Chapter 01

6.2K 50 0
                                    

Lagpas isang oras na akong naghihihintay rito sa park. Malapit nang sumapit ang ika-sampu ng gabi. Lumingalinga ako sa paligid, mag-isa na lang akong nakatambay rito. May kadiliman dito dahil walang sindi ang ilaw ng ilang post, mabuti na lang at marami pa namang dumadaang sasakyan sa kalsada kaya kahit papaano ay hindi ako gaanong namamanglaw.

Kanina lang ay pinuntahan ako rito ni Ate Lina. Siya ang nagrekomenda sa akin sa magiging amo ko. Parehas kaming taga Samar, at magkapitbahay pa. Noong isang linggo ay umuwi siya sa amin para sa pista. Naghahanap siya ng isasama sa Maynila dahil naghahanap ng katulong ang isa niyang kakilala. Nagkataon din na naghahanap ako no'n ng mapapasukan.

Nakapagkolehiyo ako ngunit pagkatapos ng isang taon ay kinailangan ko ring tumigil dahil sa problemang pinansyal ng mga magulang ko. Nagsimula akong pumasok sa iba't ibang trabaho upang kahit papaano ay makatulong sa aming gastusin.

Sinubukan kong pumasok na tindera sa isang malaking grocery store sa amin, pero hindi ko kinaya. Bukod kasi sa allergic ako sa maraming tao, ay hindi ako pwede sa paspasan. Kailangan kasi roon sa tindahan 'yong mabilis kumilos at alerto dahil sa dami ng kustomer araw-araw. Mabilis akong mataranta kaya madalas akong pumalpak, kaya madalas din akong pagalitan ng amo ko. Sunod naman, ipinasok akong yaya ng nanay ko sa isang kakilala niya sa lugar pa rin namin. Dalawang buwan pa lang ang bata at wala pa akong karanasan sa pag-aalaga ng sanggol kaya hindi rin ako tumagal. Sunod namang pinasukan ko ay sa bayan na. Mababait ang mga naging amo ko. Hindi gaanong mahirap ang mga gawaing bahay. Laba, saing at linis lang ng bahay. Hindi ako nagluluto ng ulam dahil isang chef ang tatay ng amo kong babae kaya naman nagkalaman ako ro'n sa kanila. Kaso lang 'di rin nagtagal dahil kinailangan na nilang umalis. Lumipat na sila ng tirahan. Pumunta na sila ng Cebu. Sayang, kasi sa kanila sana ako nagtagal.

Kaya ayon, sa bahay na lang ako, tagatulong kay Nanay sa mga gawaing bahay. Ang tatay ko naman bukid at dagat ang opisina.

May apat pa akong nakababatang kapatid na nag-aaral, dalawa sa elementary at dalawa sa high school. Kulang na kulang talaga ang kinikita ng tatay ko sa araw-araw na pagkayod. Nakokonsensya akong isipin na wala man lang akong maiabot sa kanila. Wala man lang akong maitulong. Kaya, sinabi ko sa sarili ko na, kapag nakakita ako ng oportunidad, susunggaban ko na kaagad. Kahit malayo, kahit mahirap malayo sa pamilya, kakayanin ko.

At heto nga at nasa Maynila na ako. Katakot takot na hirap ang pinagdaanan ko sa biyahe pa lang. Akala ko 'di na 'ko makakarating nang buhay sa Maynila. First time kong makasakay ng bus, at sa unang andar bumaliktad kaagad ang sikmura ko. Wala akong ibang ginawa sa byahe kundi matulog at sumuka. Naging kahiyahiya talaga ako. Halos matulog ako sa paanan ng may upuan, doon ko ipinilit na isiksik ang katawan ko. Gusto kong humiga. Nakakahilo ang umupo! Halos lahat ng mga gamit sa maliit kong shoulder bag ay lumabas at naglakbay sa loob ng bus. Isang beses ko lang 'yong binuksan para kunin ang biniling white flower ni nanay para sa 'kin para amoy amuyin ko, at hindi ko na nga nasarhan. Wala na akong pakialam, basta nahihilo ako at gusto ko lang matulog! Dahil tuwing imumulat ko ang mata ko, naduduwal ako. Nakailang plastik labo din ako at nang isang beses kong itinapon ang isang plastik na may lamang sama ng loob ay na-shoot pa iyon sa bilao na nakapatong sa ulo ng isang tinderong nagtitinda ng mga kakanin. Mabuti na lamang at umaandar ang bus, kaya absuwelto na ako kaagad sa kasalanan ko.

Akala ko ay sa bus lang ang kalbaryo ko. 'Yon pala ay mas malala pa ang pagdadaanan ko sa barko. Nakaramdam ako ng matinding pagkaihi habang umaandar 'yon. Nang tumayo ako ay umiikot ang aking paningin. Nang humakbang ako ay nawalan ako ng balanse at nasubsob ako sa kandungan ng isang lalaki. Pahiyang pahiya ako, pero mas nahihilo pa rin ako. Mabuti na lang at naawa sa akin si Ate Lina at sinamahan na akong mag-CR.

Balik na naman sa bus. Parang nasa impyerno na ang pakiramdam ko, walang katapusang paghihirap! Isang araw lang iyon ngunit pakiramdam ko ay habang buhay na. Kumain daw ako para magkalaman ang tiyan ko, dahil lalo akong mahihilo kapag gutom ako. Sinusubukan ko namang kumain ng kaunti, pero hindi tinatanggap ng sikmura ko. Pinakamabisa pa rin ang matulog.

INDAY DIARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon