Chapter 7

12.3K 291 14
                                    

"DIYAN na lang ho tayo sa mga berdeng gate na 'yan, Ma'am," sabi kay Georgie ng binatilyong kinausap ni Pio para samahan siya sa apartment nito. Hindi pa raw ito puwedeng umuwi dahil ayon sa tradisyon ng matatanda, kailangan daw munang dumaan sa bahay ng bride ang newlyweds bago tumuloy sa bahay ng lalaki.

Inihinto niya ang kotse.

"Bubuksan ko lang ho ang gate," wika ng binatilyo at bumaba. Iyong pangatlong berdeng gate ang binuksan nito, pagkatapos ay binalikan ang mga suitcase niya sa compartment. "Sumunod na lang ho kayo sa akin."

Iyon nga ang ginawa niya. Hindi nagtagal ay nasa loob na siya ng apartment. It was modest. Dalawa ang kuwarto sa gawing kaliwa. Dumako ang pansin niya sa framed picture na nakapatong sa side table katabi ng mahabang sofa.

Litrato iyon ng Bud Brothers. Sina Pio at Vicente, magkaakbay sa ilalim ng arkong entrada ng farm. May hawak na pala si Pio, nakangisi at sa suot na puting T-shirt ay may nakasulat na: BUD BROTHERS FECER.

Si Vicente naman ay nakangiti rin, pero mukhang may ibang iniisip. Knowing him, he could be thinking if the camera had a film. He was a worrier, masyado ring mabusisi sa detalye. He was probably a couple of inches taller than Pio, leaner, darker.

Ang alam ni Georgie, banker ang lalaki, pero mas maitim kaysa kay Pio. Parang lagi itong nasa labas ng bahay gayong si Pio ang nasa construction business.

"Saan ko ho ilalagay ang mga ito?" tanong sa kanya ng bina­tilyo, ang tinutukoy ay ang mga bagahe niya.

"Iwan mo na lang muna riyan."



NAGHUHUBAD si Vince ng barong nang tumunog ang kanyang cell phone. Si Pio ang nasa kabilang linya.

"'Tol, daan ka muna sa apartment," yaya nito.

"Ano'ng gagawin ko roon? Istorbo lang ako sa inyo."

Tumawa si Pio. "Nandoon si Georgie, 'The Gorgeous.' May problema raw. Ayaw mo bang makausap?"

He let out a short mocking laugh. "Ano naman ang kinala­man ko sa problema niya?"

"Maski na wala. Ayaw mo bang alamin kung ano? Nakita mo naman, may kasamang anak, pero walang asawa. Wala raw matutu­luyan. At saka tumawag sina Carlo. Nasa Balayan na raw sila. Na-traffic daw sila sa expressway. Kanina pa sila dapat nakarating. Sabi ko, sa apartment na lang tumuloy."

"Sige. Magbibihis lang ako." He ended the call.

Isinampay ni Vince sa upuan ang barong, pagkatapos ay hinubad na ang iba pang saplot maliban sa underwear. Nang mapatingin siya sa reflection niya sa salaming nasa pinto ng isang lumang cabinet, ang nakaraan na naman nila ni Georgina ang naisip niya.

He stared at himself clad only in cotton briefs. Namaywang siya, pagkatapos ay tumango.

"Ang luka-lukang 'yon, naliitan pa pala sa 'yo? Para namang hindi ko alam na nagkulay-suka siya nang makita ka," sabi niyang para namang sasagot ang kinakausap.

He donned a pair of Levi's jeans and a striped shirt. Naka-tuck in siya. He stepped on his loafers at lumabas ng kuwarto.

"'Ma, sasaglit lang ako kina Pio," paalam niya sa ina.

"Ano ba naman kayo? Dapat nagha-honeymoon pa ang mga 'yon, hindi nag-iinom."

"Okay lang 'yon, 'Ma. Si Pio naman ang nag-imbita. Pupunta rin doon sina Carlo. Hindi sila umabot, eh."

"Dito ka ba uuwi mamaya o doon sa bahay mo?"

"Baka doon na lang." He went out of the house.

Nang isuksok ni Vince ang susi sa kotse, inamin niya sa sarili na kahit paano ay interesado siya sa problema diumano ni Georgina. He reasoned na natural lang naman iyon.

Tungkol ba sa ama ng anak nito ang problema? Bakit hindi ito pinanagutan ng lalaking iyon?

Kapal ng mukha mo, p're, sa loob-loob niya patungkol sa walang-modong nakabuntis kay Georgina. But he cursed himself at once. Bakit ba niya huhusgahan ang lalaking iyon gayong hindi naman niya ito kilala? Si Georgina ang kilala niya at malamang, nasa babae ang problema. Hindi siya dapat magpakita ng concern dito.

Dumaan na muna siya sa kanyang opisina dahil may mga release forms pa siyang dapat pirmahan. Ayaw naman niyang pahabul-habulin ang mga nangungutang sa lending company. Hindi rin siya kagaya ng ibang nasa ganoong negosyo na bago i-release ang loan ay binaba­was na ang interes na napagkasunduan nila, kaya halos wala na ring matira sa inutang.

Alam naman niyang kaya nangungutang ang mga tao ay dahil kailangan talaga ang pera. Dahil gusto ng mga kliyente ang pata­karan ng opisina nila, hindi sila nawawalan ng kliyente at nagba­bayad naman nang maayos ang mga ito.

Kararating din lang nina Carlo nang dumating siya sa apart­ment ni Pio. Bumababa pa lang ang mga iyon sa kotse.

"Ano, bakit ngayon lang kayo?" bati niya sa tatlong lalaking bumaba sa isang Honda Civic. Si Carlo ang may-ari ng sasakyan.

"Na-traffic kami, eh," wika ni Carlo, maliit na lalaki pero kapag nakikita niya, hindi niya maiwasang hindi mapangiti. Ganoon din ang reaction ng mga taong nakakaharap nito. Carlo was the comic in their group.

Nagkamay silang tatlo, iyong paraan ng pakikipagkamay na nakamulatan na nila noong sumali sila sa fraternity sa university na pinasukan.

Si Sandy ang nagbukas sa kanila ng pinto. Naka-jeans and shirt na lang ang babae, burado na rin ang makeup.

"Pasok kayo," anyaya nito.

"May bogtsi pa ba?" tanong ni Carlo.

"Marami pa. Iinitin ko lang 'yong lechon, makunat na, eh," sabi ng maybahay ni Pio.

Bud Brothers Series Book 1: Stupid Cupids (Published by PHR, Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon