"Donna!" Pareho kaming napalingon ni Ate Donna nang marinig namin ang boses ni Sir Ken. Tinapik ako sa paa ni Ate Donna sabay tayo. "Andiyan na si Kuya. Baba ka na rin," sabi niya sa 'kin.
Nauna siyang pumasok sa bahay at bumaba. Sumunod ako. Nakita kong iniabot niya kay Sir ang mga folder na bitbit niya kanina.
Maya maya ay dumating na rin sina Miss Irene at Terence.
"Danny, kuhanin n'yo nga ni Yong iyong mga pagkain sa kotse para makapaghapunan na tayong lahat," sabi ni Miss Irene. Mabilis namang sumunod ang dalawa.
"Sige po, Kuya, uuwi na po ako," paalam ni Ate Donna kay Sir Ken.
"Kumain ka muna," sabi ni Sir sa kanya.
"Sa bahay na lang po."
"Sus, excited ka lang umuwi kasi namimiss mo na si Ramon!" tukso ni Sir sa kanya. Si Ramon ang asawa ni Ate Donna.
"Si Kuya talaga!" natatawang sabi ni Ate Donna. Hindi na ito nagpapigil at umuwi na nga.
Ang daming pagkaing iniuwi si Miss Irene- ilang box ng pizza, ilang bucket ng fried chicken at iba pa. Kami lang nina Kuya Yong at Kuya Danny ang naiwan sa lamesa. Sa siba ng dalawa, walang kwenta ang dami ng pagkain.
Hindi sumabay sa amin sina Sir. May bitbit na ibang pagkain si Miss Irene para sa kanila. Sa kwarto na yata nila sila kakainin.
"Kain lang nang kain," sabi sa akin ni Kuya Yong. "Tataba ka rito. Hindi madamot sa pagkain sina Kuya Ken. Magsasawa ka na lang." Ikinatuwa ko 'yon.
Natapos na lang kaming kumain hanggang sa nakapagligpit na ako at lahat lahat, hindi na lumabas pa ng kwarto ang mga amo ko. Baka deretsong nagsitulog na lang din. Mabuti na rin 'yon at malaya akong makakagalaw sa loob ng bahay. Mahirap magtrabaho kapag nakamasid ang mga amo mo.
Kinabukasan ay maagang nagising si Miss Irene at kinausap ako. "Nasabi na sa 'yo ni Donna 'yong trabaho mo rito sa bahay, ano?" tanong niya sa akin.
"Opo Miss Irene," tugon ko.
"Tungkol naman kay Terence," tumikhim ito, "malapit lang ang school niya rito, mamaya pasasamahan kita kay Yong para maituro niya sa 'yo kung saan. Sa umaga, dahil sira ang shower, kailangan mong mag-init ng tubig para sa ipapaligo niya. Tapos, ihahatid mo siya sa school at syempre susunduin. Every Saturday naman, may special advanced class siya. Nasa loob ng mall 'yon. Sasamahan mo rin siya at hihintayin hanggang sa pag-uwi. Maliban sa nga gawaing bahay, 'yan ang routine mo araw-araw."
Tumango ako.
"Sandali, ilang taon ka na pala?"
"Twenty na po Miss Irene," sagot ko.
"Ah,okay. Tungkol naman sa sahod mo, kensenas katapusan ka naming bibigyan. Starting salary mo is 3,000. Ok na ba sa 'yo 'yon?"
"Ok na po Miss Irene," sagot ko. Doble ang laki no'n sa 1500 na sinasahod ko sa huli kong trabaho. Mas malaki na ang maipapadala ko kayna Nanay.
"Kung magustuhan namin ang serbisyo mo, uumentuhan ka namin kaagad sa susunod na buwan."
Na-excite ako sa sinabi niya. Hindi ko mapigilang matuwa. "Naku, Miss Irene, pangako po, magsisipag po ako. Hinding hindi ko po ipapahiya ang sarili ko sa inyo."
"We'll see," nakangiting sabi niya. Tumayo na siya. "Sige, maliligo na 'ko. Ako ang magbabantay sa shop ngayon. Itanong mo na lang kay Ken kung ano ang gusto niyang agahan pagkagising niya. Si Terence naman, iluto mo na lang din ng gusto niya," bilin niya sa 'kin.
Mukha namang mabait si Miss Irene. Magaan ang loob ko sa kanya. Maamo kasi ang mukha niya at mahinahon na malambing magsalita.
Isa't kalahating oras na siyang nakakaalis nang may tumawag na tao galing sa labas. Hindi ko kilala ang taong nakatayo sa labas ng gate. "Bakit po?" tanong ko sa lalaking 'yon.
BINABASA MO ANG
INDAY DIARIES
RomanceLynette's heart gets confused with her boss's actions. Is he flirting with her?