Chapter 2

13.8K 346 4
                                    

ABURIDUNG-ABURIDO si Vince nang umagang iyon. Nasunog ng maid ang laylayan ng kanyang barong-Tagalog na gagamitin niya sa kasal nina Pio at Sandy. Mabuti na lang at nalaman agad niya habang maaga pa. Nagpadala siya ng tao sa Taal para bumili ng bagong barong. He wanted to appear his best at hindi pupuwede ang basta barong.

Alas-diyes ng umaga nang dumating ang inutusan niya. Katatawag lang sa kanya ni Pio, nasa simbahan na raw ito at aburido na rin. Baka raw magbago ang isip ng bride at hindi sumipot.

He had to laugh at that. "Relax, 'tol. Darating 'yon. Alam mo naman ang mga bride, gusto nila, magandang-maganda sila pagharap sa altar," sabi niya sa kaibigan kani-kanina lang.

Mabilis siyang nagbihis. Ilang sandali pa, dala na niya ang van na lulan ang kanyang mama, isang kapatid na babae, at mga anak nito. He was excited.

He also felt funny dahil ni katiting ay wala siyang naramda­mang hinanakit. Masaya siya para sa kaibigan; masaya siya para kay Sandy. Ang problema nga lang ay hindi iyon alam ng maraming tao, kasama na ang pamilya niya. Hanggang ngayon ay iniisip ng kanyang mama na masama ang loob niya dahil hindi siya ang pinili ni Sandy.

But he would get by. Someday or maybe soon, he would find the right woman for him. Naalala niya ang sinabi sa kanya ni Matt, isang kaibigan: "You're not really in love, brod," sabi nito noong huli silang nagkausap. "Nakita mo lang kay Sandy ang ideal woman mo. Nagkataon namang free kang lumigaw kaya niligawan mo. Pero walang kinalaman ang pagiging ideal ng isang babae sa true love. Hindi si Sandy ang true love mo."

"How did you know? How do I know?" naitanong ni Vince.

"I just felt it. Ikaw rin, mararamdaman mo na lang 'yon. I can't explain it. you won't be able to explain it, but you'll know," paniniyak ni Matt, kasunod ang pag-imbita sa kanya para maging best man sa kasal nito.

Best man forever yata ang papel ko sa mundo, nasabi ni Vince sa sarili. Bahagya siyang nag-menor dahil inilabas ng driver sa unahan niya ang kamay sa bintana. Gumagalaw ang mga daliri nito. Pero kahit nagparaya na siya ay hindi naman lumipat ng lane ang berdeng box type na sedan. Patuloy pa rin ang pagkumpas ng driver ng mga daliri. Binusinahan niya ito. Hindi pa rin ito lumilipat ng lane.

Naiinis na tinapatan ni Vince ang kotse. Naka-scarf ang babaeng driver at naka-smoke glasses. Parang gusto niyang banggain ang sasakyan nang ma-realize niyang hindi naman pala talaga sumesenyas ang babae, parang nagpapatuyo lang ng nail polish!

The woman also looked familiar and he felt a bizarre stirring in his guts. Pinasibad niya ang van para lampasan ang babae at para paliguan din ito ng alikabok.


"GAGO 'yon, ah!" sabi ni Georgie nang biglang sumibat ang van sa tabi niya. Ipinagpag ulit niya ang mga daliri. May nahawakan siyang malagkit nang buksan niya ang glove compartment ng kotse. May grasang natapon doon at hindi man lang iyon nilinis ng may-ari ng kotse.

Inarkila lang niya ang sasakyan dahil ayaw niyang isakay ng bus si Mary. Baka lumala ang sipon nito. Nang dumating sa Pilipinas si Mary, sinipon agad at nag-alala siya roon.

Nakita niya ang kantong patungo sa bahay nina Pio. Isang beses pa lang siyang nakapunta roon, pero hindi niya nakakali­mutan ang daan.

Hindi rin naman nabago ang kulay ng gate nina Pio. Itinigil ni Georgie sa tapat niyon ang kotse at bumaba. Nag-doorbell siya. Isang dalagita ang sumilip. Itinanong niya rito kung nasaan si Pio.

"Nasa simbahan na po," sabi ng dalagita. "Ikakasal ho ngayon."

Napanganga siya. "Ngayon ang kasal ni Pio?"

Tumango ang dalagita. "Sino po sila?"

"Si Georgie. Sige, salamat. Susunod na lang ako roon."

Halatang masigla ang mood sa kalsadang kinaroroonan ng simbahan. Hindi na rin gaanong gumagalaw ang mga sasakyan dahil may mga nag-double park na roon. Kabi-kabila ang naririnig niyang busina. Dama niya ang excitement sa paligid.

Napilitan si Georgie na mag-park isang kanto pa bago ang simbahan. Isinukbit niya sa balikat ang carryall bag na naglalaman ng mga gamit niya at gamit ni Mary, pagkatapos ay kinuha sa baby carrier ang bata. Binuhat niya si Mary at nag-umpisang maglakad.

Sa aktibidades sa patio ng simbahan, masasabi niyang inaabangan ng lahat ang kasal ni Pio. Ang entrada ng simbahan ay dinisenyuhan ng mga birds of paradise na bulaklak at ang pulang carpet ay hanggang doon sa pinagparadahan ng bridal car. Puting Mercedes-Benz iyon na bagung-bago.

Nag-uumpisa na ang kasal. Nakaupo sa harap ng altar ang mga ikakasal. Nagsesermon ang pari. Naupo siya sa last pew.

Kahit malayo si Georgie at likuran lang ng groom ang nakikita niya, sigurado siyang si Pio iyon. Parang nararamdaman din niya ang kaligayahan nito. In fact, sa loob ng simbahan ngayong ikinakasal si Pio Andong, parang walang lugar ang lungkot. Every face she saw looked happy.

She couldn't help smiling. Finally, Pio had found the right woman. Maalamat ang pagiging babaero nito. She wondered what the bride looked like.

Lucky girl, sa loob-loob niya.

Bud Brothers Series Book 1: Stupid Cupids (Published by PHR, Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon