akong pumunta sa kwarto at kinuha ang tatlong pahinang papel na inihanda ko kahapon.

Pagkabukas ko ng pinto, inisteypler ko sa nuo niya yung mga papel.

Pero syempre, joke lang ulit.

Ang totoo, walang sabi-sabi kong ihinampas sa dibdib niya yung hawak ko.

"Ah Eda. Ano ito?" Nakakunot-nuo niyang tanong.

Tinaasan ko siya ng kilay. Ang islow.

"Exam yan. Umuwi ka na at sagutan mo sa inyo. Kapag naipasa mo yan, nobya mo na ako at kapag hindi, huwag ka nang magpapakita sa akin at nang di na rin tayo maabala pareho." Dire-diretso kong sabi sa kanya. Medyo hiningal pa nga ako. Saka ko siya binagsakan ng pinto.

"Pero teka Eda..."Narinig ko pang habol niya.

Binuksan ko muli ang pinto. Sa pagkakataong ito, nakangiti na ako. Nakita ko naman ang biglang pagningning ng mga mata niya.

"Oo nga pala, may nakalimutan ako."

"Ano yun Eda?" Nakangiti ring sabi niya.

"Right minus wrong." At muli kong ibinagsak pasara ang pinto.

IrogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon