Bakasyon book2
Chapter 4
Kung ilalarawan ko ang kanyang kamay ay mas magmumukha itong puno kaysa kamay.
Mahahaba ang kanyang apat na daliri na gawa sa mga sanga. Naramdaman kong basa ito kaya siguro malamig sa pakiramdam nang dumampo ito sa aking balat.
Pinilit kong hilain ang aking siko mula sa kanyang mahigpit na pagkakahawak ngunit nabigo lamang ako. Lalo niyang hinigpitan ito at pakiramdam ko nagasgas na ang aking balat dahil sa gaspang ng sanga niyang daliri.
"Bitawan mo ko..." pagsusumamo ko.
"Hindi ka na dapat nagbalik." Simple lang ang kanyang pagkakasabi ngunit nagdulot ito ng panibagong kinalabot sa aking sarili. Parang kulog ang kanyang boses. Nakakabigla sa pandinig.
"Anong kasalanan ko sa inyo?" Naluluha na ako sa takot. Hindi para sa sarili ko kundi para sa taong maiiwan ko kung mamamatay man ako ngayong gabi. "Pakawalan mo ko."
Hindi siya nagsalita. Inabot lang niya ang aking balikat at naramdaman ko ang bigat ng kanyang kamay. Para akong nagbuhat ng isang sakong bigas. Gano'n kabigat.
"Malaki ang iyong pagkakasala."
Napaigtad ako nang nagsalita ulit siya. Nawawalan na ako ng pag-asa sa totoo lang. Hindi ko kilala ang nilalang na 'to at lalong hindi ko alam ang sinasabi niyang kasalanan.
Sa pagpatak ng aking luha ay pumikit nalang ako at taimtim na nagdasal.
"Diyos ko kayo na po bahala sa akin. At kung ito man ang katapusan ko, sana ay huwag niyong pababayaan ang mag-ama ko. Iligtas niyo po sila. Iligtas sana sila ni Dagaran."
Bigla akong napadilat nang maalala ang huling sinabi sa akin ni Dagaran kanina bago ito magpaalam.
"Tawagin mo lang ako at ano mang oras ay darating ako para iligtas ka."
Nagkaroon ako ng lakas ng loob. Sinubukan ko ulit hilain ang kamay ko. "Bitawan mo sabi ako."
"Hindi maaari dahil simula ngayon bihag na kita," matapang niyang sabi.
"Hindi mo magagawa yan."
"At paano ka nakakasiguro?"
"Dahil ililigtas ako ni Dagaran!"
Biglang yumanig ang lupang kinatatayuan namin matapos ko banggitin ang kanyang pangalan. Lalong lumakas ang ihip ng hangin at dahil doon lumuwang ang pagkakahawak sa akin ng nilalang.
Nagkaroon ako ng pagkakataon ng kumalas.
At nagtagumpay ako.
Pumihit ako patalikod sa kalaban para tumakbo papasok ng bahay ngunit nahagit niya ang aking buhok. Natumba ako pagkahila niya.
"Dagaran tulungan mo ako!"
Lalong yumanig ang lupa at sa isang iglap lang may nilalang na lumabas mula sa puno ng mangga.
Mas mataas ito kumpara sa unang nilalang.
Nakita kong sinakal niya ang una at sabay na silang naglaho sa aking harapan.
Nilibot ko pa ang aking paningin ngunit wala na talaga sila sa paligid.
Hindi na ako nag-aksaya ng oras. Tumakbo na ako papasok ng bahay. Pagkasara ng pinto ay nakahinga ako ng maayos. Pinagpapawisan pa rin ako ng malamig ngunit kalmado na ako ngayon kumpara kanina.
Marami ang pumapasok sa isipan ko. Maraming tanong ang nag-uunahan. At lalo akong naguguluhan.
Sino ang nilalang na 'yon? At ano 'yong tinutukoy niyang kasalanan ko?
Naglakad ako papuntang kusina para kumuha ng tubig. Nakita ko ang isang bottled mineral water sa gitna ng malaking lamesa.
Kung kukuha ako ng tubig sa refrigerator ay mapapalayo pa ako dahil sa dulo pa iyon. Kaya kinuha ko nalang ang nakita ko tubig.
Pagkabukas ko nito ay itinapat ko ito sa aking bibig at nang iinumin ko na ay may alitaptap na biglang sumulpot at sinagi niya ang hawak kong tubig.
Kasing liit lamang siya ng langaw ngunit kasing lakas niya ang isang tao na sinadyang tabigin ang hawak ko.
"Kainis naman 'yon!"
Natapon ang laman nito sa sahig.
Akmang pupulutin ko ito ngunit nag-iba ang kulay ng tubig.
Naging kulay itim ito at naamoy ko ang masangsang nitong amoy.
Tumambol ulit ng malakas ang dibdib ko.
Napalayo ako sa natapong tubig at hinagilap ang alitaptap ngunit wala na ito sa paligid.
Ramdam ko ang pagtaas baba ng aking dibdib.
Kanina halos isumpa ko ang alitaptap dahil sa natapon ang tubig, ngayon naman ay malaki ang pasasalamat ko dahil hindi ko iyon nainum.
Paano nalang kung nainum ko 'yon? Anong mangyayari sa akin?
Nakarinig ako ng yapak mula sa taas. Base sa naririnig ko ay pababa ito ng hagdan. Lumapit ako sa may sala at bumangad sa akin ang naka tulalang asawa ko.
"Hon." Hindi niya ako nilingon at tuloy lang siya sa paglakad. "Hon, kanina ka pa ba gising?"
Nilagpasan lang niya ako kaya naman hinila ko ang kanyang kamay ngunit may hawak ito kaya 'yong damit nalang niya ang hinila ko.
"Hon, anong nangyayari sa'yo?" Huminto siya sa paglakad kung kaya't nagkaroon ako ng pagkakataon na harapin siya. "Saan ka pupunta?"
Wala siyang naisagot at nakatulala lamang. Parang wala siyang nakikita o naririnig.
"Hon, ano ba?" Niyugyog ko ang kanyang magkabilang balikat at dahil doon nalaglag ang kanyang hawak.
Naglikha ito ng ingay nang malaglag sa sahig kaya napalingon ako rito.
Napasinghap ako.
Nanlambot ang aking mga tuhod.
At tumulo ang aking luha.
Hindi ako makapaniwala sa aking nasaksihan.
Nakita ko lang naman ang nahulog ng aking asawa.
Isang bottled mineral water na katulad sa nakita ko kanina sa kusina at ang masaklap wala na itong laman na tubig.
To be continued...
BINABASA MO ANG
Bakasyon 2
FantasyIsang malakas na bagyo ang dumaan sa kanilang lugar at malalim din ang baha. Ngunit nakapagtataka na hindi man lang binaha ang malawak na taniman ng bulaklak.