"IS EVERYTHING set already?" naninigurong tanong ni Calix sa kanyang mga kasambahay. Nangingiting tumango naman ang mga ito. Kinakabahang gumanti rin siya ng ngiti. Lumabas na muna siya ng bahay at sinilip ang mga tao roon na nagkakabit ng banner. Halos patapos na ang mga iyon.
Napatitig si Calix sa resulta ng pinagpaguran. Sa pagkakataong iyon ay sumilay ang kontentong ngiti sa kanyang mga labi. Umaasa siya na sana ay bigyang-halaga iyon ni Chryzelle sa pagdating nito. Napahugot siya ng malalim na hininga, pagkatapos ay pumasok na muli sa bahay at akmang dederetso na sa kusina para tikman at siguruhin ang lasa ng inilutong mga putahe na ikinonsulta niya rin sa mayordoma. Pero natigilan siya nang makita na nagkukumpulan at nagbubulungan ang mga kasambahay. At sila ni Chryzelle ang sentro ng usapan ng mga ito.
Unti-unting naglaho ang ngiti ni Calix.
"Mabuti naman at sa wakas ay naisipan na ni sir Calix na bumawi kay ma'am Chryzelle, Manang Soledad. Grabe din ang mga pinagdaanan ni Ma'am. Awang-awa na nga ho ako sa kanya noon. Ang bait pa naman niyang amo."
"Sinabi mo pa, Matilde. Halos mabiyak ang puso ko nang makita ko ang takot sa mukha ni Ma'am nang araw na malaglag ang sanggol na dinadala niya. Hindi ko nga alam kung paano niya nakayanan iyon."
Kumabog ang dibdib ni Calix. Sa wakas ay ipinaramdam na niya sa mga kasambahay ang kanyang presensiya. Para namang nakakita ng multo ang mga ito nang mapansin siya.
"A-ano'ng ibig niyong sabihin? Anong... sanggol?" Natahimik ang mga kasambahay. Maski ang mayordoma ay hindi umimik, sa halip ay nagpatuloy lang sa ginagawang pagpupunas ng mga plato. Natetensiyong kinalampag niya ang mesa. "Ano? Magsalita kayo!" Pero nanatili pa ring tahimik ang mga ito. "Damn it!"
Naniniwala si Calix na ipinanganak siya na kahit paano ay may taglay na pasensiya. Pero nang mga sandaling iyon, parang lumipad ang lahat ng kanyang kontrol at pasensya. He was... scared, above all. "Kapag hindi pa rin kayo sumagot, sesesantihin ko kayong laha-"
"Mahigit isang buwan na hong nangyari iyon, Sir," pagputol ni Matilde sa mga sasabihin pa sana ni Calix. "Ayaw hong ipaalam sa inyo ni Ma'am Chryzelle. Tatlong buwan ho ang nasa sinapupunan niya nang madupilas siya sa hagdan sa pagmamadali para lang mahabol kayo noong araw na umalis kayo papuntang opisina."
Malakas na tumikhim ang mayordoma. Sa pagkakataong iyon ay napalitan na ng pangangastigo ang mga mata ng matanda habang nakatitig kay Calix. Bata pa lang siya ay nakamulatan niya na ito sa bahay ng kanyang pamilya. Kinuha niya si Manang Soledad nang mag-asawa siya kaya hindi na ito nakakaramdam ng takot sa kanya. "Mabuti na lang at dumating si Celeste, siya ang kasama namin sa pagdala kay Chryzelle sa ospital. Nakita ko at narinig ko kung paano sandaling nawala sa sarili ang asawa mo, Calix. Hindi ka pa ma-contact ni Celeste noon dahil nasa conference room ka raw. Alam ko dahil naroon ako.
"Pagdating ng gabi, nang tawagan ka uli ni Celeste ay ang sekretarya mo pa rin ang sumagot. Nasa dinner meeting ka raw, kasama ang isang kliyente. Sobrang nasaktan si Chryzelle kaya inilihim niya ang lahat. Nagpanggap siya na walang nangyari nang umuwi ka noon na gabing-gabi na. Halos magkasunod lang kayo sa pagdating. Magkakasama kaming umuwi mula sa ospital."
Natulala si Calix. Hindi niya na alam kung paano siya nakaakyat sa kanyang kwarto. Gulat pa rin na naupo siya sa ibaba ng kama. Naihilamos niya ang mga palad sa kanyang mukha. Naalala niya na. Iyon ang oras na nagtalo sila ng ama tungkol sa branch sa Germany kung saan gusto siya nitong ipadala para ayusin ang problema roon pero tumanggi siya. Dahil kadarating niya lang noon mula sa Taiwan at ayaw niyang muli pang umalis ng bansa nang hindi kasama ang asawa. Gusto niya na kung aalis man sila ni Chryzelle ay para magbakasyon at hindi para sa kanyang trabaho.
Natatandaan din ni Calix na ilang ulit na pumasok sa conference room noon ang secretary na si Rowena at may ipinabasa sa kanyang note. Pero hindi niya na iyon gaanong napagtuunan ng pansin dahil abala siya sa pakikipagmatigasan sa ama at sa paggiit sa board members na iba na lang ang ipadala sa Germany. Pagkatapos niyon ay dumeretso pa siya sa meeting sa isang restaurant para sa isang potential investor kaya gabing-gabi na siya nakauwi. Sa mga nakalipas na taon, maski ang mga gawain dapat ng ama ay ipinaako nito sa kanya kaya nasa buong balikat niya ang mga trabaho.
BINABASA MO ANG
Wish List Number Ten: Love Me Again
RomanceChryzelle had given Calix three hundred and sixty-five chances every year. But he wasted them all. Hanggang isang araw ay nag-quota na ang puso niya. Hiniwalayan niya si Calix na parang naging daan naman para ma-realize nito ang importansiya niya. S...