Chapter 2

117 2 1
                                    

KABANATA 2

Hindi na sana magmumukmok si Mia sa ginagawa sa kanya ng Mommy at Daddy niya kung di niya nakikita ang disparity ng turing ng mga ito between her at ng kanyang Ate Girlie.

Four years lang naman ang pagitan ng kanilang edad. Pero si Girlie, kung ituring ng ina’t ama’y dalagang-dalaga na. Kahit na noon pa man, mas nakikita niyang may say ang ate niya sa mga bagay na concerned ito. Mas binibigyan ng responsibilidad. Mas pinakikinggan ang opinyon.

Pero di rin naman din niya maitatanggi na talagang lamang sa kanya ang kanyang Ate Girlie. Bukod sa higit itong mataas, very lady-like ang kilos nito. Kahit noon nasa hayskul pa lang, kilos dalaga na to. Hindi gaya niya na may pagka-boyish. Isa pa’y higit na malakas ang personalidad ng kanyang ate kumpara sa kanya. Ang tindig nito’y gaya ng isang modelo. Dagdag pa ang magandang kulay ng balat. Makinis na makinis ang kanyang Ate Girlie. Mula yata noo hanggang talampakan ay pantay ang kinis ng balat nito. Bukod pa ang magandang hubog ng binti na siya nitong tunay na asset. Long-legged ito. Walang bukong-bukong sa binting bilugan. At ang katanging ito ang nagpapabukod-tangi sa kanyang Ate Girlie.

Kahit may nagsasabing mas maganda ang mukha niya, ang Ate Girlie pa rin niya ang pansinin kung sila’y nagkakasama. Maging sa kalalakihan, mas malakas ang hatak ng magneto ng karisma nito kumpara sa kanya.

Madalas tuloy na ang tingin niya sa sarili’y alangang maging kapatid ng nakakatandang kapatid. Nagkakaroon tuloy siya ng inferiority complex at bumababa ang pagtingin sa kanyang sarili.

Magkagayunman, mabait sa kanya ang kanyang Ate Girlie. Magiliw sa kanya’t lagi siyang kinakampihan kung nasasabon ng mga magulang sa kanyang kakulitan. Kung may mga okasyon, lagi siyang niyayayang sumama. Hindi maramot sa mga gamit at malambing sa kanya. Pero di rin iyon sapat para di niya aminin sa sariling nagseselos siya sa kanyang Ate Girlie. Na kinaiinggitan niya ang mga katangian nito.

Sabado ng tanghali, kakatapos pa lamang nilang magtanghalian. Nasa lawn silang mag-anak. Magkatabing nagbabasa ng magazine ang kanilang Daddy at Mommy. Ang Kuya Eddie niya’y may binabasa ring libro. Ang Ate Girlie naman niya’y pabuklat-buklat ng isang fashion magazine. Samantalang siya’y abala sa paglalaro sa alagang Spaniel poodle. Isang lipat-bahay trak ang huminto sa bakanteng bungalow sa kanilang harapan.

“Ay may lilipat na sa dating bahay nina Mrs. Belen oh?” si Mercy, naglabas ng pamatid-uhaw para sa mag-anak.

Unang tumingin si Mia sa mga naghahakot sa trak.

“Mommy, may aso rin sila oh?”

“Bulldog pa ata!” nakiusyoso na rin ang Kuya Eddie niya.

“Mommy, lapitan ko ha? Baka kailangan ng tulong!” isinara nito ang binabasang libro. Anyong lalabas ng kanilang gate.

“Sige son, baka nga kailangan ng tulong” sang-ayon ng kanilang Daddy.

“Daddy, sama ko kay Kuya ha?”

“Hindi, diyan ka lang, babae ka’t bata pa. Wala kang maitutulong sa kanila. Makakaistorbo ka lang.”

Gusto pa sanang magreklamo ni Mia nang matanawan niya ang kanyang Kuya Eddie. Kausap nito ang isang kasing-edad na lalaki na kasama sa mga nagsisipaglipat. Hindi niya alam kung bakit biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Kinabahan siyang di mawari. Noon lang niya iyon naramdaman.

“M-Mercy, pakidala na nga si Mutya sa loob,” wala sa sarili niyang utos sa katulong. Hindi inaalis ang tingin sa kausap ng kanyang kuya.

Nakita niyang napatingin ang lalaki sa kanilang mag-anak. Pero di nagtagal ang mata sa kanya. Sinundan niya ang tinutumbok ng paningin ng lalaki. Sa Ate Girlie niya na abala pa rin sa pagbabasa nakatingin ito.

Nakita niya ang tila paghanga sa mata ng lalaki. Hindi niya iyon masisisi.

Naka-shorts ang kanyang ate. Naka-cross legs. Kitang-kita ang magandang asset nito. Ang kanyang makinis at long legs.

Nakadama ng pagka-inggit si Mia. Tumayo sa kanyang kinauupuan at sinadyang lapitan ang kanyang ate. Iniharap ang sarili para di na matanaw ng lalaki ang mga binti ng kanyang kapatid.

“Oh bakit Mia… may problema ka?”

“Oo, doon tayo sa loob, may sasabihin ako sayo.”

“Ano yon ha?”

“Dun na tayo sa loob, halika na… dun tayo sa loob.”

“Sige na nga” patayo na ang kanyang ate nang kasamang lumapit ng Kuya Eddie niya sa kanila ang lalaking bagong lipat.

“Mommy, Daddy, si Zaldy… anak ng mga bagong lipat sa harap natin.”

Bumati’t nagbigay-galang si Zaldy.

“Sila naman ang mga sisters ko… si Girlie at ang baby sister namin… si Mia.”

Ikinainis ni Mia ang ginawang pagpapakilala sa kanya ng kanyang Kuya Eddie.

“Hi, Girlie…”

Hinintay ni Mia na batiin din siya nang gayunding lambing ni Zaldy pero nabigo siya. Kumaway lang sa kanya ang binata.

“Oh Mia, may sasabihin ka bas akin?” tanong ni Girlie sa kanya. Suyang sumagot ang dalagita.

“Wala… wala akong sasabihin!” tuluy-tuloy siyang pumasok sa loob ng bahay. Iniwan ang mga kapatid at magulang kausap ang bagong lipat. Inis na inis siya. Alam niya kung kanino siya naiinis, kay Zaldy at sa kanyang Ate Girlie.

MAY LIHIM ANG MUSMOS NA PUSOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon