Chapter 1

30.8K 510 58
                                    

Bahagyang bumukas ang gate nila Georgie sa bahay. Napanganga ang maid na sumilip doon.

"Ang Daddy, Linda?" tanong ni Georgie.

"A-Ate Georgie," anas ng maid na kasing-edad lang niya. Matapos siyang pagmasdan ulit ay excited siyang pinatuloy nito. "Matutuwa ang daddy n'yo—"

"Pakipasok na lang ng mga gamit ko," sabi niya at pumasok na.

Maliksi naman si Linda, ito pa ang nagbukas ng front door para sa kanya.

"Thanks."

Habang ibinababa ni Linda ang dalawang magkaternong suitcas­es ay sumigaw na ito sa direksiyon ng hagdan.

"Sir! Sir! Dumating po si Ate Georgie! Sir!"

Napangiwi si Georgie sa tinis ng boses nito, pero ikinatuwa naman niya ang nakikitang excitement sa katulong. It made her feel welcome.

Hindi naman nagtagal ay narinig niya ang humahangos na yabag ni George Yulo, her father.

"Nasaan? Nasaan ang batang 'yan?" Nasa boses nito ang ka­siyahan at pananabik sa kanya.

She felt like crying. Nang pumunta siya sa Singapore, she was certain she wouldn't miss her father. Ang takasan ang pagiging diktador nito ang purpose niya kaya siya nagpunta roon. Gusto niyang maging malaya at hanapin ang sarili.

Pero ngayon, hindi na siya makapaghintay na mayakap ang ama. Hindi na rin siya makapaghintay na makahingi ng tawad. Napatunayan na niya ang sinasabi ng matatanda na maiintindihan lang niya ang mga magulang kapag siya ay magulang na rin.

"Daddy!" sabik niyang tawag nang makita si George Yulo. She was also glad that he didn't change much, he was still short and pudgy with thinning hair and plump rosy cheeks. Ibig sabihin, wala itong problema sa kalusugan.

"Georgina, anak—" Ibinuka nito ang mga bisig para yakapin siya, pero natigilan sa paglapit sa kanya. Napamulagat ito sa sanggol na karga-karga niya. "W-who is that?" halos bulong na lang nito, halata ring kinakabahan.

Siya na ang lumapit dito. "Daddy, meet Mary, my baby. Mary, meet Lolo." Hinawakan niya ang kamay ng sanggol at ikinaway sa kanyang ama.

Halos lumuwa na ang mga mata nito. "A-apo ko 'yan?" Parang hindi nito malaman kung dapat hawakan ang sanggol o hindi.

Tumango si Georgie. "Yup."

"N-nasaan ang ama?" Ang expression ng kanyang daddy ay parang sa tao na lulundag buhat sa eroplano at hindi sigurado kung bubu­kas ang parachute. Nawala ang rosy glow sa mga pisngi nito, biglang namutla.

"Nasa Singapore siya, Dad. Siya ang dahilan kaya biglaan akong umuwi. Hinahanap niya ako, kukunin niya si Mary," sabi niya.

"Hindi ko maintindihan. Paano ka nagkaanak? Nag-asawa ka na ba?"

Inayos ni Georgie ang posisyon ni Mary sa bisig niya. "Wala pa akong asawa, Dad. Hindi ko naman talaga tunay na anak itong si Mary. Anak siya ni Maying, 'yong kaibigan ko sa Singapore. She—she passed away. Iniwan niya sa akin si Mary."

Sa kagustuhan niyang makawala sa pagkadiktador ng ama, nagpasya si Georgie na tanggapin ang imbitasyon ni Maying na pumunta siya sa Singapore. Kahit hindi siya sigurado kung ano ang magiging buhay niya roon, nagsabi pa rin siya sa ama.

Inaasahan na niya ang pagtanggi ng kanyang daddy, pero nagmatigas siya. Hindi siya nito tahasang pinigilan, sinabihan lang siya na bahala na siya sa buhay niya. Mainit na ang pagtatalo nila noon at nang bandang-huli ay tinalikuran na lang siya nito.

Bud Brothers Series Book 1: Stupid Cupids (Published by PHR, Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon